Article

Mensahe Para sa Taong Nag-iisip

Mensahe Para sa Taong Nag-iisip

Sa Pangalan ni Allah, Ang Maawain Ang Mahabagin.
Mula kay Muhammad Bin Muhammad Al-jelani para sa taong nag-iisip: patnubayan ka nawa ni Allah sa lahat ng kabutihan.
Kapayapaan sa lahat ng mga sumusunod sa tuwid na landas. Hiling ko kay Allah na datnan ka ng mensahe kong ito na nasa mabuting kalusugan.
Ang mensaheng ito’y nagmula sa kaibuturan ng puso at ang hangarin ay upang makamit ang kabutihan at payo para sa iyo hinggil sa isang bagay na sa pamamagitan nito’y makamit mo ang dalawang kabutihan; sa mundo at kabilang-buhay…
Dahil dito, hinihiling ko sa iyo na basahin nang higit isang ulit ang mensahe na ito nang may pagbubulay-bulay sa kahulugan at maging totoo sa ‘yong sarili, sa iyong tuwid na kalikasan at pag-iisip. Wala akong ibang hangad maliban na magkamit ng pagkalugod ni Allah at pagnanais ko ng kabutihan para sa iyo.
Ang tao sa mundong ito ay ipinanganganak nang dalawang beses!, oo… ipinanganganak nang dalawang beses.
Una: Nang lumabas mula sa masikip na sinapupunan ng kanyang ina tungo sa mundong ito na puno ng lahat mga kamangha-manghang bagay; mayroon ditong kaligayahan at kasayahan, at mayroon namang pagod at kalungkutan…
Mararanasan niya dito ang iba’t-ibang pagbabago: Sa gulang ng pagkasanggol, pagkabata, pagbibinatilyo o pagdadalaga, kabataan, kahustuhang gulang, katandaan, kamatayan at paglilibing sa libingan para lumipat sa ibang mundo…
Ika-2: Paglabas mula sa huwad na buhay at malayo sa tunay na dahilan ng pagkakalikha upang bumalik sa tunay na dahilan ng pagkakalikha at paghahangad na makamit ang tunay na buhay sa mundong ito at sa Huling Araw.
Ano ang Tunay na Buhay?
Ito ang katanungan na nararapat pag-isipan ng lahat ng tao sapagkat sa pamamagitan ng kaalaman sa katanungang ito at pagkilos upang makamit ang layuning ito ay makakamit din natin ang tagumpay at kaligayahan sa dalawang tahanan – Mundo at Huling Araw…
Bakit nilikha ni Allah ang tao? Mayroon kayang pangangailangan si Allah sa tao? Si Allah ba’y nangangailangan ng pagkain o kaloob mula sa tao?.
Ang likas na isasagot ng isang taong nananatili pa sa orihinal nyang kalikasan: Si Allah, ang Tagapaglikha na Tagapagkaloob ay hindi nangangailangan sa Kanyang mga alipin ng anumang bagay; pagkain man o inumin.
Nilikha tayo’t pinairal ni Allah mula sa wala dahil sa isang dakilang layunin na walang iba kundi ang pagsamba lamang sa Kanya. Dahil si Allah ang Tagapaglikha ng boong santinakpan kabilang dito ang mga kalangitan, kalupaan, kabundukan, mga ilog, karagatan, mga planeta at mga kalawakan; ang lahat ng mga ito’y kumikilos ayon sa kahanga-hanga at bukudtanging paraan na hindi magbabago’t mapapalitan, dahil dito, Siya lamang ang karapatdapat ng paglilingkod o pagsamba, wala nang iba pa.
Nasa Kanyang mga kamay ang mga susi ng lahat ng bagay; Siya ay may kakayahan sa lahat ng bagay sa mga kalangitan at kalupaan. Siya ay Makapangyarihan, Maawain, nagtataglay ng kapangyarihan at kadakilaan. Sumusuko sa Kanya ang lahat ng mga nilikha at nangangailangan sa Kanya, araw at gabi; ginugunita, pinasasalamatan at hinihingan ng tulong at dinudulugan ng mga suliranin; kapag may nangyaring sakuna o panganib sa isang tao, di maiiwasang siya ay tatawag ng: “Diyos ko, iligtas Niyo po ako, Diyos ko, tulungan Niyo po ako…” Sapagkat alam ng tao na ang lumikha sa kanya ang makatutulong at makakaligtas sa kanya, wala nang iba pa…
Ikinagagalit ni Allah ang paghiling sa iba maliban sa Kanya ng mga bagay na walang makakagawa maliban lamang sa Kanya. Siya ang tumutulong sa mga tao sa iba-ibang pangangailangan. Hindi Siya nagsasawa sa dami ng kahilingan ng mga tao, kaibahan ng mga boses, salita, pangangailangan at sa iba’t-ibang oras. Tinutugon Niya ang panalangin ng taong nananalangin kapag nanalangin ito sa Kanya.
Ipinagbawal Niya ang pang-aapi sa Kanyang sarili at ito ay ipinagbawal din Nya sa lahat ng tao.
Tinatanggap Niya ang pagbabalik-loob ng mga tao at pinatatawad ang mga kasalanan ng sinumang lumapit sa Kanya na umaasa sa Kanyang kapatawaran at kaluguran. Walang kanlungan at walang matatakasan kundi sa Kanya. Inanyayahan Niya ang tao sa pagsamba sa Kanya lamang, sapagka’t Siya ang Lumikha at nagpairal sa mga tao sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan at kakayahan, kaya’y hindi nararapat na itambal sa Kanya ang anuman na walang karapatan sa pagsamba, sapagka’t Siya ang lumikha ng lahat!?.
Si Allah ay Nag-iisa at Dulugan, hindi nanganak at hindi ipinanganak, wala ni isang naging kagaya Niya. Wala Siyang asawa at mga anak bagkus Siya ay hindi nangangailangang mag-asawa at magkaanak; ito ay pangangailangan lamang ng mga nilikha at hindi ng Tagapaglikha.
Ginawa Niya na ang pagsamba sa iba bukod pa sa Kanya na nagbigay sa atin ng lahat ng mga biyaya kagaya sa isip, pandinig, paningin at lakas; mga biyayang hindi mabibilang, bilang pinakamalaking kasalanan.
Dahil dito, isinugo ni Allah ang kanyang mga sugo at propeta para ipangaral sa mga tao ang pagsamba lamang sa Kanya. Siya ay nagsugo sa bawa’t bayan ng propeta na nag-aanyaya sa pagsamba lamang sa kanya. Ang paanyaya ng lahat ng propeta – Nagsabi siya: “O mga tao ko, sambahin ninyo si Allah, walang ibang diyos maliban sa Kanya; kaya hindi ba kayo mangingilag magkasala?” [Qur’an 6:65]
At kabilang sa mga dakilang sugo at propeta ay si Jesus na anak ni Berhing Maria na nagsalita noong sanggol pa lamang at siyang naghatid ng mabuting balita na may darating pang isang propeta pagkatapos niya at ito ay si Muhammad na anak ni Abdullah. Ang kanyang dalang kautusan ay ang kautusan ng Islam na nagpawalang-bisa sa lahat ng mga banal na kautusan subalit iisa ang mensaheng dala; ang sumamba lamang sa nag-iisang Diyos.
Pinili ni Allah si Muhammad sa gitna ng mga tao, ang pinakatapat sa mga tao sa salita, ang may pinakamabuting asal at pinakamakisig, ang pinakamabuti sa lahat ng mga tao na kung saan ay nagtataglay ng kabutihang asal at iginagalang ng mga tao, kaya naman siya ay pinamagatan na Matapat at Mapagkakatiwalaan.
Siya ay isinugo ni Allah bilang propeta sa edad na apatnapu at itinadhana ni Allah ang pagtanggap sa kanya sa mundo at pinatunayan ni Allah ang pagiging sugo niya sa pamamagitan ng mga dakilang himala at kabilang sa pinakadakila sa mga himalang ito ay ang Dakilang Qur’an na salita ng Tagapaglalang ng mga nilalang. Ang Qur’an ay unti-unting ibinababa ni Allah sa Kanyang propeta na si Muhammad sa pamamagitan ng pinakadakilang anghel na si Gabriel (a.s.) sa loob ng dalawampu’t tatlong taon ayon sa mga pangyayari at mga tungkuling ibinigay sa kanila sa mga panahong iyon. Kinompleto ni Allah sa propeta Muhammad ang biyaya ng Islam na ito nga ay walang iba kundi ang batas Nya, kagaya sa nasasaad sa sinabi ni Allah: “Sa araw na ito ay ginanap ko ang inyong relihiyon para sa inyo, at nilubos Ko ang Aking biyaya para sa inyo at ang Islam ang kilalulugdan kong relihiyon para sa inyo” [Qur’an 5:3]
Nangaral si Muhammad (s.a.w.) tungo sa pagsamba lamang kay Allah nang walang katambal; wala sa katuruan ng Islam ang pagbabawal ng pag-aasawa at pamumuhay na mag-isa na malayo sa mga tao. Ipinangaral niya na lumapit ang tao kay Allah at ‘wag gawin ang anuman o sinuman na tagapamagitan kay Allah at sa tao. Ang lahat ay makakapanalangin kay Allah at makakahiling sa Kanya ng mga kabutihan sa mundo at kabilang buhay. Isinatungkulin ni Allah sa tao ang pagpapahayag sa Kanyang kaisahan at ito ay ang pagpapahayag ng “Walang diyos maliban kay Allah” na nangangahulugan na “walang may karapatan sa pagsamba maliban kay Allah lamang, wala siyang katambal” at si Muhammad ay alipin Niya at panghuli sa lahat ng mga Sugo at propeta na pumatnubay sa atin sa lahat ng mga kabutihan para mapalapit kay Allah at nagbawal sa atin sa lahat ng masama na maglalayo sa atin kay Allah.
Isinatungkulin ni Allah ang mga alituntunin ng pagdadasal, pag-aayuno, pagkakawanggawa at paglalakbay sa Makkah. At inutos din Niya ang katapatan, pangangalaga sa kapurihan, pagtulong sa mga tao at pakikitungo sa kanila nang mabuti. Ipinagbawal naman Nya sa atin ang masamang asal kagaya sa pagsisinungaling, pandaraya, pang-aapi, pamiminsala sa ibang tao at lahat ng mga masasamang asal.
Lahat ng transaksyon ng tao sa bawa’t isa ay isinaayos ng Dakilang Mambabatas para hindi magkaroong ng pang-aapi sa kalaban man o kaibigan, maging sa kapitbahay ay nagbigay paalala si Allah na pangalagaan ang kanilang karapatan.
Isinatungkulin ni Allah sa mga muslim ang limang beses na pagdarasal sa isang araw upang mapalapit ang tao sa kanyang Panginoon. Manalangin sa Kanya sa hirap at ginhawa, ito’y limang beses subalit ang ang gantimpala’y limampu. Ang pagdarasal ang nag-uugnay sa tao sa kanyang Panginoon at ito’y isinasagawa sa takdang mga oras, binibigkas dito ang aklat ni Allah na siyang ilaw, gabay at katiwasayan ng puso kapag binibigkas ang mapagpalang aklat na ito na salita ni Allah.
Habang dinadamihan ng tao ang paggunita kay Allah at pagsasagawa ng mga boluntaryong pagdarasal maliban sa mga obligado ay lalong itinataas ni Allah ang kanyang antas.
At isinatungkulin din Niya ang pag-aayuno; ito’y ang pag-iwas sa pagkain, pag-inom at pakikipagtalik mula sa pagbubukang-liwayway hanggang sa paglubog ng araw sa buwan ng Ramadan upang sanayin ang sarili na iwanan ang mga masasarap at pithaya para mapalapit kay Allah at maalala ang kalagayan ng mga mahihirap at maralita na walang makakain at maiinom. Gayundin naman ay may malaking gantimpala sa pag-aayuno ng buwang ito para sa sinumang ginawa ito sa ikalulugod ni Allah.
Gayundin naman, isinatungkulin ang pagkakawang-gawa; ito’y karapatang pananalapi na ibinibigay sa mga may karapatan bilang pagtulong sa kanila na sa pamamagitan nito’y napapangalagaan ang lipunan sa paglilihis kagaya sa pagnanakaw, pagpatay at pinsala sa iba.
Ang mga uri ng tao na may karapatan sa kawanggawa: ay mga maralita, mga dukha, mga naglilingkod sa pagtitipon nito, sa mga mapalulubag-loob ang mga puso, sa pagpapalaya ng alipin, sa mga nagkakautang, sa landas ni Allah, at manlalakbay.
Sa kawanggawa ay may malaking kabutihan at ito ay paglilinis ng sarili sa pagkakuripot at kasalanan at paglilinis ng kayamanan sa mga kasalanan.
Gayundin naman isinatungkulin ang paglalakbay sa Mecca para sa mga may kakayanan, isang beses sa buong buhay. Isinasagawa ng muslim doon ang mga ritwal na kagaya ng padalaw sa unang bahay-sambahan na itinatag sa mundo, pag-ikot sa bahay-sambahan at mga natatanging paggunita’t papuri kay Allah sa loob ng ilang mga araw.
Tunay ngang ang relihiyon ni Allah na Islam ay kompletong relihiyon para sa lahat ng panahon at lugar. Ito ang relihiyon na hindi sumasalungat sa kalikasan sapagkat ito’y mula kay Allah na nakakaalam sa kabutihan ng tao.
Ang relihiyong ito ay batay sa pagdakila at pagmamahal kay Allah na Tagapaglikha na Siyang may karapatan lamang sa pagsamba, wala nang iba pa. Pagpapahalaga sa Kanyang mga kautusan sa lahat ng bagay alang-alang sa kanyang ikalulugod. Paggalang at pagbibigay ng karapatan sa bawat isa sa Kanyang mga nilikha.
Hindi ipinagbawal ni Allah ang pagpapakaligaya sa buhay, bagkus, para sa tao ang pagkain at pag-inom sa mga ipinahintulot at layuan ang mga ipinagbawal kagaya ng alak na napatunayan ng medisina na nakapipinsala sa utak at katawan. Ang pag-inom nito’y madalas na sanhi sa kapinsalaan ng ibang tao kagaya ng pagpatay sa inosenteng tao dahil sa nawala na ang isip ng nakainom at kumikilos ng mapanganib kagaya ng mga aksidente dahil sa pagmamaneho nang lasing.
Gayundin naman, ipinahintulot ni Allah ang anumang uri ng pananamit nang walang palalabas ng maseselang bahagi ng katawan bilang pangangalaga sa babae sa kapinsalaan laban sa pamiminsala.
Kabilang din sa mga ipinahintulot ni Allah sa mga lalaki ay ang pag-aasawa ng hanggang apat, hindi ipinahintulot ang higit sa apat. Ito ay isa sa mga kabutihan ng relihiyong ito sapagka’t ang pag-aasawa ng lalaki ng higit isa ay hindi lamang sa batas ng Islam bagkus ito ay nasa batas maging ng mga relihiyong Judaismo at Kristiyanismo.
Si Allah ang Marunong sa Kanyang mga nilikha at nakaaalam sa kabutihan nila kaya Niya ipinahintulot ang pag-aasawa ng higit isa.
Malinaw ang dahilan sa pag-aasawa ng higit isa sa mga taong ginabayan ni Allah ang puso sapagkat ang lalaki – hindi lahat – ay likas na nangangailangan ng higit isang asawa hindi kagaya sa babae. At ang bilang ng mga kababaihan ay nakahihigit sa mga kalalakihan. Kinikilala ito ng lahat ng taong bukas ang isip. Ipagpalagay natin na bawat lalaki ay nag-asawa ng isang babae, maraming matitirang babae na hindi makapag-aasawa na maaaring maging dahilang ng pakikiapid at pangangalunya. Isinabatas ng Islam ang pag-aasawa para mapangalagaan ang puri at upang dumami ang sasamba kay Allah lamang.
Dahil dito, nang isinabatas ni Allah ang pag-aasawa ng higit isa, naglagay Siya ng mga kondisyon sa sinumang nagnanais nito, kung hindi ito makamit, ito ay bawal. Ito ang sumusunod na mga kondisyon:
1 – Katarungan sa lahat ng mga asawa sa suporta: Sapagkat obligado sa Islam na ang lalaki ang susuporta sa babae, kabilang dito ang tirahan, damit, alahas
at mabuting pakikitungo.[1]
2 – Katarungan sa tirahan ay ang pagkakaroon ng bukod na tirahan sa bawat isa sa mga asawa.
3 – Katarungan sa pananatili ay ang pantay na oras sa pananatili ng lalaki sa bawat isa sa kanyang mga asawa.
4 – Kakayan ng lalaki na makipagtalik sa bawat isa sa kanyang mga asawa.
Ang sinumang walang kakayanang matupad ang mga kondisyon na ito, ipinahintulot sa kanya ang pag-aasawa ng isa lamang.
Napakadakila nga ng banal na batas na ito para sa kabutihan at pangangailangan ng tao. Ngunit, ano ang ginawa ng kasalukuyang kabihasnan nang isinabatas ang pag-aasawa ng isa o higit isa na walang mga kondisyon, ito ay nagsanhi ng kalaswaan at pakikiapid sa lipunan at mga anak sa labas.
Kahit subukin mong tanungin ang isang kanluraning lalaki ng isang payak na tanong: Ilang babae ang nakarelasyon mo? Karamihan sa kanila’y magsasabi: Hindi ako sigurado sa bilang! Ang iba ay magsasabi, maaaring sampu, ang iba naman ay lima at ang iba ay higit sampu! At kapag tanungin na kung may tungkulin ka ba sa kanila?! Siya ay sasagot: syempre, wala!.
Pagkatapos ng relasyong matagal man o maiksing panahon, iiwanan ng lalaki ang babae o kaya’y iiwan ng babae ang lalaki at kung nagkaroon sila ng anak, sasama sa nanay o iiwan ng tatay para makipagrelasyon na naman sa ibang babae…, at maaaring ganito rin ang gagawin ng nanay; makipagrelasyon sa ibang lalaki! Sa ganito dumadami ang mga anak na hindi kilala ang tatay sapagka’t ang nanay niya ay nakipagrelasyon sa higit isang lalaki!
Ang anak na ito’y maibibilang sa mga bastardong anak at lalabas na batang pinagkaitan ng pagmamahal ng mga magulang. Maaari siyang mapoot sa kanyang lipunan na nagkait sa kanya ng pagmamahal kahit siya’y namuhay ng marangyang buhay!
Ngunit ang isang muslim ay nakakikilala sa kanyang tatay, lolo at lolo ng lolo nya sapagka’t ipinagbawal ng Islam ang pakikiapid at pangangalunya. Kahit nangyari ang deborsiyo sa mag-asawa, nakikilala ang salin-lahi ng mga bata sa panig man ng tatay o nanay.
Ipinagbawal ang legal na pag-aasawa ng higit isang babae na kung saa’y napapangalagaan ang karapatan at karangalan ng babae samantalang ang lubusan kalayaan na nagkakait ng mga karapatan ng babae at mga anak na bastardo ay hindi ipinagbawal o binabatikos?! Anong uring kabihasnan ito?! Bagkus ito ay isang kamangmangan!
Ang Islam ay dakilang relihiyon ni Allah na nangangalaga sa karangalan ng babae. Ang babae ay may karapatang magmay-ari, magbinta, bumili, magmana, igalang at mapangangalagaan laban sa kapinsalaan ng mga lalaki, siya man ay bata, nanay o matandang babae.
Ipinag-utos ni Allah sa mga magulang na maging mabuti sa kanilang mga anak lalong-lalo sa pagtuturo sa anak na babae ng mga dakilang kagandahang asal. Kung ang babae ay nasa hustong gulang, ang nanay niya ang magtuturo sa kanya ng mga kaasalang natatangi sa bahay at buhay-may-asawa. Hindi tungkulin ng babae na maghanapbuhay sa labas ng bahay bagkus may karapatan at karangalan siyang manatili sa bahay ng kanyang mga magulang. Siya ay may karapatang tustusan sa kanyang pagkain, inumin, damit at pangangalaga laban sa lahat na makapagpaparumi sa kanyang kapurihan. Hindi siya makikihalubilo sa mga kalalakihan maliban sa kanyang mag-anak na hindi niya mapapangasawa kagaya ng mga tiyuhin at lolo. Kapag nakapag-asawa naman, siya ay titira sa bahay ng kanyang asawa para gampanan ang pagiging maybahay at nanay ng kanyang mga anak at kung itinadhanang namatay ang kanyang asawa o kaya’y diniborsiyo siya, babalik siya sa kanyang mga magulang at may karapatan siya sa suporta ng kanyang tatay kagaya noong siya ay wala pang asawa.
Gayundin naman, ipinag-utos ni Allah ang paggalang at kabutihan sa mga magulang kahit sila ay hindi pa mga muslim at ang mga anak ay mga muslim. Ipinabawal ang paggamit ng salitang pabalang sa kanila lalong-lalo pa ang paggawa ng kasamaan sa kanila. At ginawa ni Allah na ang pagsamba sa Kanya ay kasama ang kabutihan sa mga magulang, hanggang sa kanilang kamatayan ay iniuutos ang kabutihan sa pamamagitan ng pananalangin sa kanila na nawa’y kaawaan ni Allah at pagbibigay ng kawanggawa para sa kanila.
Ginawa pa ni Allah na mas dakila ang karapatan ng nanay kaysa sa tatay sapagka’t mas nakahihigit ang tungkuling pangangalaga at pagtuturo ng nanay.
Dahil dito, matutunghayan natin na ang Islam ay nag-uutos ng ugnayan sa mga kamag-anakan, pagdadalaw sa kanila lalong-lalo na ang mga magulang, pagtulong at pagtustos sa kanila kahit na sila pa ay mayaman at binalaan ni Allah ng matinding parusa ang pagsuway sa kanila.
Makikita din natin na ang Islam ay naghihimok sa pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga magkapamilya at mga muslim sa pangkalahatan.
Kahit sa mga hayop ay ipinag-utos din ni Allah ang kabutihan at ipinagbawal ang pamiminsala sa kanila maliban sa mga hayop na nakakapinsala sa tao kagaya sa mga alakdan, ahas at daga na sanhi sa mga sakit at pinsala sa mga tao.
Ipinahintulot naman ng Islam sa babae ang pagtatrabaho kung walang tumutustos sa kanya o kaya’y may pangangailangan sa uri ng kanyang trabaho kagaya sa pagtuturo sa mga kababaehan sa mga paaralan at pamantasan o kaya’y paggagamot sa maselang bahagi ng katawan ng mga kababaehan na hindi nakikihalubilo sa mga kalalakihan na wala namang matinding pangangailangan.
Ang babae sa Islam ay itinuturing na kalahati ng lipunan, iniingatang alahas at hindi hinahayaang madungisan ang kanyang kapurihan o maging
(1) Nararapat sa babae na manatili sa bahay na kung saan ay naroon ang pangunahin niyang gawain: paglilinis at paghahanda ng bahay, paghahanda ng pagkain at inumin, pangangalaga at pagtuturo sa mga bata na pagmumulan ng matuwid na mamamayan sa lipunan at dahil sa pag-iwan ng babae sa tungkuling ito, nasira ang mga pamilya at natukso ang mga lalaki sa babae sa lansangan at trabaho. Hindi lingid sa atin ang nangyayari araw-araw na pangangalunya at pagtataksil sa kagustuhan ng bawa’t isa, panggagahasa at seksuwal na pamiminsala ng mga lalaki sa babae ng dahil sa pagkakahalo-halo ng mga lalaki’t babae sa trabaho, mga mag-aaral sa mataas na paaralan at mga pamantasan at sa lahat ng lugar, karagdagan pa ang mga lugar ng kasayahan at mga panggabing libangan, ang kasiraang ito ay mas matindi.

parang laruan lamang sa mga kamay ng mga kalalakihan na magpapalipat-lipat sa iba’t ibang mga lalaki at maging gaya sa binalatang tsokolate na hindi nanaisin ng sinuman na kainin sapagka’t ito ay marumi!.
Gayundin naman, ang Islam ay nanghihimok na kumita at magpayaman sa pamamagitan ng mga paraang ipinahihintulot, hindi ipinagbabawal ang pribadong pagmamay-ari kagaya ng mga kasangkapan, lupain at mga real estate. Bawal kunin ang mga ari-ariang ito nang walang pahintulot ng may-ari maliban sa zakah o obligadong kawanggawa na atin nang nabanggit. Ang ari-arian ay pribadong pagmamay-ari, nakamit man ito sa pamamagitan hanapbuhay, pamana mula sa mag-anak o regalo na galing sa ibang tao.
Ang Islam ay nasa pagitan ng sosyalismo at kapitalismo. Ang sosyalismo na isang kaapihan sa mga namumuhunan at kung saan ay pantay ang bahagi sa kayaman sa pagitan ng mga gumagawa at hindi gumagawa, ang ganitong simulain ay nanggaganyak sa katamaran. Ang kapitalismo naman ay walang karapatan ang mga mahihirap na nangangailangan at may karapatan sa zakah na atin nang nabanggit.
Itinadhana ni Allah sa mga tao ang pagkakaiba ng pamumuhay; mayroon sa kanila na mayaman at mahirap at iniutos Niya sa kanila ang pagtutulungan.
Iniutos din ni Allah ang pagtitiis sa anumang itinadhana Niya sa mga tao kagaya ng mga sakuna, sakit at kahirapan at pinangakuan ng dakilang gantimpala, sapagka’t ang buhay sa mundo ay buhay ng paggawa at pagsubok at ang gantimpala sa araw ng muling pagkabuhay ay paraiso – para sa sumampalataya, nagtiis at nagpasalamat – na ang lawak nito ay kagaya sa lupa at langit na inihanda para sa mga nangingilag sumuway, at nagtitiis at nagpapasalamat.
Kapag ito’y napag-alaman ng tao, kikilalanin niya na ang kanyang Tagapaglikha ay lubos ang kaalaman at karunungan na dahil dito’y nilikha Niya ang mga nilikha na kapag nagtiis at nagpasalamat dahil sa matatag na pananampalataya, ang kanyang hinihintay ay ang paraiso; ang dakilang tagumpay.
Narito ang ilang payo at panalangin ko kay Allah para sa iyo:
Una: Hinihiling ko kay Allah ang kabutihan at gabay para sa iyo sa dakilang ilaw na ito na Islam, hilingin mo rin sa Kanya ang gabay, Siya lamang ang dalanginan mo; huwag kang manalangin kahit pa sa propeta, tao o nilikhang hindi nakikita sapagka’t Siya lamang ang nakakapagbigay ng kabutihan at pinsala.
Ika-2: Paalala: Kapag ako’y nagsasalita tungkol sa Islam, ito ay tungkol sa kautusang galing kay Allah na aking sinasampalatayanan, pinagsisikapang isabuhay, ipinangangaral at haharap kay Allah para sa pagsusulit. Bilang muslim, inutos ito ni Allah sa akin, kapag ito’y iyong napag-alaman, huwag kang magtaka kung makikita mo na karamihan sa mga muslim, lalaki man o babae ay lumihis dahil sa kanilang mga pithaya at kagustuhan at lumayo sa kautusan ni Allah!; ito ay karaniwan sa lahat ng mga relihiyon.
Subalit ang malinaw na kaibahan, ang Islam ang relihiyong kinalulugdan ni Allah para sa tao, lahat ng mga propeta at sugo ay nangaral ng relihiyong ito kabilang si Jesus na anak ni Maria, sumakanya nawa at sa malinis niyang nanay ang kapayapaan.
Ika-3: Kung nais mong malaman ang relihiyong Islam nang may tamang pagkakaunawa, basahin mo ang Dakilang Qur’an, ang salita ni Allah na pinanggagalingan ng katuruan ng mga muslim. Ang Qur’an ay hindi nabago sa simula na ito’y ipinahayag ni Allah sa Kanyang propeta na si Muhammad (s.a.s.), isang libo at apat na daang taon na ang nakalipas. Tiniyak ni Allah ang pangangalaga sa Qur’an, hindi ito nabaluktot kahit isang salita o titik man lang. Ito’y iyong malalaman kung basahin mo ang Qur’an nang may pag-unawa, walang kinikilingan at bukas ang isip na ito ay pahayag ni Allah.
Maaari kang bumisita sa mga websites na nagtuturo ng Islam kagaya ng: (Islam House) sa salitang English.
At panghuli.. bumasa ka at makinig sa internet at iba pa hinggil sa maraming mga kasapi ng iyong relihiyon at lugar na yumakap sa Islam. Sila ay may iba’t-ibang antas ng buhay at kaalaman na ang layunin ay ang kalugdan ni Allah sa buhay sa mundong ito at kabilang buhay. Tanungin mo lagi ang iyong sarili ng tapat, bakit sila yumakap sa Islam? Lalong-lalo na ang iba sa kanila ay dating mga pastor kagaya kay Yusuf Estes, tatay niya at asawa! Magtiwala ka na hindi pinababayaan ni Allah na ligaw ang isang taong naghahangad ng Kanyang lugod. Makikita mo na ang mga nagmuslim na ito’y natagpuan nila na ang Islam ay angkop sa kalikasan ng tao at may mga malinaw na sagot sa mga katanungang ng ating mga sarili.
Pakaalalahanin mo na anumang kabutihan ang iyong gagawin, kahit ito ay napakalaki, hindi ito pahahalagahan ni Allah sa muling pagkabuhay kung hindi ka sumuko’t sumampalataya sa Kanya kagaya ng Kanyang sinabi: “Ang sinumang maghahangad ng iba pa sa Islam bilang relihiyon, hindi iyon matatanggap sa kanya at siya sa Kabilang-buhay ay kabilang sa mga mapapahamak. Papaanong magpapatnubay si Allah sa mga taong tumangging sumampalataya matapos ng sumampalataya na sila at sumaksi na sila na ang Sugo ay totoo at dumating na sa kanilan ang malinaw na patunay? Si Allah ay hindi nagpapatnubay sa mga taong buktot. Ang mga iyon ay tatanggap ng ganti sa kanila: na makakamit nila ang sumpa ni Allah, ng mga anghel at ng mga tao nang sama-sama, na magsisipanatili roon sa Impiyerno, hindi pagagaanin sa kanila ang pagdurusa at hindi sila palulugitan, Maliban pa sa mga nagbalik na nagsisisi pagkatapos niyon at gumawa ng matuwid. At tunay na si Allah ay Mapagpatawad, Maawain. [Qur’an 3:85-89] Sinabin pa Niya: “Sila na hindi nanalangin sa ibang diyos bukod pa kay Allah, hindi pumapatay ng tao na ipinagbawal ni Allah Maliban sa katotohanan, hindi nakikiapid at sinumang gumawa nito ay makakaharap niya si Allah na may malaking kasalanan. Pararamihin ni Allah sa kanya ang parusa sa araw ng muling pagkabuhay at maninirahan sa Impiyerno nang walang hanggan at kaaba-aba. maliban sa mga nagbalik-loob, sumampalataya at gumawa ng gawang matuwid sapagkat ang mga iyon ay papalitan ni Allah ang kanilang mga masamang nagawa ng magandang nagawa. At tunay na si Allah ay laging Mapagpatawad, Maawain.” [Qur’an 25:68-70]
Lahat ng sumampalataya at sumamba kay Allah lamang, tunay na papalitan ni Allah ang kanyang masasamang nagawa ng mabubuting gawa kahit gaano pa ito kalaki.
Si Allah ay dakila! Napakadakila ang pagpapatawad ni Allah sa kanyang mga aliping mananampalataya.
Gamitin mo ang iyong karunungan, huwag mong hayaan na madaya ka ng iyong kagandahan at kabataan sa pagpasok sa relihiyon ni Allah, sapagka’t ano ang iyong sasabihin sa Panginoon mo kapag namatay kang wala sa pananampalatayang Islam? Dumating sa iyo ang paanyaya ng Islam at napag-alaman ang ilan sa mga katotohanan nito.
Lahat ng nilalang ay mamamatay; ako, ikaw at lahat ng mga tao, ano ang sasabihin natin kapag nakaharap na natin si Allah? Ano ang ating ikakatuwiran para maligtas sa Kanyang galit at parusa? Walang ibang paraan maliban na sa pamamagitan ng kayang ikalulugod at ito ay ang pagsamba lamang sa Kanya.
Sinabi ni propeta Muhammad (s.a.s.): “Sumpa man sa Kanya na ang kaluluwa ni Muhammad ay nasa Kanyang kamay, ang sinumang nakarinig hinggil sa akin; hudiyo man o kristiyano at namatay na hindi sumampalataya sa mensaheng dala ko, siya ay kabilang sa mga taga-Impiyerno.” Sinabi pa niya (s.a.s.): “Kapag nagtapos na ang buhay ng tumangging sumampalataya at lilipat na sa kabilang buhay, bababa sa kanya mula sa langit ang mga anghel na maiitim ang mga mukha na may dalang pambalot sa bangkay, mauupo sa tabi niya at darating ang anghel ng kamatayan at uupo malapit sa ulo niya at mag-sasabi: “O masamang kaluluwa, lumabas ka tungo sa galit ni Allah. Ito ay magkakalat sa kanyang katawan at huhugutin kagaya sa paghuhugot sa bakal (na pantuhog sa iniihaw na karne) mula sa basang balahibo ng tupa. At kapag ito ay kinuha na ng anghel ng kamatayan, hindi ito hahayaan sa kamay ng anghel ng kamatayan kahit isang kisap-mata hanggang sa ito ay ilagay sa pambalot ng bangkay. At lalabas ang mabahong amoy ng bangkay na walang katulad sa balat ng lupa. Dadalhin ng mga anghel ang kaluluwang ito paakyat at lahat ng madadaanang anghel ay may mag-tatanong: “Ano itong masamang kaluluwa?” Sasabihin sa kanila: “Ito ay si Juan na anak ni Juan.” Babanggitin ang pinakamasamang pangalan na ginagamit nito noong nabubuhay pa sa mundo hanggang sa makarating sa langit subalit hindi mabubuksan para sa kanya, pagkatapos binasa ng Sugo ni Allah(s.a.s.) ang talata: “hindi magbubukas para sa kanila ang mga pinto ng Langit at hindi sila papasok sa Paraiso hanggang hindi pumapasok ang kamelyo sa butas ng karayom.” [Qur’an 7:40], at sasabihin ni Allah: “Italaga ninyo siya sa pinakamababang lupa.” At itatapon ang kanyang kaluluwa, at binasa ng Sugo(s.a.s.) ang talata: “Ang sinumang magtambal kay Allah ay para lamang siyang bumagsak mula sa langit, at dinagit siya ng mga ibon o itinapon siya ng hangin sa isang malayong pook.” [Qur’an 22:31]. Ibabalik sa kanyang katawan ang kanyang kaluluwa at darating ang dalawang anghel na magpapaupo sa kanya’t magtatanong: “Sino ang Panginoon mo?” Siya ay sasagot: “ha, ha, hindi ko alam.” Tatanungin uli siya: “Ano ang relihiyon mo?” Siya ay sasagot: “ha, ha, hindi ko alam.” Tatanungin siya uli: “Sino itong taong isinugo sa inyo?” Siya sasagot: “ha, ha, hindi ko alam.” May tatawag na mula sa langit na ito ay nagsinungaling kaya ihanda ninyo ang lugar niya sa Impiyerno at buksan para sa kanya ang isang pinto tungo sa Impiyerno para makapasok sa kanya ng init nito. Papasikipin sa kanya ang kanyang libingan hanggang sa mabali ang mga tadyang niya. Darating sa kanya ang isang lalaki na pangit ang mukha, pangit ang damit at mabaho ang amoy at magsasabi sa kanya: “Magalak ka sa iyong kasamaan, ito ang araw na ipinangako sa iyo” Magtatanong siya: “Sino ka, ang mukha mo ay magdadala ng kasamaan? Sasagot ang pangit na tao: “Ako ang iyong masamang gawa.” Magsasabi siya: “Panginoon ko, huwag mo pong paratingin ang Araw ng Paghuhukom.”
Ikaw na nag-iisip, dapat mong malaman na inihanda ni Allah sa mga sumampalataya at namatay sa pananampalataya na kanila itong isinasabuhay ang Paraiso na ang lawak nito ay lawak ng mga kalangitan at kalupaan. Naroon ang lahat ng sarap; pagkain, inumin, damit, kaligayahan, mga malalaking palasyo, mga ilog, sasakyan at lahat ng mga ninanasa ng tao. Naroon ang mga hindi pa naririnig ng tainga, hindi pa nakikita ng mata at hindi pa naaabot ng isip ng tao. Bawa’t isa sa paraiso ay mayroong dakilang kaharian at kapangyarihan, mga katulong, magagandang dilag dahil sa Paraiso, ang lahat ay may mga asawa.
Nasa Paraiso ang walang hanggang kaligayahan sapagka’t ito ay tahanan ng gantimpala at hindi ito tahanan ng gawa na hindi makakayang ilarawan ng panulat sa mga papel na ito.
Si Allah mismo ang naghanda ng Paraiso na ito para sa kanyang mga mananampalatayang lingkod. Gawin nawa tayo ni Allah na kabilang sa mga taong papasok sa Paraiso.
O Allah, alam po ninyo na ipinarating ko sa Inyong lingkod ang Iyong relihiyon, kung siya po ay napatnubayan sa Iyong relihiyon, gantimpalaan Niyo po ako ngunit kung hindi siya nag-muslim, Kayo po ang nakakaalam na inanyayahan ko siya tungo sa Iyo, o Ikaw na Pinakamaawain sa lahat ng maawain.
Patnubayan ka nawa ni Allah sa lahat ng kabutihan.

Scridb filter