Pakikipaghalubilo Ng Mga Babae Sa Mga Lalaki:

Ang isang mapanganib na bagay na ipinagbabawal ng Islam ay ang pakikipaghalubilo ng mga babae sa mga lalaki na hindi nila Mahram. Ang Propeta ay nagsabi: “Kapag napag-isa ang babae at lalaki na hindi niya Mahram sa isang pribadong lugar, magiging pangatlo nila ang satanas.” Katibayan iyan na kailangang iwasan ng babae at lalaki ang pakikipaghalubilo, m…aging sila man ay mga relihiyoso o hindi, matanda man o hindi, dahil masidhi ang hangad ng satanas na sirain ang kaluluwa at moralidad ng tao lalo na ang mga mananampalataya.

Ang paglabas ng babae at pakikipaghalubilo niya sa mga kalalakihan at ang pag-alis niya ng Hijab (talukbong) ang siyang pumupukaw sa tawag ng laman at madaling nakapagbibigay ng motibo para gumawa ng krimen at magpapadali sa gumagawa sa krimen.

Ang sabi ni Allah: “Manatili kayo (mga babae) sa inyong mga tahanan at huwag ninyong itanghal ang inyong mga kagandahan katulad ng ginagawang pagtanghal noong panahon ng kamangmangan (ang panahon bago dumating ang Islam).” (33:33)

Ang sabi pa ni Allah: “At kapag may itatanong kayo sa kanila (mga maybahay ng Propeta (Sallallahu Alayhi Wasallam) tanungin ninyo sila sa likod ng tabing. Iyan ang mas malinis para sa inyong mga puso at sa kanilang mga puso.” (33:53)

Lubhang ipinagbawal ng Sugo ang pakikipaghalubilo ng mga babae sa mga lalaki na hindi nila Mahram at hinahadlangan niya ang maaaring maging dahilan ng paghahalubilo nila, kahit sa larangan ng pagsamba at mga pook na sambahan Ipinagbawal din sa mga babae na maglakbay na walang kasamang Mahram. Ang sabi ng Sugo (Sallallahu Alayhi Wasallam): “Huwag maglakbay ang babae na ang kasama niya ay hindi niya Mahram.”

Maaring mapilitan ang isang babae na lumabas sa kanyang bahay upang pumunta sa isang lugar na may mga lalaki, halimbawa ay mayroon siyang pangangailangang tutugunin at walang ibang gagawa nito para sa kanya o siya ay magtitinda o bibili upang matiyak na may ipangtugon sa pangangailangan ng kanyang sarili o ng itinataguyod niya o iba pang tunay na pangangailangan. Kapag tulad nito ang dahilan ay walang masama. Subalit kanyang alalahanin ang mga limitasyong ini-atang ng Islam kapag lalabas ng bahay. Siya ay lalabas na suot ang kasuotang pang-Islam na tinatakpan ang kagandahan at hindi inilalahad. Siya ay dapat hiwalay sa mga lalaki at hindi nakahalubilo sa kanila.

Ipinangaral sa atin ng Islam na lubhang ipinagbawal ang pakikipaghalubilo ng mga babae sa mga lalaki na hindi Mahram ng babae, maging sila ay nasa loob ng bahay o sa labas, upang maiwasan nating gumawa ng pagkakasala at makaligtas tayo sa parusa ng Diyos dito sa mundo at lalo na sa Kabilang Buhay.

Ang Kabutihan ng Buwan ng Ramadhan

Ang buwan ng Ramadhan ay ikasiyam na buwan sa mga lunar na buwan ng Islamikong Kalendaryo, at ito ang pinakamainam sa mga buwan ng taon. Itinangi ng Allah dito ang maraming kabutihan bukod sa iba pang mga buwan, at ang ilan sa mga naturang kabutihan nito ay:

Ito ang buw…an na itinangi ng Allah dahil sa kapahayagan ng pinakadakila at pinakamarangal mula sa mga Banal na Kasulatan: ang Qur’an. Ang Allah ay nagsabi: {Buwan ng Ramadhan [nang] ipinahayag ang Qur’an, [ito ay nagsisilbing] patnubay para sa sangkatauhan at [bilang] mga malilinaw na katibayan ng patnubay at pamantayan [sa pagitan ng wasto at mali]. Kaya, sinuman sa inyo ang nakatanaw sa [bagong buwan ng] buwan [ng Ramadhan], siya ay nararapat na mag-ayuno}. Al-Baqarah (2): 185

Sinabi ng Propeta : «Kapag sumapit ang Ramadhan, binubuksan ang mga pintuan ng Paraiso at isinasara ang mga pintuan ng Impiyerno at ikinakadena ang mga demonyo». (Al-Bukhari: 3103 – Muslim: 1079), tunay na inihanda ng Allah para sa Kanyang mga alipin ang pagsalubong dito sa pamamagitan ng pagpapatupad sa mga gawaing Kanyang ipinag-uutos at pag-iwas sa mga ipinagbabawal Niya.

Na sinuman ang nag-ayuno sa maghapon nito at nagsagawa ng mga pagdarasal sa bawa’t gabi ng buwan nito, patatawarin sa kanya ang mga nauna niyang kasalanan. Sinabi ng Propeta : «Sinuman ang nag-ayuno sa Ramadhan nang may paniniwala at pag-asang pagpalain ay patatawarin sa kanya ang mga nauna niyang kasalanan». (Al-Bukhari: 1910 – Muslim: 760). At sinabi pa niya : «Sinuman ang nagtaguyod ng Ramadhan nang may paniniwala at pag-asang pagpalain ay patatawarin sa kanya ang mga nauna niyang kasalanan». (Al-Bukhari: 1905– Muslim: 759)

Na naririto ang pinakadakila sa lahat ng mga gabi ng buong taon: ang Laylatul Qadr (ang Dakilang Gabi o ang Gabi ng Kapasiyahan), na ipinabatid ng Allah sa Kanyang Aklat na ang isang nagagawang mabuting gawa rito ay higit na mabuti kaysa sa isang nagawa sa maraming panahon. Siya ay nagsabi: {Ang Laylatul Qadr ay higit na mabuti kaysa sa isang libong buwan}. Al-Qadr (97): 3, kaya sinuman ang nagtaguyod nito nang may paniniwala at pag-asang pagpalain, patatawarin sa kanya ang mga nauna niyang kasalanan, at ito ay sa gabi ng huling sampung gabi ng Ramadhan at walang sinuman ang nakakaalam nang may katiyakan sa takdang oras nito.

 

Ang Pangangalaga ng Islam Para sa Babae Bilang Asawa

Ang Pangangalaga ng Islam Para sa Babae Bilang Asawa.

 

Ang Allah, (swt), ay nagsabi, Qur’an 30:21:

At isa sa Kanyang palatandaan (ayah) ay ito, na nilikha Niya mula sa inyong sarili ang (babae para) maging asawa upang sakaling inyong matagpuan ang katiwasayan (katahimikan) sa kanila. At Kanyang inilagay sa pagitan ninyo ang pagmamahal at awa. Katotohanan, sa mga ito, ay tunay na palatandaan para sa mga taong nag-iisip.

Isa sa dakilang palatandaan ng Allah ay ang pagkakalikha sa babae bilang asawa ng lalaki upang sila (lalaki) ay magkaroon ng kaginhawahan, kapahingahan at magkaroon ng kasiyahan at pangangalaga mula sa isa’t isa. Ang lalaki at babae ay kapwa nagkakaroon ng kaginhawahan, kasiyahan at pangangalaga mula sa isa’t isa.

Ang asawang babae, ayon sa Islam, ay isa sa pangunahing haligi at pundasyon ng buong lipunan. Siya ang pangunahing pundasyon na kung saan itinatatag ang lslamikong tahanan. Ang Islam ay nagbibigay sa babae ang mga itinakdang karapatan at ipinag-uutos sa kanya na magsagawa ng mga itinakdang tungkulin katulad ng paglalahad sa mga sumusunod na pahina.

Ang Mahar (Dote o handog).

Ang Mahar (dote o handog) ay isang karapatan ng bawa’t babae bago ikasal. Ito ay isang handog na itinakda at ipinag-utos ng Islam. Ang kasunduan sa kasal ay hindi maaaring maging ganap maliban at hanggang ang Mahar ay hindi sinasang-ayunan. Ang Mahar ay hindi maaaring hindi isaalang-alang kahit na sang-ayunan ng ikakasal, hanggang hindi naisasagawa ang kasunduan sa Kasal. Ang babaing ikakasal ay may karapatan kung ano man ang kanyang gawin sa kanyang mga ari-arian pagkaraan ang kasunduan sa kasal ay natupad.

Ang Allah, (swt) ay nagsabi, Qur’an 4:4:

Handugan ng Mahar ang babaing inyong pakakasalan ng mabuting puso, ngunit kung sa kanilang sariling kapasiyahan, isauli ang ilang bahagi nito sa iyo, tanggapin ito at tamasahin ito ng walang pangamba (sapagkat ginawang lehitimo ng Allah ito).

Ang Mahar ay isa sa karapatan ng babae. Ang asawang lalaki ay hindi pinahihintulutang bawiing muli ang Mahar kung siya ay nagpasiyang magdiborsiyo.

Ang Allah, (swt) ay nagsabi, Qur’an 4:20-21:

Kung naisin ninyong palitan ang inyong asawa ng isa at bigyan mo ang isa sa kanila ng isang Quintar (100 kg ng ginto) bilang Mahar, huwag ninyong bawiin itong muli. Kukuhanin ba ninyo ito ng may kamalian na walang karapatan at ng may hayag na kasalanan? At paano ninyong babawiin ito samantalang kayo ay nagkasama sa isa’t-isa. At sumang-ayon sila mula sa inyo ng isang matatag at matibay na kasunduan?

Ang Allah, (swt), ay nagsabi rin, Qur’an 4:19;

O, kayong mananampalataya! Ipinagbabawal sa inyo ang manahin ang babae ng laban sa kanyang kalooban, at hindi kayo dapat makitungo sa kanila ng may kalupitan, na inyong babawiin ang ilang bahagi ng inyong ipinagkaloob maliban kung sila ay nagkasala ng pakiki-apid at mamuhay sa kanila (piling) ng may dangal. Kung hindi ninyo sila nais, maaaring hindi ninyo nais ang isang bagay at ang Allah ay nagbibigay mula dito ng isang dakila (nag-uumapaw) na kabutihan.

Ang talatang ito ay nagbibigay katiyakan sa karapatan ng babae katulad ng pagkakalarawan sa itaas.

Ipinagbabawal at hindi ito pinahihintulutan na manahin ang mga babae ng laban sa kanilang kalooban. Ating inilarawan sa mga naunang ang mga Arabo sa panahon bago dumating ang Islamikong Lipunan ay laging minamana ang kababaihan. Kung ang asawang lalaki ay namatay na mayroong mga anak na lalaki sa mga unang pag-aasawa, ang nabalong babae ay mamanahin ng nakatatandang anak sa unang pag-aasawa o kung hindi naman ay ipamimigay ang biyuda sa ibang lalaki. O kaya ay pinagbabawalang mag-asawang muli ito.

Sa Qur’an, ipinagbabawal ng Allah, (swt), sa lalaki na pagmalupitan ang asawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng pasakit, pang-aapi at pagpapasan ng mabibigat na gawain, pang-iinsulto, pananakit at paggasta ng kanyang yaman, pagpigil sa kanya na lumabas ng bahay.

Ipinahihintulot ng lslamikong batas at aral na patawan ng lalaki ang babae ng parusa kung ang babae ay nagpapakita ng kahalayan o kalaswaan at nagdudulot ng kahihiyan sa lipunan. Ang isang babaing nangangalunya o gumagawa ng kalaswaan ay maaaring pakitunguhan ng malupit sa pamamagitan ng pagbawi ng kanyang mahar. Pagkaraan nito, siya ay maaaring idiborsiyo.

Ang Allah, (swt), ay nag-utos na ang asawang lalaki ay dapat mamuhay ng marangal kasama ng asawang babae. Ang lalaki ay dapat magsalita ng may kabaitan at gumawa ng magagandang bagay sa kanyang asawa. Ang lalaki ay dapat magbihis ng disente katulad ng pagnananais niyang maayos na pagbibihis ng kanyang asawa. Ang,Sugo ng Allah (sas) ay nagsabi:

Ang pinakamabuti sa inyong mga nananampalataya ay silang may mabuting asal. Ang pinakamabuti sa mga lalaki ay silang mababait sa kanilang mga asawa. (Tirmidhi.)

Ang Sugo ng Allah (sas) ayon sa pagsasalaysay ay laging maayos, kaaya-aya at mabait sa lahat. Siya ay nakikipaglaro at nagbibirong maayos at malinis sa kanyang pamilya. Si Imam Ahmad ay nagsalaysay tungkol sa Sugo ng Allah (sas) na nagsabi:

Ang lahat ng laro na maaaring laruin ng isang lalaki ay walang kabuluhan at ito’y pag-aksaya ng oras maliban sa tatlong bagay: pagsasanay ng palaso, pangangabayo at pakikipagkatuwaan sa kanyang asawa. Ang tatlong bagay na ito ay lehitimo at makatotohanan. (Tirmidhi.)

Ang Sugo ng Allah (sas) ay gumugugol ng salapi sa kanyang pamilya sa abot ng kanyang makakayanan. Siya (sas) ay kilala sa disenteng paglalaro at pagbibiro. Si Aisha (raa), ang ina ng mga mananampalataya ay nagsalaysay:

Ang Sugo ng Allah ay nakipaghabulan sa akin at tinalo ko siya bago ako tumanda at bumigat… pagkaraan noon, nang ako ay may edad na at mabigat, siya ay nakipaghabulan muli sa akin at siya ay nanalo. Ang Sugo ng Allah ay nagsabi sa akin pagkaraang siya ay manalo, ‘Ang pagkapanalo ko sa iyo ay binubuo ng pagkakapanalo mo. (Imam Ahmad)

Kung siya ay nasa bahay, ang Sugo ng Allah (sas) ay nakikipag-usap sa kanyang pamilya, sinasamahan niya ang mga ito at nagpapakita sa kanila ng kabaitan bago matulog at pagkaraang magdasal sa gabi. Ang Allah, (swt) ay nagsabi, Qur’an 33:21;

Katotohanan, nasa katauhan ng Sugo ng Allah ang isang huwaran na dapat pamarisan ng mga naniniwala sa Allah at sa Kabilang Buhay at nag-aalaala tuwina sa Allah.

Kayat ang Sugo ng Allah (sas) ay siyang huwaran (at halimbawa) para sundin ng mga Muslim sa lahat ng kanyang gawain, pansarili man o pampubliko.

Ang Katarungan, Ang Pagkakapantay-pantay

Ito ay ipinatutupad lalo na sa mga lalaking mayroong higit sa isang asawa. Ang isang lalaki na mayroong higit sa isang asawa ay nararapat na pantay at makatarungan sa lahat ng kanyang mga asawa at dapat na pakitunguhan ng pantay tungkol sa pagpapakain, pagbibigay ng damit at panahon. Ang Sugo ng Allah (sas) ay nagsabi:

Sinumang may dalawang asawa at hindi nagbigay ng pantay na pakikitungo ay darating sa Araw ng Paghuhukom na paralitiko ang isang bahagi ng katawan. (Tirmidhi.)

Ang Paggugol (Paggasta)

Ang asawang lalaki ay dapat na gumasta mula sa kanyang kinikita at yaman para sa kanyang asawa. Siya ay nararapat na magbigay ng maayos na pamamahay, pang-araw-araw na pangangailangan katulad ng pagkain, damit at anumang gamit sa pamamahay.

Ang Allah, (swt), ay nagsabi, Qur’an 65:7:

Hayaang ang mayamang lalaki ay gumastos ayon sa kanyang kakayahan at ang lalaking mahirap ay gumastos ayon sa ipinagkaloob ng Allah sa kanya. Hindi nagbibigay pahirap ang Allah sa kaninumang tao ng higit sa anumang Kanyang ipinagkaloob sa kanya. Ang Allah ay nagbibigay ng ginhawa pagkaraan ng kahirapan.

Si Hakim bin Muawiyah Al Qushairee ay nagsalaysay tungkol sa kanyang ama:

Ako ay nagtanong sa Sugo ng Allah (sas), ‘Ano ang karapatan ng isang babae sa kanyang asawa?’, Siya ay sumagot, Ang kanyang karapatan ay pakainin siya katulad ng pagpapakain sa iyong sarili, bihisan siya katulad ng pamimihis mo sa iyong sarili, huwag mo siyang saktan sa mukha, huwag gumamit ng masasakit na salita at huwag mong iwanan sa higaan kapalit ng ibang lugar maliban sa tahanan. (Ibn Hibban at Abu Dawood.)

Samakatuwid, kung ang mayamang lalaki ay hindi gumagastos para sa kanyang pamilya at ang asawang babae ay nakakakuha ng bahagi ng kanyang yaman kahit hindi nito nalalaman, siya (ang asawang babae) ay maaaring kumuha ng sapat na panggastos sa pangangailangan niya at ng kanyang mga anak. Ang pasiyang ito ay batay sa isang insidenteng naganap sa buhay ni Hind bint Utbah na lumapit sa Sugo ng Allah (sas) at dumaraing tungkol sa kanyang asawang si Abu Sufyan; Ang aking asawa ay kuripot at ayaw na gumastos sa akin at sa aming mga anak. Ang Sugo ng Allah (sas) ay sumagot, Kumuha ka ng anumang makasasapat sa iyo at sa iyong mga anak. (Al- Bukhari at Muslim)

Kung ang asawang lalaki ay may suliraning pananalapi at hindi niya kayang tuparin ang pangangailangang pananalapi ng kanyang pamilya o kung iniwan niya ang kanyang asawa sa mahabang panahon at nasaktan ito ng dahil sa pagkakalayo niya, ang babae ay may karapatang magsampa ng kairaingan sa korte upang ipawalang saysay ang kasal nila. Ito ay batay sa Hadith na isinalaysay ni Abu Hurayrah. Ang Sugo ng Allah (sas) ay tinanong kung sakaling ang asawang lalaki ay walang sapat na pananalapi upang mabigyang kasiyahan ang pangangailangan ng kanyang asawa, ano ang dapat gawin tungkol sa ganitong pag-aasawa? Ang Sugo ng Allah (sas) ay nagsabi:

Ang ganitong pag-aasawa ay dapat ipawalang saysay sa pamamagitan ng paghihiwalay ng lalaki at ng kanyang asawa.

Ang Islam ay nagpapayo sa kalalakihan na pakitunguhan ang kanyang mga asawa ng kabaitan at pagmamahal. Ang Sugo ng Allah (sas) ay nagsabi:

Ang isang may ganap na pananampatataya ay yaong may mabuting asal. Ang pinakamabuti sa inyo ay silang mabait sa kanilang mga asawa. (Tirmidhi)

Hindi kinalimutan ng Islam ang karapatan ng mga babae sa larangan ng damdamin at kaisipan. Marami pang karapatan bukod sa materyal na karapatan para sa babae. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa pangkaisipan at emosyonal na karapatan ng babae:

Ang mga babae ay nararapat pangalagaan mula sa mga masasamang tao. Sila ay hindi dapat ilantad sa mga pook na malalaswa tulad ng night clubs, disco at iba pa.

Ang Allah, (swt) ay nagsabi, Qur’an 66:6;

O, kayong nananampala, ilayo ang inyong sarili at ng inyong mga pamilya sa sa Apoy (Impiyemo) na ang panggatong ay mga tao at bato na binabantayan ng mga angel na malulupit at mahihigpit. Na hindi sumusuway sa Kautusang tinatanggap mula sa Allah, at ginagawa kung anong ipinag-uutos.

Ang mga babae ay nararapat turuan ng mga mabubuti at kapaki-pakinabang na bagay. Ang lahat ng kanilang mga lihim at pagkukulang ay nararapat itago. Ang mga pansariling gawain ay hindi dapat ipamalita kaninuman maging sa kanilang mga malalapit na kaibigan. Anumang ginagawang pribado ng lalaki sa kanyang asawa ay hindi dapat ibunyag kaninuman. Ang Sugo ng Allah (sas) ay nagsabi:

Ang isa sa pinakamasamang tao sa paningin ng Allah sa Araw ng Paghuhukom ay silang mga asawang lalaki at babae na ibinubunyang ang mga pribadong gawain nila sa ibang tao. (Muslim.)

Ang Pagdaan ng Gabi at ang Pagsasakatuparan ng pangangailangang Seksuwal

Ang isa sa karapatan ng Babae sa Islam na binibigyan ng kahalagahan ay ang pagsasakatuparan ng seksuwal na obligasyon mula sa kanyang asawa. Ito ay upang mabigyang katiyakan ang kasiyahan nito at makaiwas ang asawang babae sa mga nakakahiyang gawain na ipinagbabwal ng Allah.

Sa katotohanan, ang Islam ay nagbabawal sa asawang lalaki na ibuhos ang lahat ng panahon sa (nawafil- mga salah na kusang loob (hindi obligadong salah)]) pagdarasal at pag-aayuno kung ito ay nakakahadlang sa pag-aasikaso at likas na pangangailangan ng kanyang asawa.

Si Salman Al Farsi (raa) ay nagsalaysay ng ganito:

Aking dinalaw si Abu Darda, pagdating ko sa kanila, ako ay binati ng kanyang asawa na nakasuot ng karaniwang pambahay na damit. Nang makita ko ang kanyang kasuotan tinanong ko siya kung bakit nakasuot siya ng simple at karaniwang damit at hindi damit na makasisiya sa kanyang asawa. Ang babae ay sumagot: Ang iyong kapatid ay walang interes sa anupamang bagay dito sa mundo. Ginugugol ang gabi sa pagdarasal at sa araw naman ay ang pag-aayuno. Nang dumating si Abu Darda, binigyan nito ng pagkain at si Salman ay nagsabi, “Bakit hindi ka sumalo sa akin.” Si Abu Darda ay sumagot, “ako ay nag-aayuno.” Si Salman ay nagsabi, “ako ay nangako sa Allah na lisanin mo ang pag-aayuno at kumaing kasalo ko.” Si Abu Darda ay kumain. Lumipas ang gabing kasama ni Salman si Abu Darda. Tumindig si Abu Darda upang mag-alay ng dasal. Pinigil siya ni Salman at siya ay nagsabing, “Ang iyong katawan ay may karapatan sa iyo, ang iyong Panginoon ay may karapatan sa iyo at ang iyong pamilya ay may karapatan sa iyo. Mag-ayuno sa ilang mga araw at huwag mag-ayuno sa ibang araw, lumapit ka sa iyong asawa at bigyan mo ng katuparan ang kanyang likas na pangangailangan. Ibigay ang karapatan ng ibang tao.” Sa pagsapit ng madaling araw, pinahintulutan ni Salman si Abu Darda na tumayo at magdasal. Kapwa sila nagdasal at tumungo sa Masjid para sa Salatul Fajr. Pagkaraan ng Dasal, si Abu Darda ay lumapit sa Propeta ng Allah (sas) at nagsabi kung ano ang ginawa at sinabi sa kanya ni Salman. Ang Sugo ng Allah (sas) ay nagpatunay, ‘Sinabi ni Salman ang katotohanan” (Al-Bukhari)

Ang mga sumusunod ay ilan sa mga karapatan ng asawang babae ayon sa Islam:

Ang asawang lalaki ay hindi dapat maglakbay at lumayo sa tahanan ng higit sa anim na buwan. Ang asawang babae, batay sa kanyang likas na katangian, ay maaaring hayaan ang pagkakalayo ng kanyang asawa ng higit sa anim na buwan o maaari din siyang magsabi sa kanyang asawa na umuwi bago ang takdang panahong ito. Ang asawang lalaki ay hindi dapat tumanggi sa pakiusap ng kanyang asawa maliban kung ito ay may matibay at matatag na dahilan.

Ang asawang lalaki ay hindi dapat magpasiya sa anumang sa ngalan ng asawang babae. At hindi siya dapat makialam sa anumang pananalaping gawain ng asawang babae maliban kung ito ay bigyan ng pahintulot. Ang asawang lalaki ay walang karapatangkuhanin ang ari-arian ng asawa ng walang pahintulot.

Ang asawang lalaki ay dapat kumunsulta sa kanyang asawa tungkol sa malalaking pampamilyang kapasiyahan, sa mga gawain ng mga anak at pinagkaisang mga gawain. Hindi makatuwiran na diktahan ng lalaki ang lahat ng kasambahay at hindi makinig sa payo o opinyon ng kanyang asawa. Ang Sugo ng Allah (sas) ay nagbigay na isang praktikal na halimbawa noong Araw ng Pakikipagkasunduan ng Hudaibiyah (Peace Treaty of Hudaibiyah) nang siya ay nag-utos sa kanyang mga kasamahan na ahitin ang kanilang mga anit at alisin ang kanilang Haj/Umra na damit-lhram, ngunit sila ay napakabagal at hindi nila minadali ang pagsasagawa nito. Si Umm Salamah (raa), na asawa ng Sugo ng Allah (sas) ay nagbigay ng payo na mauna itong gawin at lumabas upang makita ng kanyang kasamahan. Sinunod ng Sugo ng Allah (sas) ang suhestiyon ng kanyang asawa. Kapagdaka’y nakita ng mga kasamahan niya ito at sila ay dali-daling isinagawa ang ipinag-uutos sa kanila.

Ang asawang lalaki ay dapat iwasan ang pagsubaybay sa maliit na pagkakamali na nagawa ng kanyang asawa. Ang Sugo ng Allah (sas) ay nagsabi:

Ang asawang lalaki ay hindi dapat dumating ng huli sa gabi mula sa paglalakbay ng walang maayos na paghahabilin. (Al-Bukhari at Muslim.)

Ang asawang lalaki ay dapat na maging mabait, maasikaso at mapagbigay sa kanyang asawa. Siya ay dapat maging matapat, magalang, matiisin at dapat isa-alang-alang ang kanyang likas na pagkatao. Ang asawang lalaki ay dapat magpakita ng pagmamahal, tunay na pangangalaga sa kanyang asawa.

 

Ang Allah, (swt) ay nagsabi, Qur’an 4:19:

O, kayong mananampalataya! Ipinagbabawal sa inyong manahin ang babae laban sa kanyang kalooban, at hindi kayo dapat makitungo sa kanila ng may kalupitan, na inyong babawiin ang ilang bahagi ng mahar na inyong ipinagkaloob maliban kung sila ay nagkasala ng pakiki-apid at mamuhay sa kanila (piling) ng may dangal. Kung hindi ninyo nais sila, maaaring hindi ninyo nais ang isang bagay at ang Allah ay nagbibigay mula dito ng isang dakila (nag-uumapaw) na kabutihan.

Ang Sugo ng Allah (sas) ay nagsabi:

Ang isang nananampalataya ay hindi dapat magpahayag ng pag-ayaw sa kanyang nananampalatayang asawa. Maaaring mayroong bagay na hindi nais ang lalaking asawa ngunit katiyakan na mayroong din pagnanais sa ibang katangian nito. (Muslim)

Ang Pangangalaga ng Islam Para sa Babae Bilang lsang Ina

Ang Qur’an ay nagbigay pansin sa karapatan ng babae bilang ina ng tahanan.

Ang Allah, (swt), ay nagsabi, Qur’an 17:23;

Ang inyong Panginoon ay nag-utos na wala kayong dapat sambahin maliban sa Kanya. At maging masunurin, mabait at mapagmahal sa inyong mga magulang. Kung ang isa sa kanila o kapwa sila ay nasa katandaan, huwag magsalita sa kanila ng masakit na salita o daing o walang paggalang o pagsigaw sa kanila. Bagkus sila ay igalang.

Ang Allah, (swt), sa bersikulong ito ay inilagay ang Kanyang karapatan kasunod ng karapatan ng magulang sa anak. Ito ay nagpapatunay lamang ng kahalagahan ng magulang sa Islam. Ang Sugo ng Allah (sas) ay nagsabi:

Ang paraiso ay nasa paanan ng Ina.

(Ang Hadith na ito ay isinalaysay ni Al Nasaiee at Ibn Majah ng ganito: lsang tao ang lumapit kay Propeta Muhammad (sas) at nagsabi: O, Propeta ng Allah, ako ay naglalayong sumama sa Jihad. Ako po ay naparito upang humingi ng payo. Ang Propeta ay nagtanong, Mayroon ka pa bang (buhay) na ina? Ang lalaki ay sumagot na, Opo. Ang Propeta ay nagsabi: Huwag mong iwan ang iyong ina. Ang Paraiso ay nasa kanyang paanan.”)

Ito ay nagpapahiwatig na ang, pagmamahal, pag-aasikaso at paglilingkod sa ina ay isang paraan upang makamit ang kasiyahan ng Allah at ang paraan tungo sa Paraiso na siyang pangako Niya sa mga matutuwid na Muslim.

Ang mga ina, bago ang ama ay una na dapat bigyan ng kabaitan, pangangalaga at magandang pakikitungo. Si Abu Hurayrah (raa) ay nagsalaysay:

Isang lalaki ang lumapit sa Sugo ng Allah at nagtanong, O Propeta ng Allah, sino ang unang dapat kong pagsilbihan at pangalagaan? Ang Sugo ng Allah (sas) ay sumagot; Ang iyong Ina. Ang lalaki ay muling nagtanong, Sino ang sumunod sa kanya? Ang Sugo ng Allah ay sumagot; Ang iyong Ina. Ang lalaki ay nagtanong muli, Sino ang sumunod?, Ang iyong Ina. Ang lalaki ay muling nagtanong, Sino ang sumunod sa kanya? Ang Sugo ng Allah (sas) ay nagsabi: Ang iyong Ama. (Al-Bukhari at Muslim.)

Ang Hadith na ito ay nagpapahiwatig lamang na ang ina ay nakahihigit ng tatlong ulit sa karapatan kaysa sa ama. Ito ay ipinagkaloob ng Islam sa ina dahil sa pagsasaalang-alang sa kahirapang dinaranas ng ina sa ibat-ibang antas ng buhay mula sa panganganak, pagsilang, pangangalaga at pagpapalaki ng mga anak. Habang ang bata ay nasa sinapupunan, ang ina ay tunay na nagtitiis ng siyam na buwan. At sa pagsilang ng bata, ang ina ay nagpapasuso sa anak, nagpupuyat sa gabi para sa pag-aasikaso ng kanyang anak.

Ang Qur’an 31:14, ay naglarawan ng ganito:

At Aming ipinag-utos sa tao na maging masunurin (maasikaso) at mabait sa kanyang mga magulang. Ang kanyang ina ay nagtiis sa pagpapasan sa kahinaan at kahirapan. Ang pagpapasuso ay dalawang taon. Magpasalamat sa Akin at sa iyong mga magulang. At sa Akin ang inyong pagbabalik.

Ang mga ina samakatuwid ay binigyan ng nakahihigit na pagpapahalaga kaysa sa mga ama at sa kaninuman sa ganitong bagay. Na ang tao ay dapat bigyan ng higit na kabaitan, pag-aasikaso, pagmamahal, pagsunod at pagtulong ang ina.

Ang mga magulang, ayon sa Islamikong aral at prinsipiyo, ay nararapat sundin, igalang hanggang hindi sila nag-uutos sa kanilang mga anak na sumuway sa kanilang Panginoon, ang Allah, (swt) Kung ang magulang ay mag-utos sa kanilang mga anak na gumawa ng mga bagay ng pagsuway sa Allah, (swt) sa anumang uri, sila (magulang) ay hindi dapat sundin, sa Qur’an 31:15;

At kung ang mga magulang ay mag-utos sa inyo na sumamba kayo sa iba bukod sa Akin, huwag ninyo silang sundin ngunit pakitunguhan sila, dito sa mundo ng may kabaitan at sumunod sa landas ng sinumang nagbalik-loob (nagsisi) at tumalima sa Akin. At sa Akin ang inyong pagbabalik at Aking sasabihin sa inyo kung ano ang inyong ginawa sa buong buhay ninyo.

Ang pag-aasikaso at pagmamahal sa magulang lalo na sa kanilang katandaan ay higit kaysa sa pagsasagawa ng Jihad. Hanggat hindi puwersahan ang makilahok sa Jihad, ang pag-aasikaso sa magulang ay dapat bigyan ng higit na pansin.

Si Ibn Mas’ud (raa) ay nagsabi

Tinanong ko ang Sugo ng Allah, Ano ang gawaing ikasisiyang higit ng Allah? Ang Sugo ng Allah ay nagsabi; Ang pagiging mabait, maasikaso, magalang sa inyong mga magulang. Ano ang sumunod dito? Ang Sugo ng Allah (sas) ay sumagot; Ang pakikipaglaban (Jihad). (Al-Bukhari at Muslim.)

Si Abdullah bin Amr bin Al Aas (raa) ay nagsalaysay na:

May isang lalaki ang lumapit sa Sugo ng Allah at nagsabi; O, Propeta ng Allah, aking ibibigay ang pakikipagkasundo sa pamamagitan ng paglikas (hijrah) at pakikipaglaban (Jihad) na ang tanging layunin ko ay magkaroon ng gantimpala mula sa Allah.

Nang siya ay narinig ng Sugo ng Allah (sas) kanya itong tinanong, Buhay pa ba ang iyong mga magulang? Ang tao ay sumagot, O Propeta ng Allah, Sila ay buhay pa. Ang Sugo ng Allah ay nagsabi, Kung ang kasiyahan at gantimpala ng Allah ang iyong hinahanap, bumalik ka sa iyong mga magulang at tiyakin mo na ang gagawin mo ang pinakamahusay, para asikasuhin sila, alagaan sila, lalo na sa panahon ng kanilang katandaan. (Al-Bukhari at Muslim.)

Ang mga magulang ay nararapat igalang, sundin at bigyan ng salaping panustos ng kanilang mga anak kahit na sila ay hindi Muslim hanggang hindi sila nag-uutos sa kanilang mga anak na anumang gawang pagsuway sa Allah, Ta’ala. Si Asma, ang anak na babae ni Abu Bakr (raa) ay nagsabi:

Ang aking ina, na isang pagano ay dumalaw sa akin. Ako ay nagpunta sa Sugo ng Allah (sas) at humingi ng payo kung ano ang aking dapat gawin tungkol sa pagkakadalaw ng aking ina sa kabila ng katotohanan na ang aking ina ay nagkakaroon ng interes sa Islam. Akin ba siyang pakikitunguhan (na may kabaitan at bibigyan ng salapi?) Ang Sugo ng Allah (sas) ay nagsabi: Oo, dapat na ikaw ay maging mabait sa kanya (at bigyan ng salapi bilang pangangalaga sa kanya kahit na siya ay isang pagano).

Ang isang anak ay nararapat na tumulong at magbigay ng pangangalaga sa kanilang mga magulang sa iba’t-ibang gawain sa pang araw-araw. Ang Sugo ng Allah (sas), ay nagsusulsi, ng kanyang sariling damit, inaayos ang sariling sapatos at tumutulong sa kanyang pamilya. Ang katotohanan pa nito, si Aisha (raa), minsan ay tinanong ng iba.

Ano ang palagiang ginagawa ng Sugo ng Allah (sas) habang siya ay nasa bahay? Si Aisha (raa) ay sumagot: Ang Sugo ng Allah (sas) ay laging naglilingkod at tumutulong sa gawaing bahay, ngunit kung kanyang marinig ang tawag ng Salah, siya ay dali–daling umaalis ng bahay.

Ang kabutihan, kabaitan, pagsunod at pangangalaga sa pangangailangan ng magulang, sa katotohanan, ay higit na bibigyan ng pagsasaalang-alang kaysa sa ibang uri ng ibadah (pagsamba). Ito ay batay sa isang Hadith na isinalaysay ni Abu Hurayrah na nagsabing;

Wala na maliban sa tatlong sanggol ang nagsalita habang sila ay nasa duyan:

Ang una ay si Hesus, anak ni Maria (as). Ganito ang kasaysayan ; Nang si Maria ay nagsilang kay Hesus, ang kanyang mga kababayan ay nagparatang (at nagbintang) na siya ay masamang babae. Hindi nila matanggap na siya (Maria) ay manganak sa pagkadalaga sa dahilang wala silang alam na asawa nito. Ang angkan ni Maria ay kilala bilang mga banal at mabuting angkan. Iginagalang ang kanilang lahi. Walang ibinigay na paliwanag si Maria bagkus kanyang itinuro ang batang sanggol na si Hesus na nasa duyan. Nang itinuro ni Maria ang sanggol na si Hesus, ang mga tao ay nagsabi ‘Paano makapagsasalita ang isang batang paslit na nasa duyan?’ Ang sanggol na si Hesus ay himalang nagsalita at siyang nagpatunay at nagpaliwanag sa naging katayuan ng kanyang ina:

Sa Qur’an (19: 29-32) ay nagpahayag tungkol sa sinabi ni Hesus nang siya ay nasa duyan pa lamang:

At kanyang (Maria) itinuro. At sila (mga tao) ay nagsabi: Paano makapagsasalita ang isang sanggol na nasa duyan? Siya (Hesus) ay nagsalita: Katotohanan! ako ay alipin ng Allah, ipinagkaloob sa akin ang Kasulatan at ginawa Niya akong isang Propeta. At ako ay Kanyang pinagpala saan man ako naroroon at ipinag-utos sa akin ang pagdarasal, at pagkakawanggawa (Zakah) habang ako ay nabubuhay. At naging masunurin sa aking Ina…

Ang ikalawa ay isang Israelita sa panahon ni Juraij. Si Juraij ay isang hermitanyo na nag-iisang namuhay sa isang selda at inilaan ang kanyang panahon sa pagdarasal at pagsamba sa Allah. Isang araw, ang ina ni Juraij ay humingi ng tulong sa kanya habang siya ay nagdarasal. Siya (Juraij) ay nagsabi: O, Allah, ako ay nalilito kung sino ang dapat kong bigyan ng pagsasaalang-alang, ang aking pagdarasal o ang aking ina? lpinagpatuloy niya ang kanyang pagdarasal at tinalikdan niya ang pagsusumamo ng kanyang ina.

Nang makita niya ito, ang kanyang ina ay umalis. Kinaumagahan, ganito rin ang pagsusumamo ng kanyang ina at patuloy pa ring nagdarasal si Juraij at hindi binigyang pansin ang ina. Nang sumunod pang araw, tinawag siyang muli ng kaniyang ina at humihingi ng tulong katulad ng naunang dalawang araw. Hindi rin binigyang pansin ito ni Juraij. Nang makita nito, ang ina ay nagsabi: O, Allah, itulot ninyo na bago mamatay si Juraij, naway makatagpo siya ng babaing nagbibili ng aliw. Ang mga Israelitas ay humahanga sa pamamaraan ng pagsamba, pagdarasal at pag-iisa ni Juraij. Noong panahong yaon, may isang maganda at kaakit-akit na babaing nagbibili ng aliw ang nagbigay ng suhestiyon sa mga Israelitas. Kung nais ninyo, aakitin ko si Juraij at hahayaan ko siyang umibig sa akin at gumawa ng pangangalunya. Ang babaing ito ay umalis na may layuning isagawa ang balakin. Ginawa niya ang lahat upang mahulog sa tukso si Juraij ngunit siya ay nabigo. Gayunpaman, nilapitan niya ang isang pastol na malapit sa tirahan ni Juraij at ipinagkaloob ang kanyang sarili. Siya ay nabuntis. Matapos ng panganganak, inakusahan niya si Juraij bilang ama ng kanyang anak. Ang mga Israelitas ay sumugod sa tirahan ni Juraij at ito ay pinagtabuyan, sinira ang bahay at siya ay sinaktan. Si Juraij ay nagtanong kung bakit siya nilapastangan ng mga ito. Sila (mga Israelitas) ay nagsabi: Ikaw ay nangalunya sa isang babaing nagbibili ng aliw at ito ay nagkaanak mula sa iyo samantalang ikaw ay nagkukunwaring isang makadiyos na tao. Si Juraij ay nagsabi: Maaari ba ninyong dalhin sa akin ang sanggol at hayaan ninyo akong mag-alay ng dasal upang patunayan ko sa inyo na hindi ako ang ama ng batang yan. Pinahintulutan ng mga Israelitas na magdasal si Juraij at dinala ang sanggol. Nang matapos ang pagdarasal niya, siya ay lumapit sa sanggol at tinanong ito: Sino ang iyong tunay na ama? Ang sanggol na nasa duyan ay nagsalita; Ang aking ama ay yaong pastol. Nang marinig ang pagpapahayag ng sanggol, niyakap ng mga Israelitas si Juraij at humingi ng kapatawaran at nagsabing: Dapat ba naming ipagpatayo kang muli ng tirahan mo na yari sa ginto? Siya ay sumagot; Hindi, ngunit ipagpatayo ninyo ako ng yari sa lupa katulad noong dati. At sila ay gumawa.

Ang ikatlo ay isang sanggol na sumususo sa ina nang ang isang kabalyero na nakasuot ng maringal na damit at nakasakay sa magandang kabayo. Ang nagpapasusong ina ay nagsabi: O, Allah, gawin mo pong katulad ng kabalyerong ito ang aking anak na lalaki. Nang marinig ng sanggol ito, siya ay huminto sa pagsuso at nagsabi habang nakatingin ito sa sundalo. O, Allah, huwag Mo po akong gawin katulad ng kabalyero ito. Pagkaraan nito, siya ay muling sumuso sa ina. Pagkaraan nito nadaanan ng ina at sanggol ang isang alipin na sinasaktan ng kanyang amo at pinagbibintangang nangalunya at nagnakaw. Ang alipin ay nagsabi: ‘O, Allah, sapat na po kayo sa akin at Kayo ang aking Tagapagtanggol.’ Ang ina ay nagsabi: O, Allah, huwag ninyong itulot na matulad ang anak ko sa aliping ito. Nang marinig ito ng sanggol, siya ay huminto sa pagsuso at nagsabi: O, Allah, gawin mo po akong katulad ng babaing ito. Nang marinig ng ina, siya ay nagsabi, O, anak, ano bang nangyari sa iyo? Isang magandang bihis na kabalyero na nakasakay sa magandang kabayo, makapangyarihan at hinangad kong maging katulad ka niya, ikaw ay tumanggi. Nang nadaanan natin ang isang alipin na sinasaktan ng kanyang amo at dinidisiplina ng dahil sa pangangalunya at pagnanakaw, at hiniling ko sa Allah na huwag kang matulad sa aliping yaon ngunit tinanggihan mo rin ang aking dalangin. Ang sanggol ay nagsalita: O, aking ina, yaong kabalyero ay isang mabagsik at masama. Samakatuwid, dinalangin ko sa Allah na huwag akong gawing katulad niya. At yaon namang alipin na pinagbibintangan, siya ay hindi tunay na nangalunya at nagnakaw. Kaya, nagsumamo ako sa Allah na gawin akong inosente at malinis na katulad niya. (Al-Bukhari at Muslim.)

Nagbigay babala ang Islam laban sa pagsuway sa mga magulang, sa di-pagbibigay galang at di-pagbibigay ng salaping panustos.

Si Abu Bakrah (raa) ay nagsalaysay na ang Sugo ng Allah (sas) ay nagsabi:

Ang kaparusahan sa makamundong kasalanan ay maaaring ipagpaliban hanggang sa Araw ng paghuhukom maliban sa kasalanan ng mga anak sa kanilang mga magulang. Ang kaparusahan sa kasalanang ito ay dapat itakda sa panahon ng tao (habang buhay pa ito sa mundo) at hindi ipagpaliban hanggang sa huli. (Al Hakim)

Ang Sugo ng Allah (sas) ay nagsabi rin:

Katotohanan, ipinagbawal ng Allah ang pagsuway sa inyong ina, pagpigil sa mga tao mula sa kanilang mga karapatan at ang paghiling sa tao ng anumang hindi nararapat. Ipinagbabawal din sa inyo ang paglilibing ng buhay sa inyong mga anak (sanggol) na babae. Hindi rin Niya nais sa inyo kung sabihin ninyo ng; Ang ibang tao ay nagsasabi ng ganito at ganito. Ipinagbabawal din sa inyo na laging humihingi sa ibang tao at ang pagtatanong sa lahat ng bagay na nakikita at ang paglulustay ng inyong yaman ng walang katuturan. (Al-Bukhari at Muslim.)

Ipinaliwanag din ng Sugo ng Allah (sas) ang pagiging mabuti at mabait sa magulang bilang pangunahing bagay para sa pagsasakatuparan ng dalangin at dasal ng tao sa buong buhay niya. Si Ibn Omar (raa) ay nagsalaysay na ang Sugo ng Allah (sas) ay nagsabi:

Tatlong tao noong unang panahon ay lumakad upang mangalakal (magnegosyo). Nang sumapit ang gabi, sila ay natulog sa isang yungib na nasa ilalim ng bundok. Nang sila ay pumasok sa loob, bigla itong napinid at nasarhan ang pintuan. Sila ay nag-usap at napagkaisahan na walang paraang makalalabas maliban sa pagsasagawa ng dasal at dalangin (pagsusumamo). Kailangan humingi tayo ng tulong sa Allah batay sa pinakamabuting bagay na ating ginawa sa buong buhay natin.

Ang unang tao ay nagsabi: O, Allah, ako po ay mayroong matatanda ng magulang na inuuna kong bigyan ng anumang bagay na makakain o maiinom bago pa man ang aking asawa at mga anak. Isang araw ako ay naglakbay ng malayo sa paghahanap ng pagkain para sa aking mga hayop at ako ay dumating sa bahay ng huli. Pagdating ko, natagpuan ko ang aking magulang na natutulog. Aking ginatasan ang tupa upang ibigay sa aking mga magulang para sa kanilang hapunan ngunit ayaw kong gisingin sila upang uminom. Subalit hindi ko ibinigay ito sa aking asawa at anak. Nanatili akong nakatayo na tangan ang gatas habang hinihintay ko silang magising. Sa pagsapit ng bukang-liwayway, sila ay nagising na sa oras namang yaon, ang aking mga anak ay nasa aking paanan at umiiyak para sa gatas. Sa ganoon ding oras, sila ay nagising at aking ibinigay sa kanila ang gatas. O, Allah, kung inyong nalalaman na ito ay aking ginawa ng dahil sa Inyo, nagsusumamo ako na iligtas ninyo kami mula sa sakuna na pinagdurusahan namin. Kapag daka’y ang bato ay naalis ng kaunti sa lagusan ng yungib ngunit hindi kasya ang isang tao upang makalabas.

Ang ikalawang tao ay nagsabi: O, Allah, ako ay may pinsang babae mula sa panig ng aking ama na pinakamamahal ko siya sa lahat. Nais kong makipagtalik sa kanya ngunit siya ay tumanggi. Minsan, siya ay nagkaroon ng suliranin sa pananalapi. Siya ay lumapit sa akin at humingi ng tulong. Binigyan ko siya ng isang daan at dalawampung gintong dinar upang pagbigyan niya ako sa aking kahilingan. Nang dahil sa kanyang pangangailangan at mahirap na kalagayan, siya ay pumayag. Nang nais ko ng simulan ang pakikipagtalik, siya ay nagsabi O, aking pinsan, matakot ka sa Allah. Huwag mong alisin ang aking pagka-birhen maliban sa ilalim ng batas (kasal). Nang marinig ko ito, ako ay tumayo at hindi ko siya ginalaw bagamat siya ay pinakamamahal ko sa lahat ng babae. Hindi ko kinuhang muli ang mga gintong dinar. Makaraan nito, itinaas niya ang kanyang kamay sa langit at nagsabi. O, Allah, kung inyong nalalaman na ito ay aking ginawa ng dahil sa Inyong kasiyahan, ako po ay nagsusumamo na alisin ang kahirapang aming dinaranas. Alisin mo po ang bato mula sa pintuan ng yungib. Muli, ang bato ay gumalaw ng maliit na distansiya, masikip pa rin na hindi maaaring makalabas ang tao mula sa yungib.

Ang ikatlong tao ay nagsabi ng ganito, O, Allah, batid ninyo na noong ako ay may mga manggagawa at sa pagsapit ng hapon, aking binabayaran ang mga ito maliban sa isa na umalis na hindi nakuha ang kanyang sahod. Kaya, aking inimpok ang kanyang sahod at inilagay sa aking negosyo. Ang salaping nauukol sa manggagawang ito ay umunlad. Minsan, pagkaraan ng maraming taon, ang manggagawang ito ay bumalik at nagtatanong tungkol sa kanyang sahod. Itinuro ko sa kanya ang malalaking kawan ng tupa, baka, kamelyo, mga alipin at katulong at sinabi ko sa kanya: Lahat ng iyong nakikita ay sa iyo! Yan ang sahod mo na utang ko sa iyo. Ang dukhang manggagawa ay nabigla at sinabi, “Nakikiusap ako sa iyo na huwag mo akong biruin (paglaruan) at pagtawanan. Ang hinihiling ko lamang sa iyo ay isang araw na sahod? Ako ay sumagot, Hindi kita pinagtatawanan o pinaglalaruan o binibiro. Ito ay sa iyong lahat. Pagkaraan ng pagsasalaysay nito, itinataas ang kanyang kamay sa langit at nagsabi: O, Allah, kung nagawa ko yaon para sa Inyong kasiyahan, nagsusumamo ako na alisin Mo po ang paghihirap na ito na aming pinagdurusahan. Pagkaraan nito, ang bato ay dahan-dahang naalis mula sa pintuan ng yungib at ang tatlong magkakasama ay humayong papalabas muli. (Al-Bukhari at Muslim.)

Sa aral ng Islam, isinasaalang-alang din ang kasiyahan ng magulang, ang pagiging mabait, mabuti, mapagpaumanhin, magalang at mapangalaga sa kanila bilang isa sa mga bagay na nakapag-aalis ng mga kasalanan sa mundong ito. Isinalaysay ni Abdullah Ibn Omar (raa) na nagsabi:

Isang tao ang lumapit sa Sugo ng Allah (sas) at nagsabi: O, Propeta! ako ay nakagawa ng malaking kasalanan. Palagay mo ba ay makapagsisisi ako sa Allah mula rito? Ang Sugo ng Allah (sas) ay nagtanong: Buhay pa ba ang iyong Ina? Ang tao ay sumagot ng, ‘hindi’. Ang Sugo ng Allah ay nagpatuloy sa pagtatanong; Mayroon ka pa bang buhay na tiyahin (mula sa angkan ng iyong ina)? Ang lalaki ay tumango ng, Oo. Ang Sugo ng Allah ay nagsabi sa kanya: Maging mabait, mapangalaga, matulungin, mabuti at maging magalang sa kanya (Tirmidhi).

Ayon sa Islam, ang katayuan ng isang tiyahin ay katulad ng katayuan ng isang ina. Ang Sugo ng Allah (sas) ay nagsabi rin na:

Ang kapatid na babae ng iyong ina ay may kahalintulad na katayuan ng isang ina. (Al-Bukhari at Muslim.)

Ipinag-uutos ng Islam na ang karapatan ng mga magulang ay nararapat na igalang at kiIalanin kahit na pagkaraang mamatay ito. Si Malik Ibn Rabee’ah (raa) ay nagsalaysay ng ganito: Habang kami ay nakaupo sa tabi ng Sugo ng Allah (sas), isang tao mula sa tribo ng Bani Salamah ang lumapit sa kanya at nagtanong: ‘O, Sugo ng Allah, ang aking mga magulang ay namatay na. Mayroon pa ba akong tungkulin na dapat panatilihin at tuparin bilang karapatan nila pagkaraang sila ay mamatay?’ Ang Sugo ng Allah ay nagsabi: “Tunay na mayroon, kailangang panatilihin mo ang pagdarasal at panalangin para sa kapakanan nila, lagi kang humingi ng kapatawaran para sa kanila, tuparin ang anumang pangako na kanilang iniwan sa iba, maging magalang, mabait, mabuti sa kanilang mga naging kaibigan at panatilihin mo ang magandang ugnayan sa iyong mga kamag-anakan bilang patunay sa pagmamahal na iniuukol mo sa iyong mga magulang

Ang Pagtalikod sa Kapatid na Muslim

Ang Pagtalikod sa Kapatid na Muslim

 

Hindi ipinahihintulot sa isang tao ang iwasan ang kanyang kapatid sa loob ng tatlong gabi, bawa’t isa sa kanila ay hindi nagpapansinan kapag sila ay nagkakasalubong. Ang pinakamabuti sa kanilang dalawa ay yaong naunang bumati sa isa ng Salaam.”

Si Abu Khuraash al-Aslami ay nag-ulat na ang Propeta(sas) ay nagsabi:

“Sinumang tumalikod sa kanyang kapatid ng… isang taon ay para na rin niyang pinadanak ang kanyang dugo”.( al-Bukhaari sa al-Adab al-Mufrad, Hadeeth blg. 406; tingnan din sa Saheeh al-Jaami’, 6557 )

Si Abu Hurayrah ay nag-ulat na ang Propeta(sas) ay nagsabi:

“Hindi ipinahihintulot sa isang Muslim na talikuran ang kanyang kapatid nang hihigit sa tatlong araw; sinumang gumawa nito at namatay, siya ay ipapasok sa Impiyerno.” (Abu Dawud, 5/215; tingnan din sa Saheeh al-Jaami’, 7635)

Sadyang napakasama na ang pagkakawatak-watak ng mga Muslim na humahantong sa pagkawala ng kapatawaran ng Allah(swt) sa kanila.

Si Abu Hurayrah ay nag-ulat na ang Propeta(sas) ay nagsabi:

“Ang mga gawa ng tao ay ipinakikita sa Allah(swt) nang dalawang ulit sa isang linggo, sa tuwing araw ng Lunes at Huwebes. Pinatatawad Niya ang lahat ng Kanyang aliping mananampalataya, maliban sa isang may hidwaan sa kanyang kapatid. Kanyang sasabihin, ‘iwanan ang dalawang ito hanggang sa sila ay magkabati.” (Muslim, 4/1988)

Sinuman sa dalawang panig ang nagnanais humingi ng kapatawaran sa Allah(swt) kinakailangang puntahan niya ang kanyang kapatid at batiin ito ng Salaam. Kapag ginawa niya ito at siya ay hindi pinansin, samakatuwid siya ay malaya na sa anumang kasalanan at ang pananagutan ay mapupunta sa huli.

Si Abu Ayyoob ay nag-ulat na ang Propeta(sas) ay nagsabi:

“Hindi ipinahihintulot sa isang tao ang iwasan ang kanyang kapatid sa loob ng tatlong gabi, bawa’t isa sa kanila ay hindi nagpapansinan kapag sila ay nagkakasalubong. Ang pinakamabuti sa kanilang dalawa ay yaong naunang bumati sa isa ng Salaam.” (al-Bukhari, sa Fath al-Baari, 10/492.)

Mayroon ding mga kalagayan na may matuwid na dahilan upang talikuran ang isang tao, katulad halimbawa sa di niya pagsagawa ng pagdarasal, o di mapigilang paggawa ng kasamaan. Kung ang pag-iwas sa kanya ay makabubuti upang ipamulat sa kanya ang kanyang mga masasamang gawain, magkagayo’y magiging isang tungkulin na iwasan siya. Subali’t kung ito ay magiging sanhi upang siya ay lalong magmatigas at magpatuloy sa kanyang kasalanan, magkagayo’y hindi nararapat na siya ay iwasan, sapagka’t walang mabuting maibubunga ito. Ang pag-iwas sa kanya ay lalo lamang magpapalala sa kanyang katayuan. Kaya ang nararapat gawin ay ipagpatuloy na pakikitungo sa kanya nang may kabaitan upang magkaroon ng pagkakataon na siya ay pangaralan at paalalahanan

Islam: Hindi Isang Bagong Relihiyon

Taliwas sa karaniwang paniniwala na ang Islam ay isang bagong relihiyon na sinimulan ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) may labing apat na raang taon na ngayon ang nakalilipas, ang Islam ay siyang relihiyon mula pa sa panahon ng ating mga ninuno, samakatuwid baga’y nina Adan at Eba (sumakanila nawa ang kapayapaan). Ang Islam sa simula pa, ay siyang relihiyong ibinigay ng Allah sa Kanyang mga nilikha sa pamamagitan ng Kanyang mga Propeta. Sa lahat ng mga bansa, ang Allah ay nagsugo ng tagapagbigay babala na isa lamang relihiyon ang ibinabandila–Ang Islam. Ito ang tanging relihiyon na ibinigay ng Allah at wala Siyang relihiyon na ibinigay o ipinangalan sa ngalan ng mga Propeta. Ang Islam ay ganap Niyang relihiyong tanging Siya ang may dala, tanging Siya ang may gawa at tanging Siya ang nagbigay ng pagtatalaga sa dapat gawin ng Kanyang nilikha.

Ang Islam ay ang relihiyong nagpapatuloy sa mga mensaheng ibinigay Niya noong una pa man sa mga Propeta. Ito ay pinatutunayan ayon na rin sa Qur’an, ang Banal na Aklat ng mga Muslim.

Ang Allah ay nagbigay paliwanag:

“Ipagbadya (O, Muhammad): Kami ay sumasampalataya sa Allah at sa anumang bagay na ipinahayag sa amin at sa mga bagay na ipinahayag kay Abraham at Ismail at Isaac at Hakob at sa kanyang mga lahi, at sa mga bagay na ipinahayag kay Moises at Hesus, at sa mga Propeta mula sa kanilang Panginoon. Kami ay hindi nagtatadhana sa kanila (mga Propeta) ng pagtatangi-tangi at sa Kanya lamang kami tumatalima.” [Quran 3:84, 2:136]

Ayon pa rin sa Allah:

“Tunay nga (O Muhammad!) na pinagpahayagan ka Namin kung paano rin naman Namin pinagpahayagan si Noe at ang mga Propetang sa kanya ay nangagsisunod, gayon din naman kung paano Namin pinagpahayagan si Abraham at Ismail at Isaac at Hakob at ang kanyang mga lahi, at si Hesus at si Job at Jonas at Aaron at Solomon at kung paano rin Namin ipinahayag kay David ang Salmo.”

At mula pa rin sa ibang pahina ng Qur’an, ang Allah ay nagsabi:

“At ang mga Sugong binanggit Namin sa iyo noong una at mga Sugong di Namin nabanggit sa iyo at ang Allah ay tuwirang nakipag-usap kay Moises.” [Quran 4:163-164]

 

 

Ang Kayabangan, Pagmamalaki, at Pagmamahal sa Katanyagan

Kapag ang isang tao ay nagkamit ng mataas na katayuan sa lipunan o may angking yaman, kinasusuklaman niyang may hihigit pa sa kanya sa yaman o katanyagan. Kinapopootan din niyang may ibang higit na pinupuri kaysa sa kanya. Kaya naman, kinaiinggitan niya ang taong yaon.

Ang isang halimbawa nito’y katulad ng nangyari noong unang panahon nang… ang mga Hudyo ay nainggit kay Propeta Muhammad(sas) hinggil sa kanyang pagka-Propeta na iginawad ng Allâh(swt) sa kanya. Ang kanilang panibugho ang naging dahilan upang tanggihan nila ang Banal na Mensahe na ipinagkaloob sa Propeta(sas) na mula sa isang lahing Arabo at hindi nagmula sa Angkan ni Israel. Ang sarili nilang Hasad ang nag-udyok sa kanila upang magsalita nang ganito:

Ang mga ito ba (mga maralitang mananampalataya) ang pinagpala ng Allâh mula sa atin? [Surah Al-Anam, 6:53].

At sila ay nagsasabi: “Bakit hindi ipinahayag ang Qur’an na ito sa mga bantog na tao ng dalawang bayan (ang Makkah at Taif)? [Surah Az-Zukhruf, 43:31]

Kung inyong susundin ang isang taong katulad (lamang) ng inyong mga sarili, samakatuwid, katotohanang kayo ang mga talunan. Surah Al-Muminoon, 23:34

Ito ay nagpapakita rin ng isa sa mga panganib na naidudulot ng Hasad. Nagbibigay-hadlang ito sa tao sa pagsunod sa katotohanan at humahadlang sa pagtanggap ng pagpapayo ng iba. Ito ay katulad ng Hasad ng mga di-sumasampalataya na siyang pumipigil sa kanilang pagtanggap ng Islâm.

Ang Likas na Kasamaan ng Tao

Ang ibang tao, kahit na sila ay maaaring hindi nasasaktan o hindi natatakot sa tagumpay ng iba, sila ay nagdadalamhati kapag narinig ang magagandang nangyayari sa iba, at sila’y natutuwa kapag may kabiguang nangyayari sa iba. Sila ay hindi naghahangad ng kaunlaran sa sarili ni hindi sila naghahangad ng kaunlaran sa iba! Mahirap bigyan ng lunas ang ganitong sakit sa dahilang ang sanhi ng kanilang sakit ay ang likas na kasamaan ng tao na ayaw niyang tanggapin ang tagumpay ng iba.

Ang Pagsisisi at Pagwaksi ng Inggit

1. Ang mananampalataya ay dapat maging matapat sa pagsisisi sa pagkakaroon ng Hasad katulad ng sinabi ni Propeta Muhammad(sas) :

“Ang tatlong bagay na hindi dapat kapootan ng bawa’t puso ng mananampalataya ay ang pagkakaroon ng katapatan sa kanyang mga gawain, ang magbigay ng payo sa mga namumuno, at ang pagdalo sa Jama’ah (o kumonidad) ng mga Muslim, sapagka’t ang kanilang mga dalangin ay napapalibutan ang bawa’t isa sa kanila.” [Ahmad at Ibn Majah]

2. Ang kailangan upang maging malaya sa Hasad ay alisin ang lahat ng pinagmumulan nito: ang galit, poot, pagmamahal sa mundo at ang kawalan ng kasiyahan.

Ang kawalang-kasiyahan ay nagmumula sa kamangmangan ng isang alipin sa kanyang Panginoon. Kung kanyang kikilalanin ang kanyang Panginoon sa Kanyang mga katangian katulad ng: ‘Ang Ganap’, ‘Ang Maalam’, at ‘Ang Makatarungan’ sa Kanyang mga alipin, siya ay hindi mawawalan ng kasiyahan. Ito ang kailangan upang hindi siya magkaroon ng Hasad (inggit).

Sinabi ni Imam Ibn Qayyim (nawa’y kalugdan siya ng Allâh(swt)): “Ang pagkakaroon ng kasiyahan (sa anumang bagay na nakamtan) ay bubuksan ang pintuan ng kapayapaan at katiwasayan para sa isang alipin. Pinadadalisay nito ang kanyang puso sa galit, kasamaan at poot. Kung gaano karubdob ang kanyang kasiyahan, gayundin kadalisay ang kanyang puso. Magkagayunman, ito ay hindi nangangahulugan na ang isang alipin ay hindi dapat magsikap upang paunlarin ang kanyang katayuan. Ang isang alipin ay dapat kumilos upang matamo ang tagumpay at kaunlaran nguni’t hindi siya dapat mainggit sa mga taong pinagkalooban ng Allâh(swt) ng higit na kayamanan o ari-arian bagkus dapat siyang masiyahan sa kapasiyahan ng Allâh(swt).

3. Ang pagbabasa at pagmuni-muni sa kahulugan ng Banal na Qur’an ay nagbibigay lunas sa mga sakit ng puso. Ating basahin ang kahulugan ng isang talata: O sangkatauhan! Dumating sa inyo ang isang mabuting payo (Qur’an) mula sa inyong Rabb (Panginoon) at isang lunas (sa anumang sakit) sa inyong mga dibdib. [Surah Yunus, 10: 57

Ang Manalangin sa Allâh(swt) upang padalisayin ang puso.

Ganito ang kahulugan ng isang talata sa Banal na Qur’an: At yaong dumating pagkaraan nila ay nagsabi: O aming Rabb (Panginoon)! Patawarin kami at ang aming mga naunang kapatid sa pananampalataya, at huwag ilagay sa aming mga puso ang anumang galit laban sa mga nagsisampalataya. O aming Rabb! Katotohanang puno Ka ng kabaitan, ang Mahabagin. [Surah al-Hashr, 59:10]

Magbigay ng Sadaqah (Kawanggawa). Pinadadalisay nito ang puso at pinababanal ang kaluluwa: Kunin ang Sadaqah (kawanggawa) mula sa kanilang yaman upang padalisayin at pabanalin sila nito. [Surah at-Tawbah, 9:103]

Kung sakaling dumaan sa isipan ng tao ang Hasad, dapat siyang magpakupkop sa Allâh(swt) laban kay Satanas at maging abala sa mga bagay na makapagtataboy sa mga ganitong bulong at isipan.

Subalit, kung sakali mang maitanim ni Satanas ang Hasad sa puso, magkagayo’y pag-ibayuhin ang pag-ingat dahil maaaring makapagsalita o makagawa ng anumang magpapakita ng Hasad. Ang tao ay hindi pananagutin sa anumang bagay na dumaan sa kanyang isipan subali’t siya ay mananagot sa mga bagay na kanyang sinasabi at ginagawa.

Sinabi ni Shaikh Al- Islâm Ibn Taymiyah: “Walang taong makaliligtas sa Hasad, subali’t naitatago ito ng mga mabubuting tao samantalang naipakikita naman ito ng mga taong mahina ang pananampalataya.” [Amraad Al-Quloob]

Sinuman ang nakararamdam ng inggit sa kanyang kapwa, dapat siyang bumili ng regalo para sa kanya, makipagkamay at mag-Salaam sa kanya upang mawala ang galit at tuluyang maiwaksi ang Hasad – na siyang bunga ng pagkapoot. Ang Propeta(sas) ay nagsabi: “Makipagkamay (magsipagbati ng Salaam), dahil maitataboy nito ang matinding hinanakit, at magpalitan kayo ng regalo at magmahalan sa isa’t isa, dahil maitataboy nito ang poot.” [Isinalaysay ni Malik sa Al-Muwatta (1413)]

Isinalaysay ni Abu Hurayrah (kalugdan nawa siya ng Allâh(swt)) na sinabi ng Propeta(sas): “Isinusumpa ko sa Allâh(swt), na Siyang may hawak ng aking kaluluwa, kailanma’y hindi kayo papapasukin sa Paraiso hangga’t hindi kayo maniwala. At hindi kayo maniniwala hangga’t hindi kayo magmahalan sa isa’t isa. Sasabihin ko ba sa inyo ang bagay na kung ito ay inyong gagawin kayo ay magmamahalan sa isa’t isa? Ipalaganap ang pagbati (Salaam) sa inyong mga sarili.”

Sinabi ni Ibn Abdul-Barr: “Ito ay nagpapatunay na ang Salaam ay nag-aalis ng poot at galit at magbubunga ito ng pagmamahalan.” [Saheeh Muslim]

Ang Taong Kabilang sa mga Mananahanan sa Paraiso.

Naiulat ni Anas Ibn Malik (kalugdan nawa siya ng Allâh(swt)) na sila’y nakaupo kasama ang Sugo na nagsabi: “Isang tao na kabilang sa mga mananahanan sa Paraiso ay papasok ngayon.” At ang isang lalaki mula sa mga Ansar ang pumasok na may tubig pang tumutulo sa kanyang balbas dahil sa Wudhu (ablution), at bitbit niya ang kanyang tsinelas sa kanyang kaliwang kamay.

Sa sumunod na araw, ang Propeta(sas) ay nagsabi rin ng gayong salita at yaon ding tinuran niyang lalaki ang siyang pumasok.

Sa pangatlong araw, ang Propeta(sas) ay inulit ang kanyang sinabi at ang lalaki ring yaon ang pumasok na ang tubig ay tumutulo pa rin mula sa kanyang balbas dulot ng Wudhu at hawak-hawak niya ang kanyang tsinelas.

Nang ang Propeta(sas) ay umalis, si Abdullah Ibn Amr Ibn Al-As (nawa’y kalugdan siya ng Allâh(swt)) ay sinundan niya ang naturang lalaki at kanyang sinabi: “Ako at ang aking ama ay mayroong di pagkakaunawaan, at ako ay sumumpa na hindi ko siya pupuntahan ng tatlong araw at tatlong gabi. Maaari mo ba akong patuluyin sa inyo sa mga araw na ito?’ Siya ay sumagot, “Oo”.

Nagpatuloy sa salaysay si Anas: ‘Sinabi ni Abdullah na siya ay tumira sa bahay ng lalaking ito sa loob ng tatlong gabi at hindi niya nakitang siya ay nagdarasal sa gabi, nguni’t sa tuwing siya ay gagalaw at nag-iiba ng posisyon sa pagkakahiga ay ginugunita niya ang Allâh(swt) sa pamamagitan ng pagsasabi ng ‘Allâhu Akbar’ hanggang dumating ang Salaat-ul-Fajr.”

Sinabi ni Abdullah: ‘Wala akong naririnig sa kanya kundi mabuti. Pagkaraan ng tatlong gabi, aking sinabi: ‘O alipin ng Allâh(swt)! Hindi ko tunay na iniwan ang aking ama ni hindi ako galit sa kanya. Subali’t, narinig ko ang Sugo(sas) ng Allâh(swt) na nagsabi sa tatlong magkahiwalay na okasyon: ‘Isang tao mula sa mga mananahanan sa Paraiso ay papasok’, at ikaw ang pumasok sa lahat ng tatlong okasyong yaon. Kaya ninais kong manirahan sa inyo upang makita ko ang ginagawa mo at aking matularan. Subali’t wala akong makitang higit mong ginagawa sa iyong pagsamba. Kaya ano ba ang iyong ginagawa kung bakit nasabi ng Propeta(sas) ang gayon?

Ang lalaki ay sumagot: ‘Wala ng iba pa sa iyong nakita.’ Nang sumapit na ang oras upang ako ay umalis, tinawag niya ako at sinabi: ‘Oo, wala ng iba pa sa iyong nakita, maliban sa walang puwang sa aking sarili ang maghangad ng masama o magkaroon ng Hasad (inggit) sa sinumang Muslim at sa anumang ipinagkaloob ng Allâh(swt) sa kanila.’ Sinabi ni Abdullah: ‘Ito ang dahilan kung bakit dapat kang ipagkapuri, sapagka’t ito ang hindi namin kayang gawin.” [Musnad Ahmad]

 

 

 

Ang Katangian ng Paraiso

Ang Paraiso ay ang tahanan ng buhay na walang hanggan at ang pagpaparangal para sa mga matuwid na lingkod ng Allah. Doon ay mayroong kaginhawahang wala pang matang nakakita, wala pang tainga na nakarinig, at hindi pa sumagi sa isip ng tao. Sinabi ng Allah:

“At hindi nalalaman ng isang tao ang itinago para sa kanila na ikalulugod ng mga mata bilang ganti sa anumang ginagawa nila noon.” [Qur’an, 32:17]

Ang Paraiso ay binubuo ng mga antas na magkakaiba ang mga kalagayan ng mga mananampalataya roon ayon sa kanilang mga nagawa sa mundo. Nagsabi ang Allah:

“…itataas ng Allah sa mga antas ang mga sumampalataya mula sa inyo at ang mga binigyan ng kaalaman.…” [Qur’an, 58:11}

Makakain at maiinom nila roon ang minimithi ng kanilang mga sarili. Doon ay may mga ilog ng tubig na di-nagbabago ang lasa at amoy, mga ilog ng gatas na hindi nagbabago ang lasa, may mga ilog ng dinalisay na pulut-pukyutan, at mga ilog ng alak na masarap para sa mga umiinom. Ang kanilang alak ay hindi katulad ng alak dito sa lupa. Nagsabi ang Allah:

“Magpapaikot sa kanila ng kopa mula sa dalisay na alak: maputi, masarap para sa mga umiinom. Walang taglay ito na kapinsalaan at hindi sila, mula rito, malalasing.” [Qur’an, 37:45-47]

Doon ay mag-aasawa sila ng mga magagandang dilag. Nagsabi ang Sugo, Sumakanya nawa ang kapayapaan: “Kung may isang babaeng buhat sa Paraiso na susulyap sa mga naninirahan sa lupa, talagang paliliwanagin niya ang anumang nasa pagitan ng dalawa—ang langit at lupa—at talagang pupunuin niya ito ng mabangong halimuyak.”

Ang pinakamalaking kaligayahan ng mga maninirahan sa Paraiso ay ang mapagmasdan ang Allah. Ang mga maninirahan sa Paraiso ay hindi iihi, hindi dudumi, hindi sisipunin, at hindi dudura. Ang mga suklay nila ay ginto at ang mga pawis nila ay musk. Ang kaligayahan nilang ito ay mamamalagi, hindi titigil at hindi mababawasan. Nagsabi ang Sugo, Sumakanya nawa ang kapayapaan: “Ang sinumang papasok sa Paraiso ay pagiginhawahin, hindi na maghihirap at hindi na susubukin. Ang pinakakaunti ang bahagi sa mga maninirahan sa Paraiso—at siya ang kahuli-hulihang lalabas sa Impiyerno at papasok sa Paraiso—ay mainam kaysa sa buong mundo nang makasampung ulit.”

 

”PAPAANO NILIKHA SI ADAN/ADAM (RA)”

Sa Nglan ng Allah, ang Mapagpala, ang Mahabagin.

Ipinaliwanag ng Allah (swt) na si Adan (ra) ay nilikha mula sa lupa; ang Allah (swt) ay nagbigay halimbawa sa iba’t-ibang pamamaraan. Sa talatang sumusunod ang Allah(swt) ay nagsabi na si Adan (ra) ay nilikha mula sa alabok:

”Katotohanan, ang kahalintulad ni Hesus sa paglikha sa kanya ng Allah ay katulad ni Adan. Kanyang nilikha siya mula sa alabok, at (Kanyang) winika; ‘Mangyari nga’, at siya ay nalikha. [Qur’an 3:59]

Sa talatang ito sinabi ng Allah (swt) na nilikha siya (ang tao) mula sa malagkit na lupa:

”Siya ang lumikha sa inyo mula sa malagkit na putik, at pagkatapos ay nagtakda ng isang natataningang panahon (para sa inyong kamatayan). At mayroon ding nasa-Kanya na isang natataningang panahon (para sa inyong muling pagkabuhay), subalit kayo ay nag-aalinlangan (sa Muling Pagkabuhay).” [Qur’an 6:2]

Sinabi ng Allah (swt) na nilikha siya (tao) mula sa madikit at malagkit na lupa:

”…Sila ba ay higit na malakas (o higit na may kahirapan) na nilikha, o yaong (mga iba pa) na Aming nilikha (tulad ng kalangitan, ang kalupaan at ang kabundukan atbp.)? Katotohanang Aming nilikha sila mula sa malagkit na putik.” [Qur’an 37:11]

Ang Allah (swt) ay nagsabi na nilikha Niya siya mula sa malagkit na lupa katulad ng (pagsagawa) sa mga palayok, paso atbp:

”Nilikha Niya ang tao (Adan) mula sa (malambot na) putik na tulad (ng gamit) sa palayukan.” [Qur’an 55:14]

Nilikha ng Allah (swt) ang tao mula sa putik na hinubog sa maitim at makinis na lupa:

”At katotohanang nilikha Namin ang tao mula sa putik na hinubog sa maitim at makinis na lupa.” [Qur’an 15:26]

Magkagayun pa man, si Adan (ra) ay nilikha mula sa isang sangkap. Nilikha ng Allah (swt) si Adan (ra) mula sa malagkit na lupa, at siya ay dumaan sa iba’t-ibang yugto. Siya ay namalagi sa ganoong yugto, hanggang sa kagustuhan ng Allah(swt); pagkaraan noon inihipan sa kanya ng Allah(swt) ang kaluluwang nilikha para sa kanya. Ang Allah(swt) ay nagsabi:

”At (alalahanin) nang ang iyong Panginoon ay nangusap sa mga anghel: ‘Ako ay lilikha ng isang tao (Adan) mula sa putik na hinubog sa maitim at makinis na lupa. Kaya’t nang ito ay Aking natapos nang ganap, at (matapos na) Aking maihinga sa kanya (Adan) ang kaluluwa na Aking nilikha para sa kanya, kayo (mga anghel) ay lumuhod at magpatirapa sa kanya (bilang paggalang at hindi pagsamba).’ Kaya’t ang mga anghel ay nagpatirapa sa kanya, silang lahat nang sama-sama. Maliban kay Iblis (Satanas), siya ay tumanggi na makasama ng mga nagpatirapa. ” [Qur’an 15:28-31]

Ang mga tao pagkatapos ay nagparami mula sa mahinang parang-tubig na sangkap (semilya). Ang Allah(swt) ay nagsabi:

”Siya ay lumikha ng lahat ng bagay sa pinakamainam na paraan at sinimulan Niya ang paglikha sa tao mula sa putik. * At ginawa Niya ang kanyang mga supling mula sa tubig na lubhang aba (katas ng semilya ng lalaki at punlay ng babae).* At Kanyang hinubog siya sa ganap na sukat, at hiningahan Niya ito ng Kanyang espiritu (ang

kaluluwa na nilikha ng Allah para sa taong iyon) at iginawad Niya sa inyo ang pandinig (tainga), paningin (mata) at pang-unawa (puso). Kakarampot lamang (sa inyo) ang nagbibigay ng pasasalamat!” [Qur’an 32:7-9]

Katulad ng unang tao na nilikha mula sa alabok (ng lupa), ang tao ay babalik dito, at mula dito siya ay bubuhaying muli sa Araw ng Pagbabangon. Ang Allah (swt) ay nagsabi:

”(Mula sa lupa) Aming kayong nilikha, at dito kayo ay Aming ibabalik, at dito kayo ay muli rin Naming bubuhayin.” [Qur’an 20:55]

Kung sinuman ang magnais sa inoy mga kapatiran kong muslim ng karagdagan kaalaman tungkol sa paksang ito ay maaaring magbasa ng mga aklat (na batay sa Qur’an at sa mapagkakatiwalaang Sunnah).

 

PAKIKITUNGO SA ALLAH

PAKIKITUNGO SA ALLAH – Ang Muslimah na may tunay na pananampalataya ay may pagpapakumbaba sa pakikitungo sa Allah, na nagpapatunay na nangangailangan siya sa gabay,awa at tulong ng Allah. Dapat siyang mapagpasalamat sa mga biyayang binibigay ng Allah at mapagtiisan niya ang mga pagsubok ng Allah. Ang isa sa mabuting pakikitungo sa Allah ay ang pagsasagawa ng Salah (pagdarasal). Ang Muslimah ay nagsasagawa ng Salah (pagdarasal) sapagkat ito ang pinakadakila at pinakamabuting Gawain ng tao, at dapat ito ay isagawa sa tamang oras. Ang Propeta Muhammad (s.a.w.) ay nagsabi: “Ang pinakamahal na Gawain para sa Allah ay ang pagsasagawa ng pagdarasal sa tamang oras nito.” Ang pagdarasal ay siyang tuwirang ugnayan ng isang tao bilang alipin ng Dakilang Diyos (Allah).

Ang Salah (pagdarasal) ang pinagmumulan ng lakas, awa, patnubay, katatagan, paggalang at katiwasayan ng kalooban. Ito ang paraan ng paglilinis ng kanyang mga kasalanan at pagpigil sa paggawa ng masama at nagiging daan ng pagpapakumbaba at pagsisisi. Ang may magandang katangian ng isang Muslimah ay yaong palagian siyang nagsisisi bilang paglilinis ng kanyang kaluluwa at siya ay nakikipag ugnayan lamang sa mga matutuwid at mabubuting tao upang mapaunlad niya ang kanyang mabuting pag-uugali. Ang isang Muslimah ay nararapat na magsalita o kumilos ayon sa katuruan ng Islam at ang mga Gawain niya ay alang-alang lamang sa Allah. Ayon sa Propeta Muhammad(s.a.w.) ay nagsabi: “ang sinumang umibig, mapoot, magbigay at magtimpi ng dahil sa Allah, ang kanyang pananampalataya ay ganap.”

Ang Muslimah ay nararapat niyang ibigay ang buong pagtitiwala niya sa Allah, Pagtitiwala na sa lahat ng pagsubok ay may kaginhawaan, pagtitiwala na ang Allah lamang ang makakatulong at makapagbibigay sa lahat ng kanilang mga pangangailangan. At nararapat sa isang Muslimah na panatilihin niya ang kanyang pananampalataya sa Allah magpakailanman at hanggang sa huling yugto ng kanyang buhay.

Ang Mga Iba’t Ibang Gawain (o Bagay) na Ipinagbabawal ng Islam

1. Ipinagbabawal ang alak at lahat ng mga gamot na nakalalasing at nakalalango o katulad nito, kahiman ito ay kinakain, iniinom, sinisinghot o kaya iniiniksyon. Ang Allah ay nagsabi, Qur’an, Kabanata Al-Maa’idah, 5:90-91;
“O kayong Mananampalataya! Ang lahat ng Khamr (inuming nakalalasing) at ang sugal at ang Ansab at ang Azlam (ang paggamit ng palaso upang hanapin ang kapalaran o pagpapasiya) ay mga gawaing kasuklam-suklam mula sa Satanas. Kaya, (mahigpit na) iwasan ang lahat ng ito upang kayo ay magsipagtagumpay. Nais lamang ng Satanas na maghasik ng galit at poot sa pagitan ninyo sa pamamagitan ng Khamr (mga inuming nakalalasing) at sugal at (nais niyang) hadlangan kayo sa pagbibigay-alaala sa Allah at mula sa pagtupad ng Salaah (pagdarasal). Kaya, kung gayon, hindi ba kayo iiwas?
2. Ipinagbabawal ang pagkain ng mga patay na hayop, baboy at lahat ng mga bagay na sinabi ng Allah sa Qur’an, Kabanata Al-Maa’idah, 5-3;
“Ipinagbabawal sa inyo (bilang pagkain) ang mga: Maytah (patay na hayop, mga hayop na hindi kinatay), dugo, laman ng baboy at ang mga kinatay na hindi sinambit ang Ngalan ng Allah bilang pag-aalay sa iba bukod sa Kanya o di kaya’y kinatay upang ialay sa mga dinadalanginang idolo) o kaya’y pinatay sa pamamagitan ng sakal (bigti) o ng marahas na hampas o pagkahulog o sa pamamagitan ng pagsuwag ng mga (matutulis na) sungay at yaong ibang bahagi nito ay kinain (nilapa) na ng mga mababangis (o ligaw) na hayop maliban na lamang kung ito ay inyong kinatay bago nalagutan ng hininga. At sa (mga hayop din) na kinatay (bilang gamit) sa An-Nusub (dambanang bato). (Ipinagbabawal rin sa inyo) ang paggamit ng palaso (o busog) sa paghahanap ng kapalaran o pasiya…”
3. Sa mga kinakain na sinadyang hindi binabanggit ang Pangalan ng Allah , o kaya ay sinadyang pinatungkol sa iba maliban sa Ngalan ng Allah sa oras ng pagkatay. Ang Allah ay nagsabi, Qur’an, Kabanata Al-An’aam, 6:121;
“(O, kayong Mananampalataya) Huwag kainin ang (laman o karne) ng anuman na ang Pangalan ng Allah ay hindi binanggit (habang kinakatay), katiyakang ito ay Fasq (pagsuway at pagkakasala sa Allah)…”
4. Ang pagkain ng karne ng mga hayop na mayroong mga pangil, tulad ng mga leon, leopardo, lobo at ang mga katulad nito, at gayon din ang mga ibong may mahahabang kuko, tulad ng mga agila, mga palkon, mga lawin at ang mga ibang katulad nito. Sinabi ni Ibn ‘Abbaas (radia-llahu ´anhu);
“Ipinagbabawal ng Propeta ang pagkain ng mga hayop na kumakain ng kanilang kapwa hayop na may pangil, at ang mga ibong may mga mahahabang kuko (na pinansisilo sa kanilang mga biktima).” (Iniulat ni Imam Muslim)
5. Ang mga kinatay na hayop ng iba bukod sa mga Hudyo at Kristiyano ay itinuturing na bulok at ipinagbabawal na kainin. Ang Allah ay nagsabi, Qur’an, Kabanata Al-Maa’idah, 5:5;
“Sa araw na ito, pinahintulutan (at ginawang marapat) sa inyo ang mga Tayyibat (lahat ng mabubuti [Halal] na pagkain na minarapat ng Allah bilang pagkain sa inyo) mga laman (karne) ng mga kinatay na pinahintulutang kaining hayop, gatas at mga pagkain mula sa gatas, mga taba, gulay at prutas). Ang mga pagkain (mga kinatay at nakakaing hayop) ng Angkan (na pinagkalooban) ng Kasulatan (Hudyo at Kristiyano) ay pinahihintulutan sa inyo at maging ang inyong (mga pagkain) ay pinahihintulot din sa kanila.”
6. Ang lahat ng pagkain at inumin na nakapipinsala sa katawan ng isang tao, tulad ng sigarilyo at mga tulad nito ay ipinagbabawal. Ang Allah ay nagsabi, Qur’an, Kabanata An-Nisaa, 4:29;
“At huwag patayin ang inyong mga sarili (o di kaya ay magpatayan sa isa’t isa). Katiyakan, ang Allah ay Maawain sa inyo.”
7. Ipinagbabawal ang pagsuot ng seda, ginto at pilak para sa mga lalaki, ang mga ito ay ipinahihintulot sa mga kababaihan lamang. Ang Propeta ng Allah ay nagsabi;
“Ang pagsusuot ng seda at ginto ay ipinahintulot sa mga kababaihan ng aking pamayanan datapwa’t ipinagbabawal para sa mga kalalakihan.” (Iniulat ni Imam Ahmad)
Ipinahihintulot sa mga lalaki ang pagsuot ng pilak na singsing, sa sinturon at maglagay ng palamuti sa mga sandata