Ang Mga Kautusan ng Islam

Mga kapatid, hanapin ang landas ng inyong pakikipag-ugnayan sa lipunan at sa iba pa batay sa mga aral at tagubilin (Sunnah) ng Propeta.
“Umiwas sa mga bagay na ipinagbabawal at kayo ay magiging mabuting Mananampalataya, ikasiya at tanggapin nang buong puso ang anumang panustos na ipinagkaloob ng Allah at kayo ay magiging pinakamayaman sa lahat ng tao, maging mabuti at matapat sa inyong mga kapit-bahay at kayo ay magiging tunay na Mananampalataya, hangarin ninyo sa iba ang ninanais ninyo sa inyong sarili at kayo ay magiging tunay na Muslim at huwag lumabis sa pagtawa, sapagka’t ang labis na pagtawa ay nagiging sanhi ng kamatayan ng puso (pagkakaroon ng sakit sa puso).”
At sinabi rin ng Propeta:
“Ang tunay na Muslim ay siya na ang kanyang kapwa Muslim ay ligtas mula sa (pananakit ng) kanyang dila at kamay, at ang tunay na ‘Muhaajir’ ay siyang tumalikod (umiwas) sa lahat ng ipinagbabawal ng Allah”. (Iniulat ni Imam Bukhari)
Ang Islam ay naglalayong magtatag ng isang maayos na lipunan na pagmumulan ng mga taong nagpapakita ng pagmamahalan, pagdadamayan, awa at tunay na sumusunod sa ‘Sunnah’ ng Propeta;
“Ang mga Mananampalataya sa kanilang pagmamahal, pagmamalasakitan at mabuting damdamin sa bawa’t isa ay tila isang katawan, na kung may karamdaman ang isang bahagi nito ang buong katawan ay nakadarama ng pananakit, nilalagnat at hindi makatulog.” (Iniulat ni Imam Muslim)
Ang Islam ay nagpapatnubay sa bawa’t mabuti at nagpapaalaala sa kanila na umiwas sa bawa’t kasamaan. Ipinag-uutos ng Islam ang mga sumusunod;
1. Ipinag-uutos na maniwala sa ‘Tawheed’ ng Allah (ang Kaisahan ng Allah) at ipinagbabawal ang mag-akibat ng iba pa (Shirk) bukod pa sa Kanya (´alaihi salaam) sa pagsamba. Ang Allah ay nagsabi, Qur’an, Kabanata, An-Nisaa, 4:116;
“Katotohanan! Ang Allah ay hindi nagpapatawad (sa kasalanan) nang pagbibigay ng mga katambal sa pagsamba sa Kanya, datapuwa’t Siya ay nagpapatawad sa ibang mga kasalanan maliban pa rito sa sinumang Kanyang naisin. At sinuman ang magtakda ng anuman (sa pagsamba sa Kanya bukod pa) sa Allah, tunay nga na siya ay napaligaw sa kamalian.”
Ang Propeta ay nagsabi;
“Iwasan ang pitong malalaking kasalanan.” Sila ay nagtanong, ‘O Propeta ng Allah, ano ang mga ito?’, Siya ay sumagot, ‘Ang pagtambal (Shirk) ng iba sa pagsamba sa Allah, ang nagsasagawa ng karunungang itim (Sihr), ang pagpatay sa mga ipinagbabawal ng Allah ng walang pahintulot, ang pagtanggap ng Riba’a patubuan o interes, ang paglustay o pagkamkam sa mga kayamanan ng mga ulila, ang pagtalikod (paglayo mula) sa labanan sa panahon ng digmaan at ang pagparatang sa mga Mananampalatayang babae na malayo sa pagsasagawa ng mga mahahalay na bagay.”
2. Ipinag-uutos ang mabuting pakikitungo sa ibang tao at ipinagbabawal ang paglustay ng kayamanan, tulad ng pagpapatubo, pandaraya, pagnanakaw, pagkamkam ng mga pag-aari ng iba o ng mga bagay na tulad nito. Ang Allah ay nagsabi, Qur’an, Kabanata An-Nisaa, 4:29;
“O kayong Mananampalataya! Huwag kamkamin ang mga ari-arian ng bawa’t isa sa inyo nang labag sa katarungan maliban na ito ay isang kalakalan sa pagitan ninyo, nang may pahintulot sa isa’t isa. At huwag patayin ang inyong mga sarili (o di kaya ay magpatayan sa isa’t isa). Katiyakan, ang Allah ay Maawain sa inyo.
3. hat ng uri ng pang-aapi o paniniil laban sa ibang tao. Ang Allah ay nagsabi, Qur’an, Kabanata An-Nahl, 16:90;
“Katotohanan, ang Allah ay nag-uutos ng Al-Adl (katarungan at pagsamba sa Allah lamang) at Ihsan (pagsasagawa ng inyong mga tungkulin sa Allah nang may kataimtiman at katapatan), nang ganap para sa (kasiyahan) ng Allah at naaayon sa Sunnah ng Sugo ng Allah at magbigay ng tulong sa mga kamag-anak at ipagbawal ng Al Fasha (mga makasalanang gawa tulad ng pangangalunya at iba pang malalaswang pakikipag-ugnayan) at Al Munkar (mga makasalanang gawain ukol sa kawalan ng pananalig sa Allah at Al Baghy (lahat ng uri ng pang-aabuso at pang-aapi). Kayo ay Kanyang binigyan ng babala upang sakali kayo ay magbigay pansin (o pagpapahalaga sa kautusan).”
4. Ipinag-uutos ang pakikipagtulungan sa kabutihan at makatarungang gawain at ipinagbabawal ang pakikipagtulungan sa paggawa ng kasamaan. Ang Allah ay nagsabi, Qur’an, Kabanata Al-Maaidah 5:2;
“Magtulungan kayo sa isa’t isa sa (diwa ng) Birr (gawang kabutihan) at Taqwa (kabanalan, pagmamahal at takot sa Allah). Subali’t huwag kayong magtulungan sa isa’t isa sa (gawaing) makasalanan at (gawang) pagsuway. At magkaroon ng Taqwa (takot) sa Allah. Katotohanan, ang Allah ay mahigpit sa pagpaparusa.”
5. Ipinag-uutos ang pangangalaga ng buhay at ipinagbabawal ang pagpatay at ipinagbabawal din maging ang pakikipagtulungan o pakikipagsabwatan dito maliban kung ito ay makatuwiran. Ang Allah ay nagsabi, Qur’an, Kabanata Al-Maaidah 5:32;
“Sanhi niyaon, ipinag-utos Namin sa Angkan ni Israel na sinuman ang nakapatay ng isang tao na hindi naman nauukol sa ganting kabayaran ng pagkakapaslang at ng paghahasik ng kaguluhan sa kalupaan-ito ay katumbas na rin ng pagpatay niya sa buong sangkatauhan, at sinuman ang nagligtas ng isang buhay, ito ay katumbas ng pagliligtas niya sa buhay ng buong sangkatauhan. At tunay ngang dumating sa kanila ang Aming mga Sugo nang may dalang malinaw na katibayan at palatandaan, (nguni’t) sa kabila niyaon, marami sa kanila ang patuloy na lumalagpas sa hangganan (sa pamamagitan ng mga gawang makasalanan) sa kalupaan.”
Ang Allah ay nagsabi rin, Qur’an, Kabanata An-Nisaa 4:93;
“At sinumang sadyang pumatay ng isang Mananampalataya, ang kanyang kabayaran ay Impiyerno na doon (siya ay) mananahan. At ang Poot at Sumpa ng Allah ay mapapasakanya. At isang matinding parusa ang inihanda para sa kanya.”
6. Ipinag-uutos ang mabait na pakikitungo sa mga magulang at ipinagbabawal ang pagsuway sa kanila. Ang Allah ay nagsabi, Qur’an, Kabanata Al-Israa, 17:23-24;
“At ang iyong Rabb (Panginoon) ay nag-utos na wala kang dapat sambahin maliban sa Kanya. At ikaw ay maging masunurin sa iyong mga magulang. Kung ang isa sa kanila o silang dalawa ay kapwa sumapit na sa katandaan ng iyong buhay, huwag kang mangusap sa kanila ng salitang kawalang-galang at huwag silang sigawan bagkus sila ay inyong tawagin sa (kalugud-lugod na) paraang marangal. At iyong ibaba para sa kanila ang diwa ng pitagan at kababaang-loob sa pamamagitan ng Habag, at magsabi: “O Aking Rabb (Panginoon)! Igawad Ninyo sa kanila ang Inyong Habag sapagka’t sila ang nangalaga sa akin nang ako ay musmos pa.”
7. Ipinag-uutos na pangalagaan ang ugnayang kamag-anakan at ipinagbabawal ang pagputol o pagsira ng ugnayan. Ang Allah ay nagsabi, Qur’an, Kabanata Muhammad, 47:22-23;
“Kaya, kung sakali’t ipagkatiwala sa inyo ang karapatang maging pinuno kayo ba ay maghahasik ng mga kabuktutan sa kalupaan at sirain ang ugnayang pagkamag-anakan? Sila yaong mga isinumpa ng Allah upang sila ay gawing mistulang mga bingi at bulag sa kanilang mga paningin.”
At Ang Propeta Muhammad ay nagsabi tungkol dito;
“Ang sinumang pumutol ng ugnayang pagkakamag-anakan at pagkakapatiran ay hindi makakapasok sa Paraiso.”
8. Ipinag-uutos (at ipinag-aanyaya) ang pag-aasawa. Ang Propeta Muhammad ay nagsabi;
“O mga kabataan (binata), kung sinuman ang may kakayahang mag-asawa, nararapat niyang gawin ito, dahil pinapanatili nito ang kalinisan at nagpapababa sa kanyang paningin (sa mga ipinagbabawal na bagay). At kung sinuman ang walang kakayahang sa pag-aasawa, dapat siyang mag-ayuno, sapagka’t ito ang kanyang pananggalang (sa tukso).”
Mahigpit na ipinagbabawal ang pangangalunya at sodomiya (ugnayang sekswal ng kapwa lalaki) at ang anumang bagay na nag-aakay o nagbibigay ng daan para sa gawaing iyon. Ang Allah ay nagsabi, Qur’an, Kabanata Al-A’raaf, 7:33;
“Sabihin mo (O Muhammad) (Nguni’t) ang mga bagay na sadyang ipinagbabawal ng aking Rabb ay ang Fawahish (lahat ng uri ng kasalanan, kalaswaan at bawal na pakikipagtalik [maging ito man ay ginawang hayag o tago], mga di-makatuwirang pang-aalipusta, at pagtatambal ng iba sa Allah [sa pagsamba]) na hindi naman Niya binigyang karapatan (o kapahintulutan) ito, at ang pagsasabi ng mga bagay tungkol sa Allah na wala naman kayong (ganap na) kaalaman.
9. Ipinag-uutos ang pangangalaga sa mga ari-arian o kayamanan ng mga ulila at ang pag-aasikaso nang mabuti sa kanila, at ipinagbabawal ang pagkamkam o paglustay sa kanilang mga ari-arian nang walang karapatan. Ang Allah ay nagsabi, Qur’an, Kabanata An-Nisaa, 4:10;
“Katotohanan, yaong mga lumalamon (kumakamkam) ng ari-arian ng mga ulila nang di makatarungan, lumamon lamang sila ng apoy sa kanilang mga tiyan. At sila ay susunugin sa naglalagablab na Apoy!”
Ipinagbabawal ang pang-aapi at pagmamalupit sa mga ulila. Ang Allah ay nagsabi, Qur’an, Kabanata Ad-Duhaa, 93:9;
“Kayat huwag mong pakitunguhan ang ulila nang may pang-aapi.”
10. Ipinag-uutos na maging matapat sa pagpapahayag o pagsaksi at ipinagbabawal ang pagsisinungaling maging ang isa lamang sa mga ito. Ang Propeta ay nagsabi;
“Nais ba ninyong malaman ang tatlong pinakamalaking kasalanan? Sinabi nila, ‘Tunay nga o Propeta ng Allah.’ Ang sinabi niya, ‘Ang pagbibigay ng katambal sa pagsamba sa Allah (Shirk), at ang walang galang sa kanyang mga magulang’. Siya ay nakahilig (nang sinasabi niya ang mga ito), nang siya ay umupong matuwid at sinabi niya, ‘…at ang pagsaksi nang walang katotohanan.’ (Ang nag-uulat) ay nagsabi, ‘Siya ay nagpatuloy sa pagsasalita at inulit ang mga ito, hanggang nais na sana namin na siya ay magtigil.”
11. Ipinag-uutos na dapat tuparin ang anumang ipinangako at isinumpang kasunduan at ipinagbabawal ang pagsisinungaling sa kanyang panunumpa (Al-Yameen Al-Ghamoos) ito ay ang sinasadyang pagsisinungaling upang maalis ang karapatan ng iba. Ang Allah ay nagsabi, Qur’an, Kabanata Al-Imraan, 3:77;
“Katotohanan, yaong ipinagbibili (ipinagpapalit) sa maliit na kapakinabangan, ang halaga ng kasunduan sa Allah at ng kanilang mga panunumpa, sila ay walang (makakamtang) bahagi sa Kabilang Buhay. At ang Allah ay hindi mangungusap sa kanila at hindi (rin) titingin sa kanila sa Araw ng Pagkabuhay Muli. At sila ay hindi padadalisayin (mula sa kasalanan), at sa kanila (ay ipalalasap) ang mahapding parusa.
12. Ipinag-uutos sa mga tao na pangalagaan ang kanilang sarili at ipinagbabawal ang pagpapatiwakal, kahit na ito ay tuwiran man o di-tuwiran, tulad ng paglulong sa mga bawal na gamot, sigarilyo at mga iba pang makabagong gamot na napatunayang ito ay nagdudulot ng mapaminsalang karamdaman. Ang Allah ay nagsabi, Qur’an, Kabanata An-Nisaa, 4:29-30;
… At huwag patayin ang inyong mga sarili (o di kaya ay magpatayan sa isa’t isa). Katiyakan, ang Allah ay Maawain sa inyo. At sinuman ang nagkasala sa pamamagitan ng paglabag (sa mga batas ng Allah) at kawalang-katarungan, sila ay Aming itatapon sa Apoy. At ito ay sadyang madali para sa Allah.
13. Ipinag-uutos ang pagsasalita ng katotohanan, pagiging matapat, mapagkakatiwalaan, at ang pagtupad ng pangako. Ipinagbabawal ang pagsisinungaling, pandaraya at ang panlilinlang. Ang Allah ay nagsabi, Qur’an, Kabanata Al-Anfaal, 8:27;
“O kayong mga Mananampalataya (mga Muslim)! Huwag ninyong pagtaksilan ang Allah at ang Kanyang Sugo, o huwag sadyaing magtalu-sira sa inyong mga Amanat (ang pagtitiwalang ipinagkaloob sa inyo tungkol sa mga bagay at sa lahat ng tungkulin na ipinag-utos ng Allah na tuparin.)”
14. Ipinag-uutos ang pagmamahalan at pagkakaisa at ipinagbabawal ang paninira sa ugnayan o samahan at lahat ng mga bagay na nag-uudyok ng hidwaan at pagkamuhi, tulad ng pagkakaroon ng sama ng loob, pagkapoot, paninibugho at pagkainggit. Ang Propeta ay nagsabi;
“Huwag mamuhi sa isa’t-isa, huwag mainggit o magkaroon ng panibugho sa isa’t-isa at huwag magtakwil o lumayo sa isa’t-isa, manapay maging tunay na alipin ng Allah bilang magkakapatid. Hindi nararapat na putulin ang ugnayan ng mga magkakapatid nang higit sa tatlong araw.” (Iniulat ni Imam Bukhari)
15. Ipinag-uutos ang pagbibigayan at ipinagbabawal ang pagiging sakim at maramot. Ang Propeta Muhammad ay nagsabi;
“May dalawang ugali na kinalulugdan ng Allah; ang mabuting pag-uugali at ang mapagbigay, at may dalawang ugali na kinamumuhian ng Allah; ang masamang pag-uugali at ang mga mararamot. Kung nais ng Allah na bigyan ng kabutihan ang isang tao, ginagawa siya bilang daan upang makatulong sa mga pangangailangan ng ibang tao.” (Iniulat ni Abu Nu’aim Al-‘Iraaqi)
16. Ipinag-uutos ang pagtitipid at ipinagbabawal ang pagiging maaksaya at mapaglustay ng salapi sa walang kabuluhang paggugol. Ang Allah ay nagsabi, Qur’an, Kabanata Al-Israa, 17:26-27;
“At iyong ipagkaloob sa kamag-anak ang kanilang (kaukulang) karapatan at sa mga Miskin (mga mahihirap na nagpapalimos) at sa mga (kinapos ng panustos na) naglalakbay. At huwag ninyong gugulin (ang inyong kayamanan) nang walang kabuluhan. Katotohanan, ang mapaglustay (nang walang kabuluhan) ay mga kapatid ng mga demonyo at ang demonyo (Satanas) ay lagi nang walang pasasalamat sa kanyang Rabb (Panginoon).”
17. Ipinag-uutos ang pagiging mahinahon at hindi nagkukulang at hindi rin naman nagmamalabis sa Relihiyon (Deen). Ang Allah ay nagsabi, Qur’an, Kabanata Al-Baqarah, 2:185;
“… Ang Allah ay naglalayon na gawing magaan ito para sa inyo at hindi Niya ninanais na gawing mahirap ang mga bagay para sa inyo. (Nais lamang Niya) na isakatuparan sa ganap na kaayusan ang mga itinakdang araw ng pag-aayuno at Siya ay inyong luwalhatiin nang dahil sa patnubay na ipinagkaloob sa inyo upang kayo ay (matutong) magpasalamat sa Kanya.”
At Ang Propeta ay nagsabi:
“Mag-ingat at iwasan ang pagiging mahigpit o mapagmalabis sa Relihiyon, tunay ang isang bagay na nakasira sa mga nauna sa inyo ay ang pagiging mapagmalabis sa Relihiyon.” (Iniulat sa Saheeh ibn Hibban)
18. Ipinag-uutos ang kababaang-loob at ipinagbabawal ang pagmamataas at pagyayabang. Ang Allah ay nagsabi, Qur’an, Kabanata Luqmaan, 31:19;
“At maging mahinahon (huwag magpakita ng kagaspangan) sa inyong paglalakad, ibaba ang inyong mga tinig. Katotohanan, ang pinakamagaspang sa lahat ng tinig ay ang atungal ng isang asno.”
Ang Propeta Muhammad ay nagsabi tungkol sa pagmamataas;
“Sinumang may pagmamalaki sa kanyang puso na kahit kasinlaki ng buto ng mustasa ay hindi makakapasok sa Paraiso.” Ang isang tao ay nagtanong, ‘O Propeta ng Allah, ang mga tao ay nagnanais magsuot ng mga magagandang kasuotan at mga sandalyas.’ Ang Propeta ay nagsabi, ‘Tunay na ang Allah ay Maganda at minamahal Niya ang magaganda. Ang pagmamataas ay yaong hindi tumatanggap ng katotohanan at ang kanyang pagtingin sa kapwa ay mababa.” (Iniulat ni Imam Muslim)
Ang Propeta Muhammad ay nag-ulat tungkol sa mga taong mapagmalaki sa sarili;
“Sinuman ang kumakaladkad ng kanyang damit sa lupa nang may pagmamalaki, hindi siya titingnan ng Allah sa Araw ng Pagbabangong Muli.” (Iniulat ni Imam Bukhari)
19. Ipinag-uutos sa mga tao na magdamayan sa kapwa at hindi dapat ikatuwa ang kalungkutan ng iba. Ang Propeta Muhammad ay nagsabi;
“Huwag maging masaya sa dinaranas na pighati ng iyong kapatid, maaaring magpakita ng habag ang Allah sa kanya at bigyan kayo ng pagsubok.” (Iniulat ni Tirmidhi)
20. Ipinagbabawal sa mga Muslim ang manghimasok sa buhay ng iba kung wala silang kinalaman o kaugnayan tungkol dito. Ang Propeta ay nagsabi;
“Tunay na isang magandang pag-uugali ng isang Muslim ay ang hindi niya panghihimasok o pakikialam sa ibang wala siyang kaugnayan (o kinalaman).” (Iniulat ni Imam Tirmidhi)
21. Ipinag-uutos ang paggalang sa mga tao at ipinagbabawal ang pang-aalilipusta o panlalait. Ang Allah ay nagsabi, Qur’an, Kabanata Al-Hujuraat, 49:11;
“O, kayong Mananampalataya (mga Muslim)! Huwag na ang isang pangkat sa inyo ay alipustain ang isa pang pangkat, maaaring ang huli ay higit na mabuti kaysa sa una. Maging (ang ilan) sa kababaihan ay huwag alipustain ang ibang kababaihan, maaaring ang huli ay higit na mabuti kaysa sa una. Huwag apihin ang isa sa inyo o di kaya’y hamakin (laitin) ang isa sa pamamagitan ng pagtawag ng masakit na palayaw (o taguri). Sadyang napakasamang hamakin (laitin) ang isang kapatid pagkaraang ito ay nagkaroon ng pananampalataya (sa Allah). At sinuman ang hindi nagsisisi, magkagayon, sila yaong (itinuturing na mga) Dhaleem (mapaggawa ng kamalian).”
22. Ipinag-uutos ang pangangalaga nang may paninibugho sa kanilang ‘maharims’ at ipinagbabawal ang pakikipagtalik sa hindi asawa. Ang Propeta ay nagsabi;
“May tatlong uri ng tao na hindi makakapasok sa Paraiso; ang isang walang paggalang sa kanyang magulang, ang isang taong hinahayaan ang kanyang asawa (sa gawaing) bawal na pakikipagtalik at ang mga babaing tinutularan ang mga lalaki.” (Mustadrak Al-Haakim)
23. Ipinagbabawal ang mga tumutulad sa magkabilang kasarian, sinabi ni Ibn ‘Abbaas (radia-llahu ´anhu);
“Ang Propeta ng Allah ay isinusumpa ang mga lalaking tinutularan ang mga babae at gayon din ang mga babaing tinutularan ang mga lalaki.” (Iniulat ni Imam Bukhari)
24. Ipinag-uutos sa mga tao ang pagpupunyagi sa paggawa ng mabuti sa kapwa, datapwa’t ipinagbabawal ang panunumbat sa kanilang ginawang kabutihan. Ang Propeta Muhammad ay nagsabi;
“Kayo ay binabalaan at iwasan ang panunumbat sa mga ginawa ninyong kabutihan sa kanila, sa katunayan ito ay nagiging sanhi ng kawalan ng pasasalamat (sa ginawan ng buti) at pinapawi nito ang gantimpala (na dapat ay tatanggapin niya nang dahil sa ginawa niyang kabutihan).”
Pagkaraan Ang Propeta ay bumigkas ng Salita ng Allah ; (Qur’an, Kabanata Al-Baqarah, 2:264)
“O kayong Mananampalataya (Muslim)! Huwag tulutang mawalang saysay ang inyong Sadaqah (kawanggawa) sa pamamagitan ng pagpapaalala ng iyong kabaitan o (pagyayabang) upang saktan (o sumbatan) ang pinagbigyan, katulad ng taong gumugugol ng kanyang yaman upang makita lamang ng ibang tao at hindi naman naniniwala sa Allah at sa Huling Araw.”
25. Ipinag-uutos na huwag mag-isip ng masama sa kapwa at ipinagbabawal ang panunubok at ang paninira sa talikuran. Ang Allah ay nagsabi, Qur’an, Kabanata Al-Hujuraat, 49:12;
“O, kayong Mananampalataya (mga Muslim)! Iwasan ang labis na hinala sapagka’t ang ibang panghihinala ay kasalanan. At huwag maniktik, o manirang puri sa isa’t isa. Nais ba ninyong kainin ang laman ng inyong patay na kapatid ? Inyong kasusuklaman ang gayon (na bagay). At matakot sa Allah. Katotohanan, ang Allah ay (Siyang) Tanging Nagpapatawad at tumatanggap ng pagsisisi, ang Maawain.”
26. Ipinag-uutos na pangalagaan ang dila sa lahat ng masasamang pananalita at dapat niyang gamitin ito sa mabuti para sa kanyang kabutihan o sa panlipunan, tulad ng pag-alaala sa Allah at ang pagpayo sa muling pagkakasundo ng mga tao. Gayon din, ipinagbabawal gamitin ang dila sa kasamaan. Ang Propeta ay nagsabi;
“Ang mga tao ba ay itinatapon sa Impiyerno ng una ang mukha at ilong dahil lamang sa natatamo at inaani ng kanilang dila?” (Iniulat ni Tirmidhi)
27. Ipinag-uutos ang pakikitungo nang mabuti sa mga kapitbahay at ipinagbabawal ang pananakit sa kanila. Ang Propeta ay nagsabi;
“Isinusumpa ko sa Allah, siya ay hindi tunay na Mananampalataya! Isinusumpa ko sa Allah, siya ay hindi tunay na Mananampalataya! Isinusumpa ko sa Allah, siya ay hindi tunay na Mananampalataya!’ At may nagtanong, ‘Sino siya o Propeta ng Allah?’ (ang inyong tinutukoy). Siya ay sumagot, ‘Siya na hindi ligtas ang kanyang kapitbahay mula sa kanyang kasamaan.”
28. Ipinag-uutos na piliin ang mga mabubuting kasamahan at ipinagbabawal ang mga masasamang kasamahan. Ang Propeta ay nagsabi;
“Ang halimbawa ng isang mabuti at masamang kasamahan ay tulad ng isang taong may dala-dalang pabango at ang isang taong panday. Maaaring ang isang taong may dalang pabango ay magbigay o ikaw ay pagbilhan o kaya naman mayroon kang makukuhang nakalulugod o kasiya-siyang amoy. Datapwa’t sa isang panday maaaring masunog ang kanyang damit o kaya naman masamang amoy ang makukuha mula sa kanya.” (Iniulat ni Imam Al-Muslim)
29. Ipinag-uutos sa mga tao na gumawa ng paraan upang pagkasunduin ang mga taong may hidwaan o hindi nagkakaunawaan at ipinagbabawal ang anumang bagay na magdadala ng poot o galit. Ang Allah ay nagsabi, Qur’an, Kabanata An-Nisaa, 4:114;
“Walang (ibinubungang) kabutihan ang kanilang kadalasang mga lihim na usapan, maliban yaong nag-uutos (na magbigay) ng Sadaqah (kawanggawa), o ng gawang matuwid), o ng pagkakasundo ng tao. At sinumang gumawa nito na may layon ng kasiyahan ng Allah, siya ay Aming bibigyan ng malaking gantimpala.”
30. Ipinag-uutos sa mga tao na maging matapat sa bawa’t isa (sa pagbibigay ng mabuting payo) at ipinagbabawal ang pagkakait ng payo sa mga nagangailangan. Ang Propeta ay nagsabi;
“‘Ang Deen (Relihiyon) ay katapatan.’ Kami ay nagtanong, ‘Kanino ba, O Propeta ng Allah?’ Siya ay sumagot, ‘Sa Allah, sa Kanyang Aklat, sa Kanyang Propeta at sa mga pinuno ng pamayanang Muslim at sa kanilang mga mamamayan.'” (Iniulat ni Imam Muslim)
31. Ipinag-uutos sa mga tao ang tumulong sa mga suliranin ng mga Muslim na sila ay nararapat bigyan ng magaang palugit (sa pagbayad ng kanilang utang), at ikubli ang kanilang mga pagkakamali. Ang Propeta ay nagsabi;
“Sinumang nagpaginhawa sa suliranin ng isang Mananampalataya, pagiginhawahin siya ng Allah sa Araw ng Paghuhukom. Sinuman ang nagpagaan ng anumang bagay sa kahirapan ng isang Muslim (tulad ng pagbayad ng utang ng isang tao), pagagaanin ng Allah sa kanya ang buhay dito at sa kabilang Buhay. At sinumang nagtago sa kasalanan ng isang Muslim, ikukubli din ng Allah ang kanyang mga kasalanan dito sa buhay sa Mundo at sa Kabilang Buhay. Tutulungan ng Allah ang Kanyang alipin habang siya ay tumutulong sa kanilang mga kapatid.” (Iniulat ni Imam Muslim)
32. Ipinag-uutos sa mga Muslim na kailangang magkaroon ng pagpaparaya at tibay ng loob sa panahon ng kahirapan at ipinagbabawal ang pangangamba at ligalig. Ang Allah ay nagsabi, Qur’an, Kabanata Al-Baqarah, 2:155-157;
At katiyakan, kayo ay Aming susubukan tungkol sa mga bagay na inyong pinangangambahan, gutom, kawalan ng yaman, buhay at ani, subali’t magbigay ng magandang balita sa Sabirun (mga taong matiisin at mapagtimpi sa gitna ng kapighatian). Sila yaong kung nakaranas ng kapighatian ay nagsasabing: “Kami ay sa Allah nagmula at sa Kanya kami ay magbabalik.” Sila yaong ginawaran ng Salawat (pagpapala at kapatawaran) ng kanilang Rabb at ng Kanyang Awa at sila yaong napatnubayan.
33. Ipinag-uutos ang pagpapatawad at pagiging mapagpaumanhin at ang pag-iwas sa isang taong mapaggawa ng kasamaan sa kanya at ipinagbabawal ang paghihiganti at pagpaparusa. Ang Allah ay nagsabi, Qur’an, Kabanata Al-Imraan, 3:133-134;
“At humayo (sa landas na maghahatid sa inyo) sa kapatawaran mula sa inyong Rabb, at para sa Jannah (Paraiso) na kasing-lawak ng mga kalangitan at ng kalupaan, na inilaan sa Muttaqun. Yaong mga gumugugol mula sa kanilang yaman sa (panahon ng) kasaganaan at kahirapan, (silang) nagpipigil ng kanilang galit, at nagpapatawad sa tao; tunay na minamahal ng Allah ang mga Muhsin (mga taong mapaggawa ng kabutihan).”
34. Ipinag-uutos na maging maawain at ipinagbabawal ang pagiging malupit at walang pagmamalasakit. Ang Propeta ay nagsabi;
“Ang Allah ay nagpapakita ng habag sa mga mahahabagin. Maging mahabagin dito sa mundo at ang Allah ay magiging mahabagin sa inyo.” (Iniulat ni Tirmidhi)
35. Ipinag-uutos na maging mabait at malugod sa bawa’t isa at ipinagbabawal ang kalupitan at ang pagiging mahigpit. Ang Propeta ay nagsabi;
“Walang anumang ginawang kabaitan maliban na ito ay (nagdudulot o) nagbibigay ng ganda at walang anumang bagay na salat sa kabaitan maliban na ito ay may kakulangan.” (Iniulat ni Imam Muslim)
36. Ipinag-uutos ang pagsukli ng kabutihan sa kasamaan at ipinagbabawal ang pagganti ng masama sa kasamaan. Ang Allah ay nagsabi, Qur’an, Kabanata Fussilat, 41:34;
“Ang mabuting gawa at masamang gawa ay hindi magkatulad. Iwaksi (ang kasamaan) (sa pamamagitan) ng gawang higit na nakabubuti (ipinag-utos ng Allah sa mga tapat na Mananampalataya na maging matiisin at maging mapagparaya sa mga taong nanakit sa kanila) samakatuwid, katotohanan, siya at kayo na dating magkagalit ay (magiging) tila isang matalik na kaibigan.”
37. Ipinag-uutos na ipalaganap ang karunungan o kaalaman at ipinagbabawal ang pagkakait o pagtatago nito. Ang Propeta ay nagsabi;
“Sinuman ang pinagtanungan ng tungkol sa karunungan at ito ay kanyang ipinagkait, sa Araw ng Pagkabuhay-Muli siya ay ilalagay sa gitna ng Impiyerno.” (Iniulat ni Haakim)
38. Ipinag-uutos sa mga Muslim na magpalaganap ng kagandahang-asal at katarungan, at ipagbawal ang mga bisyo at masasamang pag-uugali, nang naaayon sa kanyang kakayahan at antas ng katungkulan. Ang Propeta ay nagsabi;
“Sinuman sa inyo ang nakakita ng masamang pag-uugali, dapat niyang baguhin ito sa pamamagitan ng kanyang kamay, kung wala siyang kakayahang gawin ito, dapat niyang baguhin ito sa pamamagitan ng kanyang dila, at kung ito ay hindi pa rin niya magawa, dapat niyang kamuhian ito sa kanyang puso, at ito ang pinakamababang antas ng pananampalataya.” (Iniulat ni Muslim)

Ang Pamamaraan ng Pagyakap sa Relihiyong Islam

Ang pagyakap sa Relihiyong Islam para maging isang Muslim ay walang itinakdang rituwal o seremonya na kinakailangang tuparin ng isang tao at wala ring takdang pook o ng mga partikular na tao na dapat kaharapin. Ito ay sa dahilang ang Islam ay tuwirang ugnayan ng tao at ng kanyang Tagapaglikha (ang Allah, U) na walang mga tagapamagitan.
At hindi rin kinakailangan ang labis na seremonya sa pagyakap sa Islam, kinakailangan lamang na magsabi ng ilang kataga na napakadaling bigkasin ng dila subali’t ito ay mayroong mahalagang kahulugan at pananagutan.
Kung ang isang tao ay nagpasiya na maging isang Muslim, nararapat niyang bigkasin lamang ang sumusunod na ilang kataga na tinatawag na “Shahaadatain”
“Ash-hadu an laa ilaaha ill-Allah, wa ashhadu anna Muhammadan ‘Abdullahu’ wa rasooluh.
Ang kahulugan ay:
“Ako ay sumasaksi na walang ibang Tunay na diyos maliban sa Allah at ako ay sumasaksi na si Muhammad ay Kanyang alipin at Sugo.”
Ang pahayag na ito ay siyang susi sa pagpasok sa Islam. Sinuman ang nagpahayag nito, siya ay tumatalikod na sa mga ibat-ibang relihiyon maliban sa Islam at maging sa lahat ng mga paniniwala na taliwas dito (sa Islam). Sa pamamagitan ng pagpahayag ng ‘Shahaadatain’, siya ay may karapatan na tulad ng mga karapatang tinatamasa ng mga ibang Muslim. Ang kanyang yaman, dangal at dugo ay naging sagrado maliban sa mga bagay na itinakda ng Islam.
Katotohanan, na ang isang tao ay itinuturing na Muslim sa panlabas niyang mga gawain, nguni’t tanging ang Allah ang ganap na Nakababatid kung ano ang katotohanang nasa kaibuturan ng kanyang puso. Kaya,

Ang Kahulugan ng Tawheed

Ang Tawheed ay nanggaling sa salitang Arabic na” wahhada” na ang ibig sabihin ay panatiliing nag-iisa, pag-isahin o gawing isa. Ngunit kapag ang terminong Tawheed ay ginamit patungkol sa Allah (Tawheedullah, Kaisahan ng Allah), ayon sa Islamikong paniniwala, ang ibig sabihin nito ay ang pagpapanatili ng kaisahan nang Allah sa lahat ng gawain ng mga tao; direkta man o hindi direktang umuugnay sa Allah. Ito ay ang paniniwala na ang Allah ay isa, walang katambal sa Kanyang Kapangyarihan at sa Kanyang Gawain (Ruboobeeyah), nag-iisa at walang katulad sa Kanyang Esensiya, Pangalan at Katangian (Asma was-Sifaat) at ang nag-iisa at walang karibal sa Kanyang Dibinidad at sa Pagsamba (Ulooheeyah/ Ebaaadah).

Ang Kahalagahan ng Pagkakaunawa sa Tawheed (Islamikong Monoteismo

Ang Islam ay may limang haligi, ang Tawheed bilang unang haligi ng Islam (ang ibang 4 ay ang: Salah, Zakah, Pag-aayuno sa Buwan ng Ramadan at Hajj). Ito ang haliging mag-aalis sa inyo sa kadiliman patungo sa kaliwanagan, sa pagiging hindi mananampalataya patungo sa pagiging isang naniniwala. Hindi ka magiging tunay na Muslim kung hindi mo tuwirang nauunawaan at naipapamuhay ang haliging ito ng tama. Bilang halimbawa, kung ang isang hindi-Muslim ay nagsagawa ng Salah (ng isang Muslim), o Nag-ayuno ng buwan ng Ramadan o dili naman kaya ay nagsagawa ng Hajj; alinman dito ay hindi niya mapapakinabangan, dahil mali naman ang kanyang paniniwala. Ganundin naman, kung hindi tama ang paniniwala ng isang Muslim (ipinamuhay ang Tawheed ng tama), ang kanyang Salah, Sawm o Hajj ay wala ring halaga. Dito ay makikita natin ang kahalagahan kung bakit kinakailangang nauunawaan natin ang mga prinsipyong ito ng paniniwala. Maaari ninyong matagpuan ang salitang Tawheed sa pagkakasulat na Tauheed sa ilang mga aklat

Mga Kondisyon ng Shahadah (Testimonya ng Pananampalataya

Ang Shahadah ay mayroong mga kondisyon na dapat ay maipatupad at maipamuhay upang siya ay maging kalugod-lugod at kasiya-siya sa Allaah sa Araw ng Paghuhukom. Ang mga ito ay:

1. Kaalaman, na sa kabuuan ay ang pagkakilala sa Allaah bilang natatanging tunay na Diyos, kung kanino ang lahat ng uri ng pagsamba ay dapat na igawad at ilaan, at ang pagtanggi at pagtatwa sa mga diyus-diyosan na sinasamba bilang katambal ng Allaah. Na ang mga diyus-diyosang ito, sa katotohanan ay walang anumang magagawang kabutihan o kasamaan.

2. Katiyakan, na ang paniniwala sa Allaah ay walang bahid ng anumang pag-aalinlangan o pagdududa.

3. Pagtanggap, ito ay ang pagtanggap sa lahat ng mga kondisyon ng Shahadah.

4. Pagsuko at Pagpapasakop -ay ang pagsasagawa ng mga kondisyon ng may pagpapasakop at pagsuko sa Allah sa pisikal o espiritual na aspeto ng isang tao. Ito ay ang pagiging kontento na ang Allaah ang kanyang Rabb (Tanging Panginoon), si Mohammad (s.a.w.) ang Kanyang Huling Sugo at Mensahero.

5. Pagiging Makatotohanan, Ito ay ang pagiging makatotohanan sa pagtestigo ng Shahadah at sa pagsunod sa mga Sunnah ng Propeta Muhammad (s.a.w.) Ito ay ang pagiging makatotohanan ng isang tao sa lahat ng kanyang kilos o galaw na walang bahid ng anumang pagbabalatkayo.

6. Katapatan at Kawagasan, ito ay ang pagiging tapat at wagas sa pagsamba sa Allaah, na ang lahat ng uri ng pagsamba ay tapat na para lamang sa Kanya.

7. Pag-ibig at Pagmamahal – ito ay ang pagmamahal sa Shahadah, sa kahulugan at sa mga batas na ipinag-uutos nito, ang pagmamahal ng labis sa Allah at sa Kanyang Sugor. Mamahalin ang mga bagay na kalugod-lugod at kaibig-ibig sa paningin ng Allah [Lugar: Makkah, Madinah, mga Mosque; Panahon: Ramadhan, unang 10 araw ng Dhul-Hijjah atbp.; mga nilikha: mga propeta, sugo, anghel, matatapat at matutuwid na tao, atbp.; uri ng pagsamba: Salah, pagbibigay ng Zakah, pag-aayuno at pagsasagawa ng Hajj.; salita: pagbigkas ng Dhikr (panalangin) at pagbasa ng Qur’an.].

At panghuli, dapat na ilagay ng bawat isa sa kani-kanilang mga kaisipan na ang Allaah ay kinakailangang masunod sa pamamagitan ng pagsunod at pagsasabuhay ng Kanyang mga ipinag-uutos at pag-iwas sa mga bagay na Kanyang ipinagbabawal. Ang pagiging masunurin sa Allaah ay kinakailangang may kaakibat na pagmamahal sa Kanya, pagkatakot sa Kanyang kaparusahan at pag-asam sa Kanyang gantimpala at kapatawaran at ang pananatili sa mga katuruan ng Kanyang Propeta Muhammad (s.a.w.) na siyang pinakahuling sugo nang Allaah at ang pagsasabuhay ng Kanyang Shari’ah (mga batas at mga gawaing may kinalaman sa relihiyon), na nagpapawalang-bisa sa mga naunang batas, gawain at katuruan

PAKIKITUNGO SAMGA KAMAG-ANAK, KAPIT-BAHAY, KAIBIGAN

Ang isang mabuting Muslimah ay nararapat niyang pakitunguhan ng maayos ang kanyang mga kamag-anak, ayon sa aral ng Islam, ang isang Muslim(babae o lalaki) ay nararapat na makibahagi sa mga pangangailangan ng mga kamag-anak sa pamamagitan ng pagbibigay ng kahit maliit na tulong sa kanila sa mga panahong kahirapan at kalungkutan. Ito ay batay sa aral na ipinag-utos sa banal na Qur’an:
“O sangkatauhan! Matakot sa inyong Panginoon, na Siyang lumikha sa inyo mula sa iisang tao(Adan) at mula (kay Adan) nilikha Niya ang asawa nito(Eba) at mula sa kanilang dalawa, ay nilikha Niya ang maraming kalalakihan at kababaihan. (Kaya) matakot sa Allah, na sa Kanya kayo humingi (ng inyong karapatan) at (huwag niyong putulin ang ugnayan ng mga sinapupunan (pagkakamag-anakan) (sapagkat) katiyakang ang Allah ay lagi nang ganap na nagmamasid sa inyo (lahat).” [Qur’an 4:1]

Naraapat din sa isang Muslimah na pakisamahan niya ng maayos ang kanyang kapitbahay. Batay sa banal na Qur’an:
“Sambahin ang Allah, at huwag magbigay katambal ng sinuman sa Kanya at gumawa ng mabuti sa inyong mga magulang, kamag-anakan, mga ulila, mga dukha, mga kapitbahay na kamag-anak, mga kapitbahay na dayuhan,(ang inyong mga kasama na katabi), ang mga naglalakbay (na inyong makasalubong) at sinumang nasa ilalim ng inyong kapangyarihan. Katotohan hindi minamahal ng Allah ang mapagmataas, ang mapagyabang.” [Qur’an 4:36]

Ang kapitbahay na kamag-anak na muslim ay may lalong karapatan sa iyo, ang karapatang kamag-anakan, kapitbahay at bilang Muslim. Ang kapit-bahay naman na Muslim ay may dalawang karapatan, ang karapatan bilang kapit-bahay at bilang Muslim. Ang kapitbahay naman na di-Muslim ay may isang karapatan, ang karapatan bilang kapitbahay.

Ang isang Muslimah ay nararapat din na maging mabuti sa kanyang mga kaibigan, at siya ay dapat mapagkakatiwalaan . Ang pagkakaroon ng tiwala sa isa’t-isa ay nagpapatibay ng samahan. Ayon sa Propeta Muhammad(s.a.w.) ay nagsabi: “ang pinakamabuting kaibigan at ang pinakamabuting kapitbahay ay ang pinakamabuti sa kanila”

Ang isang Muslimah ay nararapat din niyang pakitunguhan ng mabuti ang mga dukha at mahihirap. Isipin sana ng isang Muslimah na kasiya-siya ang pakiramdam ng isang taong tumutulong sa kahirapan ng kanyang kapwa. Ayon sa banal na Qur’an:
“at sila sa kanilang yaman ay mayroong nakalaan, sa mga pulubi na humihingi at sa mga sawimpalad na nawalan ng ari-arian at kayamanan” [Qur’an 70:24-25]

Ipinag-uutos ng Islam sa mga mananampalataya na makibahagi sa dalamhati at pagsubok ng mga kapatid sa Islam sa buong daigdig at inutusan silang makipagtulungan sa abot ng kanilang kakayahan. Ang pakikipagtulungan sa kapwa Muslim ay hindi lamang sa isang partikular na lugar bagkus ito ay sa pandaigdigan at hindi ito batay sa lugar o layo na namamagitan sa kanila. Ang Sugo ng Allah (s.a.w) ayon sa isang pinagtibay na Hadith ay nagsalaysay ng ganito: “Ang mananampalataya sa kapwa niya manananampalataya ay katulad ng haligi ng isang gusali. Ang haligi ay nagpapatibay at nagtutuwid sa isa’t-isa.Pagkaraan niyang isinalaysay ito, kanyang ipinagdikit ang kanyang mga daliri sa kanyang dalawang kamay”.

Karagdagan pa nito, isang napakagandang aral ang ating matututunan sa isang salaysay na ayon sa Sugo ng Allah (s.a.w.):
“Iwasan ang hinala. Ang paghihinala ang siyang pinakamalaking kasinungalingan. Huwag ninyong siyasatin ang mga masamang balita, mga pagkukulang at kapintasan ng inyong kapatid. Huwag maniktik sa inyong mga kapatid.Huwag makipagpaligsahan (ng may masamang pag-iisip at layunin) laban sa iyong kapatid. Huwag kamuhian ang iyong kapatid. Huwag kang lumayo mula sa iyong kapatid (sa oras ng kanyang pangangailangan at pakikiramay). O mga alipin ng Allah, maging mabuting magkakapatid kayo sa isa’t-isa katulad ng kautusang ipinag-aanyaya sa inyo.Ang Muslim ay nararapat na maging makatarungan sa kanyang kapatid na Muslim.Hindi niya ito hinahamak at inaalipusta. Hindi niya ito dapat ilagay sa anumang kapahamakan o panganib. Lahat ng bagay na pag-aari ng isang Muslim ay ipinagbabawal na gamitin ng kapwa Muslim (na walang pahintulot) o abusuhin ito (nang walang karapatan). Ang kabutihan (at maging ang kabanalan) ay naririto— itinuro niya ang kanyang dibdib(ang puso). Sapat na kasamaan ang ilagay ang isang kapatid na Muslim sa kapahamakan. Katotohanan, hindi tinitingnan ng Allah ang inyong katawan, anyo at ayos kundi Kanyang tinitignan ang inyong puso, ugali at kilos.”

Isa pang patnubay ang ipinagkaloob ng Sugo ng Allah(s.a.w.) nang ipahayag niya na:
“hindi maaaring maging tunay na mananampalataya ang isa sa inyo hanggang naisin niya para sa kanyang kapatid ang nais para sa kanyang sarili.”

Sadyang napakaganda ang relihiyong Islam. Ito ay nag-uutos na tayo ay dapat lamang sumamba sa Nag-iisang Diyos, ang Allah, na Siyang lumikha sa tao at sa lahat ng bagay. Ito ang haligi ng ganap na kabutihan.

Sa pagtatapos, Nawa’y gabayan ng Allah ang lahat ng Muslim sa paggawa ng kabutihan. Idinadalangin ko sa Allah na nawa’y linisin Niya ang puso at kaluluwa ng mga taong tunay na naghahanap ng katotohanan, at nawa’y pagpalain Niya ang pamayanan ng mga sumasampalataya sa Kanya. At Nawa’y panatilihin niya ang lahat ng Muslim sa kalagayang nananampalataya sa kanya magpakailanman. AMEEN

 

PAKIKITUNGO SA ANAK

– Ang isang Muslimah bilang isang ina ay nararapat na may sapat na pagtitiis, pagtitiyaga, pagtitimpi, pag-iintindi sa kanyang pakikitungo sa kanyang mga anak. Ang pagiging isang ina ay tunay na mayroon siyang napakalaking responsibilidad, dahil nakasalalay sa kanya ang pagpapalaki sa kanyang mga anak. Ang isa sa pinaka-imporatanteng dapat na ituro ng ina sa kanyang mga anak ay ang pagkakaroon ng pananampalataya sa Allah at pagkatakot sa Allah, at pagkatapos ay ang pagtuturo ng mga mabubuting pag-uugali. Ang dalawang bagay na ito ang siyang magiging daan sa kanyang mga anak upang magtagumpay dito sa mundo at sa kabilang buhay. Ayon sa banal na Qur’an:
“sinuman ang gumawa ng kabutihan, maging lalaki man o babae, habang siya ay isang sumasmpalataya (sa kaisahan ni Allah), katotohanan sa kanya ay igagawad Namin ang isang mabuting buhay (sa mundong ito), at katiyakan na Aming babayaran sila ng gantimpala ng ayon sa pinakamainam sa kanilang gawa (ang Paraiso sa kabilang buhay).” [Qur’an 16:97]

Kaya’t nararapat sa isang ina na hubugin niya ang kanyang mga anak sa kabutihan, at mas mainam na turuan niya ang kanyang mga anak habang sila ay bata pa, upang lumaki silang mabuting anak. Ituro sa kanila ang mga katuruan ng Islam, dahil ito ang magiging sandata at gabay nila sa pang araw-araw ng kanilang pamumuhay. Ang isang ina ay nararapat din na pakitunguhan niya ng mabuti at pantay ang lahat ng kanyang mga anak. Nawa’y maging mabuti tayong ina sa ating mga anak at maipamana ang kaalaman ng Islam. Nawa’y maging gabay nila ang Islam sa kanilang pamumuhay at suklian nila ng kabutihan ang pagpapalaki sa kanila ng kanilang magulang

PAKIKITUNGO SA ASAWA

Ang isang Muslimah ay dapat pakitunguhan niya ang kanyang asawa ng may pagpapakumbaba at maging masunurin sa mga ipinag-uutos nito, ibigay ang mga karapatan nito. Ang isang mabuting asawa ay nakakapagdulot ng magandang pag-sasama sa loob ng bahay. Ang pagmamahal alang-alang sa Allah ay ang pagmamahal na matibay. Ang mag-asawa ay dapat na magmahalan at magkaroon ng malasakit sa isa’t-isa. Kung hindi ito maibibigay ng mag-asawa sa isa’t-isa, maaaring ito ang maging sanhi ng pagkawasak ng kanilang ugnayan bilang mag-asawa. Nawa’y pangalagaan tayo ng Allah mula sa ganitong kalagayan. Ang isang tunay na Muslimah ay nararapat na handa niyang pagsilbihan ang kanyang asawa. Kapag ang isang Muslimah ay sumusunod sa mga pinag-uutos ng Allah at umiiwas sa mga pinagbabawal ng Allah at pagkatapos ay pinakitunguhan niya ng mabuti ang kanyang asawa, at masunurin sa kanya, siya ay makakapasok sa Paraiso. Ayon sa Propeta Muhammad(s.a.w.) ay nagsabi: “Kapag ang ginang ay tumutupad sa mga limang takdang pagdarasal, nag-aayuno tuwing Ramadhan, pinapanatili ang kapurihan at sumusunod sa kanyang asawa, siya ay makakapasok sa alinmang pintuan ng Paraiso na kanyang naisin.”

PAKIKITUNGO SA MAGULANG

Ang isang Muslimah ay nararapat lamang na pakitunguhan niya ng mabuti at may pagpapakumbaba ang kaniyang mga magulang. Ang ating magulang ang naghirap, nagtiyaga, nagsakripisiyo at nagtiis sa pagpapalaki sa atin, kaya nararapat lamang silang pasalamatan. Ang mga magulang ay nagkakaroon ng kasiyahan at kapanatagan ng loob kung ang kanyang anak ay nagtataglay ng mabuti at marangal na pamumuhay. Ang pagpapakita ng kabutihan sa kanila ay maituturing ito bilang pasasalamat sa kanila. Ang kasiyahan ng anak ay ang lubos na kasiyahan ng magulang. Ang isang Muslimah ay nararapat din na kausapin niya ng malumanay na may paggalang ang kanyang mga magulang sa panahon ng kanilang pagtanda, at ito ay pinag-uutos ng Allah, ayon sa Qur’an:
“At iyong Panginoon ay nag-utos na huwag kayong sumamba sa iba pa maliban sa Kanya(Allah), at kayo ay maging masunurin sa inyong magulang. Kung ang isa sa kanila o silang dalawa ay sumapit na sa matandang gulang sa (panahon) ng iyong buhay, huwang kang mangusap sa kanila ng isang salita ng kalapatanganan, gayundin ay huwag manigaw sa kanila, datapuwa’t ikaw ay mangusap sa kanila sa paraan na karangal-rangal” [Qur’an 17:23]

Kung pinag-utos ng Allah ang pagsunod sa mga magulang, ang Allah ay nagbabala din na huwag silang sundin kung ang pinag-uutos ng ating magulang ay labag sa kauutusan ng Allah gaya ng masamang Gawain (pagtatambal sa Allah). Ang banal na Qur’an ay nagwika:
“At aming ipinagtagubilin sa tao na maging mabuti at masunurin sa kayang magulang, datapuwa’t kung sila ay magsikhay na ikaw ay (pilitin) na mag-akibat (magtambal) sa Akin (Allah) sa pagsamba, na rito ay wala kang kaalaman, kung gayon, sila ay huwag ninyong sundin…” [Qur’an 29:8]

Ang isang Muslimah na may tunay na pananampalataya ay nararapat na nagtataglay ng mabuting pag-uugali sa kanyang magulang, magkaroon ng malawak na pang-unawa sa pangangailangan ng kanyang magulang, at magkaroon ng pagti-tiyaga at pagtitiis sa pag-aaruga sa katandaan ng kanyang magulang. Dahil tunay na ang mga bagay na ito ay kanila ding ginawa noong tayo ay mga bata pa. isipin din dapat natin na (in sha Allah) darating ang panahon na tayo ay tatanda din at hiling natin na tayo sana ay alagaan ng ating mga anak.

Ang isang payo pa ng Sugo ng Allah (s.a.w.) patungkol sa magulang lalong-lalo sa ang ina: “isang lalaki ang lumapit sa Sugo ng Allah (s.a.w.) at nagtanong. ‘O Sugo ng Allah, sino ba ang karapat-dapat kong pakisamahan sa mga tao?’ ang Sugo ng Allah ay sumagot ‘ang iyong ina’ (ang lalaki ay muling natanong ‘sino ang sumunod na taong karapat-dapat kong pakisamahan?’ ang Sugo ng Allah ay sumagot muli ‘ang iyong ina’, (ang lalaki ay muling nagtanong sa ikatlong pagkakataon), ‘sino ang sumunod?’ ang Sugo ng Allah ay sumagot ‘ang iyong ina’ (at sa ika-apat na pagtatanong) ‘sino ang sumunod?’ ang Sugo ng Allah ay sumagot ‘ang iyong ama’.

Ating mapapansin na ang Sugo ng Allah (s.a.w.) ay nagbigay ng tatlong bahagi sa larangan ng pakikisama at paakikitungo sa isang ina , samantalang binigyan lamang ng isang bahagi ang ama. Ang kaukulang bahaging ito ay ipagkaloob sa ina nang dahil sa hirap at pagdurusang dinanas niya sa pagdadalang-tao, sa oras ng panganganak, at pag-aaruga sa mga anak. Ito ay batay sa pahayag ng banal na Qur’an:
“At aming ipinag-utos sa tao na maging masunurin at mabait sa kanyang mga magulang; sa hirap (at dusa) ang kanyang ina ay nagpasan at sa pighati siya ang nagluwal (nagsilang) sa kanya…” [Qur’an 46:15]

Ang ina ang siyang nagdala ng sanggol sa sinapupunan nito hanggang siyam na buwan. Habang nasa sinapupunan ang anak, ang pagkain ay nagmumula sa ina nito. Tunay na ang ina ay dumanas ng ibayong hirap at pagpapakasakit. At sa pagluwal ng sanggol, ang ina pa rin ang nagdurusa sa pangangalaga, pagpapasuso, at pagpapalaki ng anak. Kaya naman sinabi ng Propeta Muhammad (s.a.w.) na “Ang Paraiso ay nasa paanan ng inyong ina”. Bilang Muslimah , isa sa dahilan ng pagpasok sa Paraiso ay ang pagmamahal sa ating magulang lalo na sa ating ina na nagpakasakit mula sa sinapupunan, kamusmusan hanggang sa ating paglaki. Ganito itinaas ng Relihiyong Islam ang kababaihan bilang isang ina.

PAKIKITUNGO SA ALLAH

Ang Muslimah na may tunay na pananampalataya ay may pagpapakumbaba sa pakikitungo sa Allah, na nagpapatunay na nangangailangan siya sa gabay,awa at tulong ng Allah. Dapat siyang mapagpasalamat sa mga biyayang binibigay ng Allah at mapagtiisan niya ang mga pagsubok ng Allah. Ang isa sa mabuting pakikitungo sa Allah ay ang pagsasagawa ng Salah (pagdarasal). Ang Muslimah ay nagsasagawa ng Salah (pagdarasal) sapagkat ito ang pinakadakila at pinakamabuting Gawain ng tao, at dapat ito ay isagawa sa tamang oras. Ang Propeta Muhammad (s.a.w.) ay nagsabi: “Ang pinakamahal na Gawain para sa Allah ay ang pagsasagawa ng pagdarasal sa tamang oras nito.” Ang pagdarasal ay siyang tuwirang ugnayan ng isang tao bilang alipin ng Dakilang Diyos (Allah).

Ang Salah (pagdarasal) ang pinagmumulan ng lakas, awa, patnubay, katatagan, paggalang at katiwasayan ng kalooban. Ito ang paraan ng paglilinis ng kanyang mga kasalanan at pagpigil sa paggawa ng masama at nagiging daan ng pagpapakumbaba at pagsisisi. Ang may magandang katangian ng isang Muslimah ay yaong palagian siyang nagsisisi bilang paglilinis ng kanyang kaluluwa at siya ay nakikipag ugnayan lamang sa mga matutuwid at mabubuting tao upang mapaunlad niya ang kanyang mabuting pag-uugali. Ang isang Muslimah ay nararapat na magsalita o kumilos ayon sa katuruan ng Islam at ang mga Gawain niya ay alang-alang lamang sa Allah. Ayon sa Propeta Muhammad(s.a.w.) ay nagsabi: “ang sinumang umibig, mapoot, magbigay at magtimpi ng dahil sa Allah, ang kanyang pananampalataya ay ganap.”

Ang Muslimah ay nararapat niyang ibigay ang buong pagtitiwala niya sa Allah, Pagtitiwala na sa lahat ng pagsubok ay may kaginhawaan, pagtitiwala na ang Allah lamang ang makakatulong at makapagbibigay sa lahat ng kanilang mga pangangailangan. At nararapat sa isang Muslimah na panatilihin niya ang kanyang pananampalataya sa Allah magpakailanman at hanggang sa huling yugto ng kanyang buhay.