Anghel Ng Kamatayan Kaibigan Ni Solomon (‘AS)

Isang Kasaysayan tungkol sa kamatayan na kung saan ay walang nakakaalam kung kailan ito darating at saang lupain kukunin ng Anghel ng kamatayn ang kaluluwa ng tao.

Malakal Maut ang tawag sa Anghel ng Kamatayan sa Islam na pinag-uutusan ng Diyos na kukuha ng kaluluwa ng tao. Si malakal Maut ay kaibigan ni Solomon (‘AS), lagi niyang dinadalaw si Solomon (‘AS). Isang araw na dumalaw si Malakal Maut kay Solomon (‘AS) at sa kasalukuyan na mayroong kausap na isang lalaki na bisita ni Solomon (‘AS), pagdating ni Malakal Maut ay tinititigan niya ang lalaking kausap ni Solomon (‘AS) at hindi naglaon ay umalis din agad si Malakal Maut. Nang makaalis na si Malakal Maut ay tinanong ng lalaki si Solomon (‘AS) kung sino ang dumating na iyon na tinititigan siya? Bakit ganon ang pagtitig niya na parang masama ang tingin…? Ngunit sinabi ng lalaki: meron lamang akong kahilingan sa’yo Propeta at sana ay pagbigyan mo ang kahilingang kong ito. Ano ang kahilingan mo? Wika ni Solomon (‘AS). Sinabi ng lalaki: hinihiling ko sa’yo Propeta na kung maaari ay pag-utusan mo ang hangin na dalhin ako sa India! Alam natin na si Solomon (‘AS) ay bukod sa siya ay Propeta ay binigyan pa ng Diyos ng kapangyarihan at mga himala na kung saan ay nakakausap niya ang mga bagay na hindi nakakausap ng sinumang tao sapagkat siya ay naghari dito sa Mundo, kaya pinagbigyan niya ang kahilingan ng lalaki, at sa sandaling iyon ay pinag-utusan niya ang hangin na dalhin ang lalaki doon sa India, walang imposible sa kapahintulutan ng Diyos isang saglit lamang ay nandoon na ang lalaki sa India.

Ilang araw na lumipas ay bumisita naman si Malakal Maut kay Solomon (‘AS) at tinanong siya agad ni Solomon (‘AS): O Malakal Maut! Naalala mo ba noong pagdalaw mo sa akin na mayroon akong kausap na isang lalaki? Sinabi niya sa akin na masama daw ang pagtitig mo sa kanya? Anong dahilan kung bakit mo siya tinititigan ng ganon? Sinabi ni Malakal Maut: nagulat lamang ako at nagtataka sa kanya dahil sa araw na iyon mismo ay pinag-utusan ako ng Diyos na kunin ko ang kaluluwa ng taong iyon ngunit doon ako pinag-utusan na kunin ang kanyang kaluluwa sa India..! (دليل/579-580)

Nakakapagtataka nga dahil pinag-utusan si Malakal Maut na kunin niya ang kaluluwa ng lalaking iyon doon sa India ngunit nakita niya na kausap ni Solomon (‘AS), hindi naman niya maaaring kunin ang kanyang kaluluwa dahil hindi doon ang ipinag-utos sa kanya ng Diyos. Kaya sa araw din na iyon ay pumunta si Malakal Maut sa India at natagpuan niya doon ang lalaki pagkatapos ay kinuha na niya ang kanyang kaluluwa.

Sabi ng Allah (SWT) sa Banal na Qur-ân ayon sa kahulugan ng talatang ito bilang pagpapatunay: {{At walang taong nakakaalam kung ano ang kikitain niya kinabukasan, at walang taong nakakaalam kung saang lupain siya mamamatay. Katotohanang ang Allah ang higit na nakakaalam at nakababatid}} Qur-ân 31:34.

Dalawang Babae Na Nag-aaway

Isang kasaysayan tungkol sa dalawang babae na nag-aaway sa kapanahunan ng mag-amang Propeta na sila David Solomon (‘AS).

Mayroong dalawang babae na naglalakbay at ang bawat isa sa kanila ay may kasamang anak, biglang may dumating na hayop at kinain ng hayop ang isa sa kanilang anak. Hindi matanggap ng bawat isa sa kanila na mawawalan ng anak kaya sinabi ng isa sa kanyang kasama: ang kinain ng hayop ay yong anak mo, at sinagot naman ng isa: subalit ang kinain ng hayop ay yong anak mo hindi ang anak ko, kaya nagtatalo na silang dalawa at pinag-aawayan nila ang natitirang bata hanggang sa dumating sila kay David (‘AS) upang ayusin silang dalawa, pagkatapos nilang maisalaysay ang pangyayari ay pinag-aralan mabuti ni David (‘AS) kung kaninong anak ang bata hanggang sa napagpasyahan niya na ang bata ay anak ng nakakatanda sa dalawang babae, bagaman mas maganda ang paliwanag ng nakakatanda kaysa sa nakakabata kaya ibinigay ito sa kanya, tuwang-tuwa naman ang babaeng ito samantalang ang isa naman ay lubhang nalulungkot at tumatagaktak na ang luha nito sa kaiiyak.

Lumabas na silang dalawa ngunit hindi parin natigil ang kanilang away dahil ang nakakabata ay hinding-hindi niya ibibigay ang kanyang anak hanggang sa dumating pa sila kay Solomon (‘AS) at isinalaysay naman nila ang pangyayari, napansin ni Solomon (‘AS) na wala ng tigil ang kanilang pagtatalo kaya pinag-utusan niya ang kanyang mga kasamahan na bigyan siya ng kutsilyo, agad-agad naman naiabot sa kanya ng kanyang mga kasamahan ang kutsilyo at ng hawak na niya ito ay kinuha niya ang bata na para bagang galit na galit at sinabi niya na tatadtarin ko ang batang ito sa harapan ninyo mismo! Tumahimik nalang ang babaeng nakakatanda samantalang ang nakakabata naman ay ng mapansin niya na seryuso si Solomon (‘AS) sa kanyang gagawin ay biglang sumigaw: Solomon huwag mong gawin, huwag mong patayin ang batang ‘yan, kaawaan ka ng Allah, ang batang ‘yan ay anak niya, anak ng babaeng nakakatanda. Kaya dahil dito ay nagpasya si Solomon (‘AS) at ibinigay niya ang bata sa babaeng nakakabata na sumisigaw na huwag patayin ang bata.

Pag-isipan Natin:

Bakit doon ibinigay ni Solomon (‘AS) ang bata sa babaeng nakakabata? Ano ang naidudulot nito na aral o karunungan? Pakisulat nalang sa comments ang kasagutan o di kaya’y mag-email sa mgipc@yahoo.com

Ang Kahulugan ng Muslim

Maraming nag-aakala na ang Muslim ay ang taong isinilang mula sa mga magulang o mga angkan na mga Muslim. Ang salitang Muslim ay siyang katawagan sa taong tumatalima, sumusunod, sumusuko at nagpapasakop sa nag-iisang tunay na Diyos, at tumatakwil sa anumang uri ng pagtatambal sa Kanya. Ang Muslim ay ang taong kumikilala lamang sa nag-iisang tunay na Diyos na Tagapaglikha.

Ang pangalan, lahi, kulay, tribo, angkan o bansa ay hindi mga batayan upang ang isang tao ay matawag na Muslim. Isa sa maling ipakahulugan ng iba na ang mga Muslim ay arabo dahil sa ang pagkakaakala na ang mga arabo ay mga Muslim, bagam’t karamihan sa mga arabo ay tagasunod ng Islâm subalit mayroon din sa kanila na hindi mga Muslim. Ang Islâm ay ipinahayag ng Allǎh (Subⱨânahu wa Taȁlâ) pasa sa lahat at hindi para sa isang lahi lamang.

Sa katotohanan, ay ang bawat sanggol na isinilang ay Muslim sapagkat siya ay nasa ilalim ng tinatawag sa wikang arabik na “Fiṭrah” na ang kahulugan nito ay likas na pagsunod sa nag-iisang tunay na Diyos. Kaya nagiging Hudyo, Kristiyano o Pagano ang bata dahil sa kanyang mga magulang o sa mga taong nag-aruga sa kanya. Ayon sa isang naisalaysay na Ⱨadeeth, sinabi ni Propeta Muⱨammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam): “Ang lahat ng sanggol ay ipinapanganak sa ilalim ng Firah (likas na na pagsunod sa nag-iisang tunay na Diyos), subalit ang kanyang mga magulang ay ginawa siyang Hudyo, Kristiyano o pagano.”

Ang Kahulugan Ng Qur’ân

Ang Qur’ân ay salita ng Allǎh (Subḥaanahu wa Ta’aalaa) na ibinaba kay Propeta Muḥammad (Ṣalla-Allahu ‘Alayhi wa Sallam) sa pamamagitan ni Jibreel (Anghel Gabriel) na nagsisimula sa Sūrah Al-Faatiḥah at nagtatapos sa Sūrah An-Naas.

Ito ang kahuli-hulihan sa mga banal na Kasulatan na ipinagkaloob sa mga naunang Propeta ‘Alayhimus Salām (sumakanila ang kapayapaan). Ito ay walang pag-aalinlangangang nagmula sa Allǎh (Subḥaanahu wa Ta’aalaa) bilang isang patnubay sa mga taong may pangangamba o pagkatakot sa Kanya. Sinabi ng Allǎh (Subḥaanahu wa Ta’aalaa) sa banal na Qur’ân:

ذَلِكَ الْكِتَابُ لا رَيْبَ فِيهِ هُدًى لِلْمُتَّقِينَ. سورة البقرة

Ayon sa kahulugan ng talatang ito: Ito ang Aklat (Qur’ân) na walang pag-aalinlangan dito, ang tunay na patnubay sa mga may pagkatakot sa Allǎh.” (Al-Baqarah 2:2).

Allǎh (Subⱨânahu wa Taȁlâ)

Allǎh – ang pansariling pangalan ng nag-iisang tunay na Diyos na lumikha ng sangkatauhan at sanlibutan. Siya ang tunay at tanging Tagapaglikha. Siya ay hindi nagkaanak at hindi ipinanganak. Siya ay walang katulad. Siya ay hindi lamang Diyos ng mga Mulims o ng isang komunidada o pangkat ng tao, bagkus Siya ang Diyos ng lahat ng mga nilalang at Siya lamang ang karapat-dapat na pag-ukulan ng pagsamba at wala ng iba. Sabi ng Allǎh (Subⱨânahu wa Taȁlâ):

اللهُ لا إِلَهَ إِلا هُوَ الْحَيُّ الْقَيُّومُ لا تَأْخُذُهُ سِنَةٌ وَلا نَوْمٌ لَهُ مَا فِي السَّمَاوَاتِ وَمَا فِي الأرْضِ مَنْ ذَا الَّذِي يَشْفَعُ عِنْدَهُ إِلا بِإِذْنِهِ يَعْلَمُ مَا بَيْنَ أَيْدِيهِمْ وَمَا خَلْفَهُمْ وَلا يُحِيطُونَ بِشَيْءٍ مِنْ عِلْمِهِ إِلا بِمَا شَاءَ وَسِعَ كُرْسِيُّهُ السَّمَاوَاتِ وَالأرْضَ وَلا يَئُودُهُ حِفْظُهُمَا وَهُوَ الْعَلِيُّ الْعَظِيمُ. سورة البقرة

Ayon sa kahulugan ng talatang ito sa wikang tagalog: Allǎh, walang Diyos na karapat-dapat sambahin maliban sa Kanya, ang may walang hanggang buhay, ang may walang hanggan kapangyarihan. Ang antok at pagkaidlip ay hindi maaaring makapanaig sa Kanya. Siya ang nag-aangkin ng lahat ng mga nasa kalangitan at kalupaan. Sino baga kaya ang nakakapamagitan sa Kanya malibang Kanyang pahintulutan? Alam Niya ang mga nangyayari sa Kanyang mga nilikha at ang mga nakaraan. At walang makakaabot ng anuman sa Kanyang kaalaman malibang Kanyang naisin. Ang Kanyang Kursi (Luklukan) ay sumasaklaw sa mga kalangitan at kalupaan, at Siya ay hindi nakadarama ng kapaguran sa pagpapanatili sa kanila, sapagkat Siya ang Kataas-taasan, ang Pinakadakila. (Al-Baqarah 2:255)

إِنَّنِي أَنَا اللهُ لا إِلَهَ إِلا أَنَا فَاعْبُدْنِي وَأَقِمِ الصَّلاةَ لِذِكْرِي. سورة طه

Ayon sa kahulugan ng talatang ito: Katotohanang Ako ang Allǎh, walang Diyos na karapat-dapat sambahin maliban sa Akin, kaya’t sambahin mo ako at iyong isagawa ang Salâh (pagdarasal) bilang paggunita sa Akin. (Taha 20:14)

Kahulugan ng Ǐmân (Pananampalataya)

Ang Ǐmân ay salitang arabik na ang literal na kahulugan nito ay pananampalataya o kaya’y paniniwala, at sa wikang ingles ay “faith”. Ito ay ang pagtalima ng puso sa pamamagitan ng pagpapahayag at pagsasagawa sa mga saligan nito upang maisabuhay ang mga pananampalataya para sa nag-iisang tunay na Diyos. Ang pananampalataya ng isang Muslim ay hindi lagi nang magkakatulad ang antas sapagkat ito ay maaaring bumaba o tumaas, ngunit sa pamamagitan ng mga kaalaman na natututunan sa araw-araw na pilit isinasabuhay ng taong nananampalataya ay ang Ǐmân nito ay magiging matatag at malakas.

Ang Ǐmân ay ang pananampalataya sa Allǎh (Subⱨânahu wa Taȁlâ), pananampaltayan sa Kanyang mga Anghel, pananampaltayan sa Kanyang mga Aklat, pananampaltayan sa Kanyang mga Propeta at Sugo, pananampaltayan sa Huling Araw at pananampalataya sa kapalaran mabuti man ito o masama.

Ang Ǐmân ay mayroong mga sanga o mga bahagi nito. Ayon kay Abu Hurayrah (Raḍi-Allǎhu ànhu) kanyang sinabi: sinabi ni Propeta Muⱨammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam): “Ang pananampalataya ay humigit pitumpu na bahagi o kaya’y animnapu na bahagi nito, at ang higit na mainam (na bahagi) nito ay ang pagsasabi ng “Lâ ilâha illa-Allǎh” walang Diyos na karapat-dapat sambahin maliban sa Allǎh, at ang higit na mababa (na bahagi) nito ay ang pag-aalis (pagtatanggal) ng anumang sagabal ng daan; at ang hiya ay kabilang din sa bahagi ng pananampalataya.”  Iniulat ni Muslim, Tingnan ang Mukhtaṣar Al-Fiqh Al-Islâmiy, Pahina 32.