Unang 10 Araw ng Dhul-Hijjah

Ang kadakilaan ng (unang) 10 araw ng Dhul Hijjah

            Ang lahat ng papuri at pasasalamat ay sa Allah (lamang), nawa’y ang pagpapala at kapayapaan ay makamit ng Sugo ng Allah – ang Propeta nating si Muhammad (SAW) –, at gayon din sa lahat ng kanyang mga kamag-anak at kasamahan…

Si Bukhari (RA) ay nagpahayag mula sa ulat ni Ibn Abbas (RA); [Ang Propeta (SAW) ay nagsabi: “Walang mga araw na kung saan ang mabuting gawain na itinataguyod dito’y higit na kaaya-aya para sa Allah maliban sa mga araw na ito – ang ibig sabihin nito ay ang unang sampung araw – Sila (mga Sahabah) ay nagsabi: O Sugo ng Allah, maging ang pakikipaglaban sa landas ng Allah?!  Siya ay sumagot: Maging ang pakikipaglaban sa landas ng Allah, maliban sa isang lalaking nakipagsapalaran sa pamamagitan ng kanyang sarili at kayamanan, at pagkatapos ay walang nakabalik sa mga ito kahit bahagya.”]

Si Imam Ahmad (RA) ay nagpahayag din mula sa ulat ni Ibn Umar (R.A.A.); [Ang Propeta (SAW) ay nagsabi: “Walang mga araw na ang mga gawaing isinasagawa rito ay higit na dakila at kalugud-lugod para sa Allah maliban sa sampung araw na ito. Kaya dalasan ninyo ang pagpupuri, pagdakila at pasasalamat dito.”]

 At si Ibn Habban (RA) ay nagpahayag din sa kanyang mapapanaligang aklat mula sa ulat ni Jabir (RA); [Ang Propeta (SAW) ay nagsabi: “Ang pinakamainam na mga araw ay ang araw ng Arafah.”]

Ang mga isinasagawang gawain sa sampung araw na ito:

 1.   Ang pagsasagawa ng Hajj at Umrah. Sa katunayan ito ang siyang pinakamainam sa lahat ng mga gawain. Sadyang napakaraming Hadith ang nagpapahayag tungkol sa kadakilaan nito,  At ang iba pang mapapanaligang mga Hadith na nagpapahayag patungkol dito.

 2.    Ang pag-aayuno sa mga araw na ito o sa alinmang makakayanan dito – lalong-lalo na sa araw ng Arafah – Walang pag-aalinlangan na ang pag-aayuno ang pinakamainam sa mga gawain, sapagkat ibinukod-tangi ito ng Allah sa Kanyang sarili.

Sa naiulat ni Abu Sa`ied Al-Khudry (RA);  [Ang Sugo ng Allah (Muhammad SAW) ay nagsabi: “Walang isang lingkod na nag-ayuno ng isang araw sa landas ng Allah kundi ang kanyang mukha ay ilalayo ng Allah sa Impiyerno ng dahil sa isang araw na ito, na ang layo ay katumbas ng pitumpong taon (kung lalakarin).] Isinalaysay ni Al-Bukhari at Muslim.

3.    Ang pag-Takbeer (pagdakila) at paggunita (Dhikr) sa mga araw na ito.

Sinabi ng Allah (SWT):  { أَيَّامٍ مَّعْلُومَاتٍ  وَيَذْكُرُوا اسْمَ اللَّهِ فِي }
{At binibigkas nila ang Pangalan ng Allah sa mga kilalang araw.}  Al-Hajj: 28.

      Sa katunayan, ang mga naturang kilalang araw ay binigyang pakahulugan na ang mga ito ay ang sampung araw ng Dhul-Hijjah. At dahil dito ang madalas na paggunita sa mga araw na ito ay naging kaaya-aya sa mga eskolar ng Islam.

At si Ishaq (RA) ay nag-ulat tungkol sa mga Pantas ng Tabi `oun [mga eskolar sa ikalawang siglo (RA)]: Kanyang sinabi: ” Sila ay nagtatakbeer sa mga araw na ito nang ganito:
“Allaahu Akbar, Allaahu Akbar, Laa ilaaha illallaahu wallaahu Akbar, Allaahu Akbar walillaahil Hamd.”

 Batay sa sinabi ng Allah (SWT): {  وَلِتُكَبِّرُواْ اللّه عَلَى مَا هَدَاكُم }
{At upang inyong dakilain ang Allah dahil sa pagkaloob Niya ng patnubay sa inyo.}
Al-Baqarah: 185.

Ito ay sumasaklaw sa lahat ng uri ng paggunita (Dhikr) at panalangin maliban kung dahil sa kawalan ng kaalaman. Sa ganitong kalagayan maaaring gabayan siya ng iba hangga’t sa matutunan niya ito.

4.    Ang pagsisisi at pagkalas sa mga kasuwailan at sa lahat ng mga kasalanan. Nang maging karapat-dapat sa mga gawain ang kapatawaran at habag ng Allah (SWT). Samakatuwid ang mga kasuwailan ay dahilan ng pagtaboy at pagtakwil, samantalang ang mga gawaing  pagsunod naman ay dahilan ng pagpapalapit at pagmamahal. Batay sa Hadith na naiulat ni Abu Hurairah (RA) [ang Propeta ay nagsabi: “Katotohanan, ang Allah ay naghihinakit at ang paghihinakit ng Allah ay ang pagsasanay ng tao sa mga ipinagbabawal Niya.”] Isinalaysay ni Al-Bukhari at Muslim.

 5.    Ang magparami ng mabubuting gawain sa mga gawaing pagsamba na kusang-loob, tulad ng Salah, pagkakawanggawa, pakikibaka sa pakikipaglaban sa landas ng Allah, pagbabasa, pag-utos ng kabutihan at pagbabawal ng kasamaan atbp. Sapagkat ito’y naibibilang sa mga gawaing paulit-ulit na ginagantimpalaan ng Allah sa mga araw na ito. Samakatuwid ang isang gawain dito kahit pa man ito’y napakaliit, ito ay mas mainam pa rin at kalugud-lugod sa Allah kaysa isagawa ito sa ibang araw bukod dito, at maging ang pakikipaglaban sa landas ng Allah (Jihad) na sadyang napakadakilang gawain, ito’y nangunguna pa rin dito, maliban sa taong napatay ang kanyang kabayo at dumanak ang kanyang  dugo.

6.    Itinatagubilin sa mga araw na ito ang pag-Takbeer ng walang takdang oras sa buong magdamag o sa buong maghapon hanggang sa oras na isagawa ang Salah sa Eid. Itinatagubilin din ang pag-takbeer ng may katakdaang oras. At ito’y sa bawa’t   pagkatapos ng mga ubligadong Salah na isinasagawang sama-sama. At para sa mga hindi nagsasagawa ng Hajj, magsimula ang oras nito sa pagsapit ng bukang-liwayway sa araw ng Arafah, at para naman sa nagsasagawa ng Hajj, magsimula sa tanghaling tapat sa araw ng Eid (ika-10 araw) at manatili ito hanggang sa Salah ng Asr sa huling araw ng Tashreeq (ika-13 araw).

7.    Itinatagubilin ang Udh-hiyyah (hayop na kinakatay bilang alay) sa araw ng Nahr (ika-10 araw) at sa mga araw ng Tashreeq (ika-11, 12, 13 araw). Ito ay isang dakilang alaala sa ginawa ng ating ninunong si Ibraheem nang ihandog niya sa Allah (SWT) ang kanyang anak sa pamamagitan ng kakila-kilabot na pagkatay.
At sa katunayan, [Ang Propeta ay naghandog ng dalawang tupa na ang mga balahibo nito’y kulay itim at puti at mahahaba ang mga sungay, siya mismo ang kumatay sa mga ito. Binigkas niya ang pangalan ng Allah at nagtakbeer (Bismillaahi Allaahu Akbar), at dinaganan niya ng kanyang paa ang tagiliran nito.] Isinalaysay ni Al-Bukhari at Muslim.

8.    Ang sinumang nais maghandog ng Udhiyyah, hindi pinahihintulutang bumunot o pumutol ng kanyang buhok at mga kuko hangga’t sa hindi siya nakapaghandog.

       Batay sa naipahayag ni Muslim (RA) at ng iba. Si Ummu Salamah (RA) ay nag-ulat; [Ang Propeta (SAW) ay nagsabi: “Kapag nakita ninyo ang buwan ng Dhul-Hijjah at nais ng isa sa inyo na maghandog ng alay. Hayaan niya ang kanyang buhok at mga kuko].

Sa katunayan sinabi ng Allah (SWT): {رُؤُوسَكُمْ حَتَّى يَبْلُغَ الْهَدْيُ مَحِلَّهُ وَلاَ تَحْلِقُواْ }  

 {At huwag kayo mag-ahit ng inyong buhok hangga’t hindi umabot ang Hady sa lugar (na pinagkakatayan nito)} Al-Baqarah: 196

9.    Dapat maging masigasig ang isang muslim sa pagtaguyod ng Salah sa Eid,  saan mang lugar idinadaos ito, at sa pagdalo ng Khutbah at pakikinabang, at dapat din niyang alamin ang wastong layunin ng pagtakda sa pagdiriwang na ito. Ito ay araw ng pasasalamat at pagtaguyod ng kabutihan.

10.   Pagkatapos ng mga nabanggit. Karapat-dapat lang sa bawat muslim maging lalaki man o babae na samantalahin ang dakilang mga araw na ito sa pagsunod sa Allah (SWT), paggunita at pagpapasalamat sa Kanya, pagtaguyod ng mga tungkulin at pag-iwas sa mga ipinagbabawal.

Gayon din dapat lang na samantalahin ang magagandang pagkakataon na ito at hangarin ang mga gantimpala ng Allah (SWT) nang sa gayo’y makamit ang Kanyang kaluguran. Ang Allah (SWT) ang nagkakaloob ng katampukan at nagpapatnubay ng wastong landas.
Nawa’y ang pagpapala at pagbati ng Allah ay igawad kay Muhammad (SAW), sa kanyang mag-anak at sa kanyang mga kasamahan.

 

Ano ang Islam?

Ang Islam ay ang relihiyon ng mga Muslim. Ang pinakabuod nito ay napapaloob sa kalimah ng mga Muslim na: La ilaha ilallah, Muhammadar Rasulullah. Ito ay salitang Arabik na nangangahulugan na Wala ng ibang Diyos na karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba maliban sa Allah at si Muhammad ay Kanyang sugo“.

Taliwas sa ibang pananampalataya, ang Islam ay hindi hinango sa pangalan ng tao, lugar o bagay. Ang Kristiyanismo ay hinango mula sa pangalan ni Kristo (sumakanya nawa ang kapayapaan), ang Buddhismo mula sa pangalan ni Buddha, ang Judaismo mula sa tribo ni Judah (sumakanya nawa ang kapayapaan) sa lugar ng Judaea, ang Hinduismo ay mula sa pangalan ng ilog na Indes sa India at ang Zoroastranismo ay mula sa pangalan ni Zoroaster. Ang mga relihiyong nagtataguri buhat sa pangalan ng kanilang mga propeta ay nagbabadya ng pagsamba sa kanila. Halimbawa, ang Kristiyanismo ay buhat sa pangalan ni Kristo at kaya gayon ay sapagka’t sila ay sumasamba kay Kristo. Ang Buddhismo ay mula sa pangalan ni Buddha, at gayon din naman ay sumasamba sila kay Buddha. Ang Zoroastranismo ay mula kay Zoroaster at wala rin pagkakaiba sa nauna na sila ay sumasamba kay Zoroaster. Walang relihiyon na dapat ipangalan sa sinumang Propeta o lahi ng tao o tribu sapagkat ito ay nagbibigay ng pahiwatig ng pagsamba sa Sugong nagpahayag ng mensahe ng Allah. Bagama’t may mga taong nagtataguri sa Islam na Muhammadanismo, ito ay maling pagkaunawa at walang puwang sa relihiyong Islam. Ito ay puna lamang o katawagang ipinangalan ng mga kritiko o manunuligsa ng Islam at dahil dito ay nagbibigay kasiraan sa kaganapan ng relihiyon o naglilihis sa katotohanan. Walang Muslim ang magsasabi na siya ay Muhammadan sapagkat kailanman ang mga Muslim ay hindi sumasamba kay Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan). Ito ay maling pagkaunawa na ikinulapol ng mga taga-usig ng Islam sa mga Muslim. Tanging naiiba ang Islam.

 Ang Islam ay isang katagang Arabik mula sa salitang ugat na salam. Ang kahulugan nito ay kapayapaan, pagkamasunurin, pagbibigay at pagpapaubaya ng sarili, lubos na pagtanggap sa mga itinalaga ng Allah, pagtalima ng walang pasubali at pagkakaloob ng lahat ng lakas, isip at katawan. Sa maikling salita, ganap na pagsuko sa Kataas-taasang Diyos na Tagapaglikha.

Ang Islam ay itinatag ng Allah dito sa balat ng lupa at hindi sa Makkah o Saudi Arabia. Ito ay itinatag Niya mula pa noong unang panahon nang likhain Niya ang unang tao dito sa lupa, alalaong baga’y si Adan at Eba (sumakanila nawa ang kapayapaan). Ito ay hindi relihiyong itinatag ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) bagkus ay ang Allah mismo ang nagtatag nito. Ating mababasa sa Qur’an, ang huling kapahayagan ng Allah, ang mga sumusunod na talata:

 “Sa araw na ito ay pinaging ganap Ko ang inyong relihiyon para sa inyo, at ipinagkaloob Ko ang Aking paglingap sa inyo, at Aking itinakda na inyong relihiyon ang Islam.” [Qur’an, 5:3]

 Ang katagang Islam ay tuwirang pagkakaloob ng sarili at pagtalima sa mga utos ng Allah. Ang tunay na Muslim ay naniniwalang ang relihiyong ibinigay ng Allah ay tanging Islam lamang.  Ito lamang ang relihiyong tinatanggap at tatanggapin ng Allah at wala ng iba.

Sinabi rin ng Allah sa iba pang talata ng Qur’an ang mga sumusunod:

 “At sinumang maghanap ng pananampalataya na iba sa Islam, ito ay hindi kailanman tatanggapin sa kanya, at sa Kabilang Buhay siya ay isa sa mga napaligaw (ng landas sa pagkapahamak)” [Qur’an, 3:85]